CHICKENPOX: Chickenpox: Impeksyon ng Pamamantal
VIEW MEDICINESAno ang chicken pox?
Ang chickenpox o mas kilala sa tawag na ‘bulutong’ ay isang sakit na nanggagaling sa impeksyon dulot ng virus na varicella zoster. Ito ay may incubation period na maaring umabot ng 7-21 na araw bago magpakita ang mga sintomas gaya ng pangangati, lagnat, at ang pamamantal (rashes) sa balat. Bagamat isa itong laganap na sakit sa mga kabataan, epektibo ang paggamit ng bakuna o chickenpox vaccine sa pag-iwas dito o sa mga komplikasyon na dulot nito.
Mahigit 90% ng lahat ng tao ay makakaranas ng chicken pox bago ang edad na 18. Karamihan sa mga kaso nito ay hindi nakamamatay, ngunit posible itong magdulot ng malulubhang sintomas gaya ng pamamaga sa utak, impeksyon, at pneumonia. Tinatayang 1 sa 60,000 na taong may bulutong ay maaaring mamatay
Ano ang mga sintomas ng chicken pox?
Matapos ang incubation period ng varicella zoster virus, ang taong may bulutong ay makakaranas ng pamamantal na kadalasang nagmumula sa dibdib o tiyan bago ito kumalat sa ibang bahagi ng katawan gaya ng leeg, mukha, braso, at binti. Ang mga pantal ay mamumula at magkakaroon ng likido at maaari itong tumagal ng hanggang 10 araw.
Ang mga pantal na dulot ng bulutong ay tinatawag na vesicles kapag ito ay meron nang likido. Tuluyang nawawala ang mga vesicles matapos ang humigit-kumulang na dalawang linggo. Bukod sa pamamantal, maaari ding makaranas ng lagnat, pananakit ng ulo, at panghihina.
Ano ang mga sanhi ng chickenpox?
Ang chickenpox ay dulot ng varicella zoster virus na malubhang nakakahawa. Ang virus na ito ay madaling kumalat sa hangin dulot ng pagbahing o pag-ubo. Maaari rin itong makahawa sa direktang pagdikit sa balat, lalo na kapag ang lumabas ang likido mula sa vesicles. Mas malaki ang pagkakataon na ikaw ay mahawa kapag kasama mo ang isang taong may chickenpox sa isang silid.
Kung ikaw ay hindi pa nabibigyan ng chickenpox vaccine, malaki ang pagkakataong mahawa ka sa taong madalas mong kasama na may bulutong. Ganito rin kapag hindi ka pa nagkakaroon ng chicken pox.
Ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay merong chickenpox?
Ang mga pamamantal o paglabas vesicles ang pangunahing palatandaan ng chicken pox. Bago lumabas ang pamamantal sa balat, hindi madaling matiyak kung mayroon ka nito. Mahalagang magpatingin kaagad sa doktor kapag ikaw ay nakasalamuha ng isang indibidwal na may kaso ng chickenpox.
Kasama sa pagsusuri ang pagtingin ng ibang sintomas gaya ng lagnat, panghihina, pananakit ng ulo, at iba pa, ngunit makakasiguro lamang ang doktor sa pamamagitan ng pagsusuri sa likidong galing sa pantal.
Paano ginagamot ang chickenpox?
Ang paggamot sa chicken pox ay nangangailangan ng maingat at wastong pagtrato sa mga sintomas nito, lalo na sa pamamantal. Mahalagang iwasan ang pagkamot sa mga pantal upang hindi lumabas ang likido at lumala ang impeksyon. Ito ang dahilan kung bakit ang pasyente ay pinapayuhang gupitin ang mga kuko o pagsuot ng guwantes (gloves) upang maiwasan ang hindi sadyang pagputok ng vesicles na syang nagdudulot ng peklat
Ang paginom ng acyclovir ay nakakatulong sa mga sintomas ng chicken pox. Ito ay madalas ibinibigay sa mga matatanda upang maiwasan ang pagkakaroon ng malubhang komplikasyon. Bukod dito, maaari ding gamitin ang valacyclovir at sorivudine. Ang paracetamol naman ay pinapainom bilang panggamot sa lagnat. Bukod dito, mahalaga din ang maingat na paglilinis ng balat gamit ang maligamgam (lukewarm) na tubig para maiwasan ang paglala ng impeksyon.
Paano maiiwasan ang chickenpox?
Ang pag iwas sa mag taong may chickenpox ang pangunahing paraan upang hindi mahawaan nito. Ang mga pasyente ng chickenpox ay pinapayuhang manatili sa bahay upang maiwasan na mahawaan ang mga tao sa paligid na hindi pa nagkakaroon ng sakit na ito. Mahalaga rin isapuso ang kalinisan at paggamit ng disinfectants lalo na kung may kakilala kang may chickenpox. Importante din ang bakuna o vaccine para maiwasan ang impeksyon ng varicella zoster virus. Tandaan na ang bakuna ang pangunahing dahilan kung bakit bumababa ang kaso ng chicken pox sa buong mundo.