Ang kidney o bato ang nagsasala sa iba’t-ibang bagay na dumadaloy sa loob ng katawan tulad ng dugo, pagkain at tubig. Dahil dito, ang katawan ay nalilinisan at natatanggalan ng mga dumi o toxin. Kung hindi nagagampanan ng bato nang maayos ang tungkulin nito, ang tawag dito ay sakit sa bato o chronic kidney disease. Ang karamdamang ito ay maaaring magresulta sa pagbuo ng kidney stones at edema. Kapag hindi ito maagapan, tutuloy ito sa kidney failure, isang kondisyong nakamamatay.
Ang chronic kidney disease ay may limang yugto:
-
Stage I - Normal ang takbo ng bato ngunit ang ihi ay nagpapakita ng senyales ng sakit sa bato.
-
Stage II - Hindi pa gaanong naaantala ang takbo ng bato.
-
Stage III - Bahagyang tumitindi ang impeksyon sa bato.
-
Stage IV – Lubhang apektado na ang function ng bato.
-
Stage V – Halos hindi na gumagana ang bato at maaaring tumuloy sa kidney failure.
Maraming uri ang maaaring maging karamdaman ng bato ngunit kapag sinabing “sakit sa bato,” ang karaniwang ibig sabihin ay chronic kidney disease. Maraming komplikasyon ang sakit na ito dahil hindi nasasala nang maayos ang mga dumi sa loob ng katawan.