Huwag mahihiyang
magtanong

May tanong tungkol sa sakit at sintomas

 

URINARY TRACT INFECTION: Urinary Tract Infection o Impeksyon sa Pag-Ihi

VIEW MEDICINES

Ano ang Urinary Tract Infection?

Ang normal na ihi o urine ay walang bacteria ngunit hindi maiiwasan na may mga nakakapasok na mikrobyo sa loob ng katawan na nagdudulot ng urinary tract infection o UTI. Maaari nitong maapektuhan ang iba’t-ibang bahagi ng urinary system katulad ng impeksyon sa bato, impeksyon sa pantog  at impeksyon sa daluyan ng ihi (ureter at urethra).

Ang UTI ay kadalasang nagmumula sa bacteria na Escherichia coli (E. coli), na nakakapasok sa pantog o bladder at sa urethra. Kumpara sa mga lalaki, ang mga babae ang kadalasang nagkakaroon ng UTI dahil mas malapit ang urethra ng mga babae sa kanilang puwit kung saan nanggagaling ang E. coli na normal na natatagpuan sa dumi ng tao.

Mga Sintomas ng Urinary Tract Infection

Mararanasan ang mga sumusunod kapag may UTI:

  • Masakit na pag-ihi
  • Mas madalas na pag-ihi
  • Dugo o nana sa ihi
  • Mas mapanghing ihi
  • Pagmamadali sa pag-ihi
  • Kaunting paglabas ng ihi
  • Masakit na pakikipagtalik
  • Pagsakit ng puson
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Panghihina ng katawan
  • Lagnat

Mga Sanhi ng Urinary Tract Infection

Bacteria, partikular ang E. coli, ang karaniwang dahilan ng UTI. Ito rin ay maaaring magmula sa mga sumusunod:

  • Iba pang uri ng bacteria, tulad ng Staphylococcus at Chlamydia
  • Madalas na pakikipagtalik
  • Pakikipagtalik sa iba’t ibang tao
  • Hindi makontrol na pag-ihi o urinary incontinence
  • Pagbubuntis
  • Diabetes
  • Paggamit ng birth control pills
  • Tumor sa urinary tract

Paano Matutuklasan Kung Ikaw Ay May Urinary Tract Infection?

Maaaring malaman na ikaw ay mayroong UTI sa pamamagitan ng urinalysis o pagsuri ng ihi. Ang bilang ng white blood cells at red blood cells ang makapagsasaad ng impeksyon sa ihi  Kumukuha rin ng urine culture upang matuklasan kung anong uri ng bacteria ang nagdudulot ng impeksyon.

Maliban sa urinalysis at urine culture, maaari ring sumailalim sa blood test, ultrasound test, X-ray, CT scan o cystoscopy upang malaman ang mismong sanhi ng karamdaman.

Mga Gamot at Lunas sa Urinary Tract Infection

Dahil ang pangunahing sanhi ng UTI ay mga bacteria, antibiotics ang kadalasang nagbibigay lunas sa karamdamang ito. Ang mga karaniwang nireresetang antibiotics ng mga doktor ay ang mga sumusunod:

  • Nitrofurantoin
  • Sulfonamides
  • Amoxicillin
  • Cephalosporins
  • Doxycycline
  • Ciprofloxacin

Paano Maiiwasan ang Urinary Tract Infection?

Ang UTI ay kadalasang mabilis gamutin pero madali rin itong manumbalik lalo na kung hindi ito napagtutuunan ng pansin. Sundan ang mga sumusunod upang makaiwas dito:

Pagkain at Nutrisyon

  • Uminom ng 6 hanggang 8 basong tubing araw-araw. Makatutulong ito sa normal na dalas ng pag-ihi.
  • Kumain ng mga prutas at gulay na mataas sa antioxidant (tulad ng ubas, kamatis at kalabasa) at mga pagkaing mataas sa fiber (tulad ng beans, cereals, at wheat).

Pag-Ihi at Paghugas

  • Ugaliing linisin nang maigi at maayos ang genital area, lalo na sa mga babae. Ang tamang pagpunas ay mula sa harap papunta sa ilalim. Importante ito lalo na pagkatapos dumumi upang maiwasan mapunta ang bacteria sa urethra.
  • Ugaliing umihi bago at pagkatapos ng pakikipagtalik upang matanggal ang mga bacteria na posibleng pumasok sa urethra.
  • Dalasan ang pagpalit ng napkin tuwing may buwanang dalaw.
  • Iwasan ang paggamit ng mga matatapang na feminine wash.

Birth Control

  • Sa mga babaeng gumagamit ng diaphragm kumonsulta sa doktor upang malaman kung magdudulot ito ng impeksyon.
  • Iwasan ang paggamit ng spermicidal condom.

 Pananamit

  • Magsuot ng mga pang-ilalim na gawa sa cotton.
  • Iwasan ang pagsuot ng mga masisikip na damit.

 

Panoorin ang aming mga videos para sa karagdagang kaalaman tungkol sa kalusugan.