Huwag mahihiyang
magtanong

May tanong tungkol sa sakit at sintomas

 

TOOTHACHE: Pananakit ng Ngipin

VIEW MEDICINES

Ano ang Toothache?

Toothache ang tawag sa pananakit ng ngipin na kadalasang nagmumula sa infected tooth cavity o ngipin na may impeksyon. Mahalaga ang regular na pagkonsulta sa dentista upang maiwasan ang toothache at ang mga maaaring komplikasyon niyo, gaya ng pagkakaroon ng nana sa ngipin (tooth abscess).

Pangkaraniwan ang toothache sa mga bata at matatanda. May mga bacteria na nakatira sa loob ng bibig at kapag hindi sila naalis, maaari silang tumigas at maging plaque na sumisira sa ngipin.

Naglalabas ng asido ang mga mikrobyo at may kakayahan itong tumagos sa puting bahagi o enamel ng mga ngipin. Dito nagmumula ang pagkasira ng ngipin na pangunahing sanhi ng toothache.

Mga Sanhi ng Toothache

Nangyayari ang toothache kapag namamaga ang pinakaloob na parte ng ngipin (dental pulp). Ang bahaging ito ay binubuo ng mga sensitibong nerves at blood vessels. Namamaga ang dental pulp dahil sa mga sumusunod:

  • Naiipon na tira-tirang pagkain sa pagitan ng mga ngipin
  • Impeksyon sa ugat ng ngipin o sa gilagid
  • Teeth grinding o pangangalit na nagdudulot ng trauma sa ngipin
  • Tooth decay o bulok na ngipin
  • Sira o fracture sa ngipin
  • Tooth abscess o impeksyon sa ugat ng ngipin
  • Maluwag o sirang dental fillings o “pasta”
  • Gingivitis o pamamaga ng gilagid
  • Pagtubo ng ngipin sa mga bata

Mga Sintomas ng Toothache

Ang toothache ay hindi lang pananakit ng ngipin. Kadalasan, ito ay may kaakibat ding dagdag na sintomas gaya ng:

  • Pamamaga ng gilagid o panga
  • Pagdugo sa paligid ng ngipin
  • Masakit na pagnguya ng pagkain
  • Pananakit ng ulo
  • Lagnat
  • Pansamantalang pagkalat ng sakit sa ibang ngipin

Paano Matutuklasan Kung Ikaw Ay May Toothache?

Maiging malaman ang sanhi ng toothache dahil dito nakadepende ang tamang lunas na ibibigay ng dentista. Ito ang ilan sa mga paraan:

  • Oral examination o pagsusuri ng bibig
  • X-ray ng bibig
  • Pagsusuri sa mga naunang kaso ng pasyente
  • Pagsusuri sa mga komplikasyon

Mga Gamot at Lunas sa Toothache

Ang toothache ay maaaring bigyang lunas sa bahay lalo na kung ikaw ay walang oras pumunta sa iyong dentista

Para sa pananakit ng ngipin:

  • Magmumog ng maligamgam na tubig.
  • Uminom ng over-the-counter drugs o mga gamot na nabibili kahit walang reseta, tulad ng ibuprofen at mefenamic acid para sa pagtanggal o pagbawas ng kirot.
  • Iwasan ang masyadong malamig o masyadong mainit na pagkain dahil mas lalala ang sakit.
  • Gumamit ng toothpaste na ginawa para sa sensitibong ngipin.

Kapag ikaw ay nakakonsulta sa iyong dentista, maaari kang bigyan ng oral prophylaxis o propesyonal na paglilinis ng mga ngipin. Kung minsan, kinakailangan din ng dental fillings o pasta para maibsan ang pagpasok ng pagkain sa loob ng ngipin, lalo na kung ito’y nagkaroon na ng abscess sa loob. Root canal naman ang ginagawa kapag na-impeksyon na ang dental pulp.

  • Maaari ring magbigay ng paracetamol ng iyong dentista kung ikaw ay may lagnat at antibiotic kapag namamaga ang panga. Alagaan nang maayos ang mga ngipin upang maiwasan ang pag-ulit ng toothache.

Paano Maiiwasan ang Toothache?

Ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang toothache ay ang wastong pag-aalaga ng mga ngipin at gilagid. Sundin ang mga sumusunod para makaiwas:

  • Kumain lamang ng sapat na matamis na pagkain.
  • Ugaliing magsipilyo nang dalawang beses araw-araw at gumamit ng toothpaste na mayroong fluoride.
  • Ugaliin ang paggamit ng dental floss. Gumamit din ng mouthwash kung kinakailangan.
  • Iwasan ang paninigarilyo dahil ito ay nakakalala ng mga sakit sa ngipin at gilagid.

Siguraduhing regular ang pagbisita sa iyong dentista upang mas maiwasan ang mga problema sa ngipin at gilagid. Mainam din na magpa-schedule nang dalawang beses sa isang taon ng oral prophylaxis sa iyong dentista.

Panoorin ang aming mga videos para sa karagdagang kaalaman tungkol sa kalusugan.