Hyperacidity o dyspepsia ang tawag sa sakit kung saan labis ang dami ng stomach acid o asido sa tiyan. Maaari ding katamtaman ang dami ng asido ngunit ito ay nagdudulot ng sugat o iritasyon sa tiyan at lalamunan. Ang dyspepsia ay pangkaraniwang kondisyon na kadalasang tinatawag na indigestion. Hindi ito mapanganib maliban na lamang kung ito ay sintomas ng mas malubhang karamdaman.
May kaugnayan ang regular na pagkain nang marami sa pagkakaroon ng dyspepsia. Ang tiyan ay nababanat kapag masyado itong maraming laman na nagreresulta sa pagiging sensitibo sa asido. Kapag hindi ito naagapan, maaaring magbunga ng mga komplikasyon ang kondisyon tulad ng peptic ulcer o ulcer sa tiyan at chronic gastritis o pamamaga ng stomach lining.
Maraming maaring maging sanhi ang dyspepsia at ang pinakakaraniwan ay ang labis na pag-konsumo ng pagkain. Maliban dito, ang sakit ay puwedeng magmula sa mga sumusunod:
· Acid reflux o ang pagakyat ng stomach acid sa lalamunan
· Stress at anxiety
· Side effect ng mga gamot gaya ng aspirin, ibuprofen, at mga nitrate
· Pagiging overweight o obese
· Impeksyon mula sa Helicobacter Pylori bacteria
· Peptic ulcer
· Kanser sa tiyan
· Paninigarilyo
· Labis na pag-inom ng alak
· Labis na pag-inom ng kape
· Pagkagumon sa ilegal na droga
Ang indigestion ay kalimitang napagkakamalang ordinaryong stomach ache o pananakit ng tiyan. Ang pinagkaiba ay ang sakit ng tiyan ay kadalasang may kaakibat na iba pang sintomas katulad ng:
· Pagkahilo
· Labis na pagdighay
· Kawalan ng gana kumain
· May kasamang pagkain o likido sa pagdighay
· Labis na kabusugan pagkatapos kumain
· Heartburn o pananakit ng dibdib dahil sa indigestion
· Pagiging bloated
Malalaman na ikaw ay may dyspepsia kapag sinuri ang iyong tiyan. Aalamin ng doktor kung ikaw ay uminom ng aspirin, ibuprofen at iba pang gamot na nagpaparami ng asido sa tiyan. Maaari ka ring bigyan ng antacid para makita kung gagaling agad ang karamdaman.
Kapag mahirapan ang doktor malaman ang sanhi ng hyperacidity, ikaw ay sasailalim sa endoscopy. Magpapasok ang doktor ng mahabang tubo mula bibig hanggang tiyan upang lubos na ma-obserbahan ang lalamunan, sikmura at dami ng asido.
Ang pangunahing layunin sa paggamot ng dyspepsia ay ang pagbawas ng dami at produksyon ng asido sa tiyan. Karaniwan itong nabibigyang lunas ng medisina, tamang pagkain at masiglang pamumuhay.
Lifestyle changes:
· Bawasan ang dami ng pagkain. Maaaring kumain ng 5 small meals imbis na mag-konsumo ng tatlong mabibigat na meal sa isang araw.
· Kumain sa takdang oras.
· Pagkatapos kumain, maghintay ng 2 or 3 oras bago matulog.
· Bawasan ang maaanghang na pagkain.
· Umiwas sa paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak, kape at soft drinks.
· Magbawas ng sobrang timbang.
· Mag-ehersisyo araw-araw.
· Huwag magsuot ng sobrang sikip na damit.
· Bawasan ang pagkain ng tsokolate, ponkan, kamatis at iba pang bagay na maraming acid.
· Magpahinga tuwing nakakaranas ng stress.
Mga medisina na maaaring ireseta:
· Antacid
· H2 receptor blocker
· Proton pump inhibitor tulad ng omeprazole at lansoprazole
Maliban sa mga nasabing lunas, maaaring pababain ang dami ng asido sa tiyan kapag uminom ng basil tea at cinnamon tea.
Upang makaiwas sa hyperacidity, kailangang umiwas sa mabibigat na meal dahil labis nababanat ang tiyan sa mga ito. Ang labis na maalat, maanghang, mataba, at maasim na pagkain naman ay nagdadagdag ng asido sa tiyan kaya limitihan ang pagkonsumo sa mga ito. Ugaliing kumain sa takdang oras at umiwas sa paninigarilyo, alak at ilegal na droga.
Ang pagiging overweight o obese ay isa sa mga pangunahing sanhi ng hyperacidity kaya kailangang mag-ehersisyo araw-araw. Ugaliin ding magkaroon ng masaya at masiglang pananaw sa buhay upang manaig sa stress at anxiety.