Fungal infection - Problema na dala ng fungi
VIEW MEDICINESAno ang fungal infection?
Ito ay sakit sa balat na dulot ng tinatawag na fungi, mga maliliit na organismo na matatagpuan sa ating kapaligiran. Bagama’t hindi lahat ng fungi ay nakasasama sa kalusugan, may ilan na maaaring makapinsala at magdala ng impeksyon.
Anu-ano ang mga sintomas ng fungal infection?
Posibleng may fungal infection ang isang tao kapag may mga sumusunod:
- Parang kaliskis na balat
- Pamamaga
- Pamumula
- Pagbubutlig
- Pangangati
Ang fungal infection ay maaaring lumitaw sa iba’t ibang bahagi ng ating balat. Pero madalas itong makikita sa:
- Talampakan
- Kuko sa kamay at paa
- Singit at ibang maseselang bahagi ng katawan
Saan madalas nakukuha ang fungal infection?
Bagama’t ang fungi ay matatagpuan sa kahit saang lugar, mas malaki ang tsansang magkaroon ng fungal infection sa mga sumusunod na pagkakataon:
- Kapag nasa pampublikong swimming pool
- Kapag nasa pampublikong palikuran
- Kapag madalas na nakapaa
- Kapag hindi nagpapalit ng medyas na pinagpawisan
- Kapag hindi nakakahinga ang paa sa suot na sapatos
- Kapag nakikigamit ng damit at tuwalya ng ibang tao
Ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong fungal infection?
Kapag tayo ay may sintomas ng fungal infection, magpatingin agad sa doktor para sa mga susunod na hakbang at para maabisuhan kayo sa gamot na kakailanganin.
IMPORTANTE: Kapag walang tamang gabay ng doktor, maaaring lumala ang fungal infection at magiging mahirap na itong gamutin.
Paano ginagamot ang fungal infection?
Madalas na inirerekomenda ng mga doktor ang antifungal creams. Mabibili ang mga ito sa botika. Sa mga pagkakataong malala ang fungal infection, maaaring mag-reseta ang doktor ng ibang mas matapang na gamot.
Simple lang ang paggamit ng antifungal cream:
- Basahing mabuti ang mga instructions na nakalagay sa pakete
- Bago ipahid, siguraduhing malinis at tuyo ang balat na papahiran
- Sundin ang payo ng doktor kung gaano kadalas ito gagamitin
Paano maiiwasan ang fungal infection?
Ang pagiging malinis sa katawan ang pinakamaganda pa ring paraan para maiwasan ang fungal infection. Kaya heto ang ilang hakbang para maprotektahan ang iyong sarili:
- Maligo araw-araw
- Ugaliin ang tamang paghuhugas ng kamay
- Iwasang maglakad ng nakapaa
- Maligo kapag nanggaling sa pampublikong swimming pool
- Mag-rubbing alcohol o sanitizer kapag gumamit ng pampublikong palikuran
- Magsuot ng komportableng damit at sapatos para nakakahinga ang balat
- Magpalit ng medyas at underwear araw-araw
- Iwasang gumamit ng damit o tuwalya ng ibang tao
- Palakasin ang resistensya sa pamamagitan ng tamang dyeta at ehersisyo
PAALALA: Para sa kaligtasan mo at ng mga mahal mo sa buhay, kumunsulta muna sa doktor bago bumili at gumamit ng anumang gamot.
References:
https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/guide/fungal-infections-skin
https://www.cdc.gov/fungal/features/fungal-infections.html
https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/4276-skin-fungus
https://microbiologysociety.org/why-microbiology-matters/what-is-microbiology/fungi.html
https://www.healthline.com/health/fungal-skin-infection#what-is-it