Psoriasis | RiteMED

Sakit At Sintomas

 

Psoriasis - problema sa balat at immune system

VIEW MEDICINES

Ano ang psoriasis?

Ito ay isang kondisyon kung saan nangangapal at nagmimistulang kaliskis, o yung tinatawag na “plaques”, ang balat. Maaaring lumitaw ang psoriasis sa early adulthood. Sa ibang pagkakataon, ito ay maaaring ma-develop kapag tayo ay nagkaka-edad na.

Hindi nakakahawa ang psoriasis kaya hindi ito makukuha o maipapasa sa iba.

 

Anu-ano ang mga sintomas ng psoriasis?

Maliban sa pangangapal at pagkakakaliskis ng balat, heto ang iba pang senyales ng sakit na ito:

  • Pache-pacheng balat na namumula
  • Balat na nanunuyo at basag
  • Pangangati
  • Pagkakakaliskis ng anit
  • Pananakit ng balat
  • Pananakit sa kasukasuan
  • Basag at abnormal na itsura ng kuko

 

Posibleng lumitaw ang psoriasis sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:

  • Kamay at paa
  • Kuko
  • Mukha
  • Anit
  • Likod
  • Siko at tuhod
  • Singit at ari

 

Anu-ano ang mga sanhi ng psoriasis?

Nagkakaroon ng psoriasis ang isang tao kapag may problema ang kanyang immune system. Dito, pinapabilis ng immune system ang paggawa ng bagong skin cells sa katawan. Ang abnormal na pagtubo ng skin cells ang siyang nagdudulot ng pangangapal at pagkakakaliskis ng balat.

At bagama’t hindi nakakahawa ang psoriasis, namamana naman ito.

Kung hindi tayo mag-iingat, may mga pagkakataon kung saan maaaring lumala ang psoriasis:

  • Kapag palaging naii-stress
  • Kapag nagkasakit dahil sa matinding impeksyon
  • Kapag na-injure dahil sa pagkahiwa o surgery
  • Kapag nakainom ng piling gamot (lithium at beta blockers)
  • Kapag hindi lumalabas at naaarawan

 

 

Anu-ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong psoriasis?

Kapag tayo ay may sintomas ng psoriasis, magpatingin agad sa dermatologist para sa mga susunod na hakbang at para maabisuhan kayo sa gamot na kakailanganin.

Kadalasan, ang dermatologist ay kukuha ng sample mula sa iyong balat para kilatisin sa laboratoryo.

 

Paano ginagamot ang psoriasis?

Ang paraan ng paggamot ay nakadepende sa iyong edad at pangkalahatang kalusugan, kung gaano kalala ang iyong psoriasis, at kung anong mga parte ng katawan ang apektado ng sakit na ito. Ang madalas na inirerekomendang gamot ng dermatologist ay ang mga sumusunod:

  • Moisturizers
  • Steroid creams
  • Vitamin D3 ointment
  • Vitamin A o mga retinoid creams
  • Anthralin
  • Mga lotion at shampoo para sa psoriasis sa anit

Kapag malala na ang psoriasis, maaaring irekomenda ang tinatawag na ultraviolet o UV light therapy.

 

IMPORTANTE: Huwag gumamit ng anumang gamot nang walang pahintulot at gabay ng doktor. Dumaan muna tayo sa masusing pagsusuri para sa ating kaligtasan.

 

 

Paano maiiwasan ang psoriasis?

Dahil ang psoriasis ay dulot ng abnormal na immune system, hindi ito maiiwasan. Ito ay sakit na pang-habang buhay na maaaring mawala at bumalik sa kahit anong oras.

Para maibsan ang epekto nito sa ating buhay, alagaan ang sarili. Kumain ng tama. Mag-ehersisyo. Alalayan ang timbang. Iwasan ang pag-inom. I-manage ang stress. Lumabas at maging aktibo sa buhay. At kung kinakailangan, ituloy ang paggamot na rekomendado ng dermatologist.

PAALALA: Para sa kaligtasan mo at ng mga mahal mo sa buhay, kumunsulta muna sa doktor bago bumili at gumamit ng anumang gamot.

 

References:

 

https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/psoriasis/understanding-psoriasis-basics

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/psoriasis/symptoms-causes/syc-20355840

https://www.healthline.com/health/psoriasis

https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/6866-psoriasis

https://www.aad.org/public/diseases/psoriasis/what/symptoms

https://www.nhs.uk/conditions/psoriasis/living-with/