Ang pangunahing sanhi ng menstrual cramps ay ang paninikip ng matris dahil sa kemikal na prostaglandin. Ito ay karaniwang nangyayari sa panahon ng pagreregla. Sa sobrang paninikip, maaaring maipit ng matris ang mga nakapaligid na daluyan ng dugo na nagdudulot naman ng kawalan ng oxygen sa mga kalapit na kalamnan .
Ang dysmenorrhea ay maaaring primary o secondary depende sa sanhi nito. Kung ito ay dulot ng umiiral na kondisyon, ito ay secondary dysmenorrhea. Ngunit kapag ito naman ay naganap nang walang nauugnay na kondisyon, ito ay primary dysmenorrhea.
Ito ang mga karaniwang sanhi ng secondary dysmenorrhea:
-
Endometriosis – Ito ang pinakamadalas na sanhi ng secondary dysmenorrhea. Ito ay ang kondisyon kung saan ang endometrium ay tumutubo sa labas ng matris.
-
Adenomyosis – Kung ang endometriosis ay ang pagtubo ng endometrium sa labas ng matris, ang adenomyosis naman ay ang pagtubo nito sa kalamnan nito.
-
Cervical stenosis – Ito ang paninikip ng lagusan ng matris.
-
Fibroids – Ito ang tawag sa mga non-cancerous tumors na tumutubo sa loob o paligid ng matris.
-
Pelvic inflammatory disease – Ang pelvic inflammatory disease ang dulot ng impeksyon na maaaring kumalat sa iba pang reproductive organs.
Sinasabing humihina ang pananakit na dulot ng dysmenorrhea habang tumatanda ang isang babae. Ito rin ay maaaring tumigil at hindi na bumalik pagkatapos ng panganganak.