Work-From-Home: Masyado Nga Ba tayong Matagal na Nakaupo? | RiteMED

Work-From-Home: Masyado Nga Ba tayong Matagal na Nakaupo?

April 28, 2022

Work-From-Home: Masyado Nga Ba tayong Matagal na Nakaupo?

Dahil sa pandemya, nabago ang paraan kung paano nagtatrabaho ang mga tao. Ang mga kumpanya na nasanay sa pagtatrabaho sa opisina ay napilitang mag-adapt sa remote set-up. Sa pagpapatuloy ng pandemya, ang ibang kumpanya ay sinusubukan naman ang hybrid setup kung saan may ilang araw na kailangan pumasok sa opisina at ilang araw na work-from-home (WFH). Mahalaga ang WFH set-up sa pagkontrol ng pagkalat ng COVID, ngunit mayroon din itong negatibong epekto sa kalusugan.

 

Sa pagdami ng mga empleyadong WFH, dumami rin ang work-related injuries na ipinapakonsulta sa doktor. Ilan sa mga ito ay ang pagsakit ng sakit ng likod at leeg, muscle pain, paglabo ng paningin, sakit ng ulo at dry eyes. Ang mga sintomas na ito ay buhat ng masyadong matagal na pag-upo sa harap ng computer at pangit na posture. Ayon sa mga eksperto, marami sa mga health issues na ito ay maaaring maagapan sa tulong ng ilang adjustments sa ating gawain.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-working-out-home-watching-video-1324486514

 

Tips para maging Aktibo habang Nagtatrabaho sa Bahay

 

Ang pagtatrabaho sa bahay ay parang isang natupad na pangarap – makakaiwas sa rush hour, tumatanggap ng mga tawag sa sopa – ngunit maaari rin itong magdulot sa pagkasanay sa pamumuhay na laging nakaupo. Kailangan ng pagiging malikhain at disiplina sa sarili, ngunit importante ang pagiging aktibo upang mapanatili ang kalusugan ng katawan at pag-iisip. Ito ang ilang mga tips upang maging aktibo sa bahay:

 

-Iskedyul ang ehersisyo - Kailangan may sinusundan na routine araw-araw at dapat kasama dito ang ehersisyo. Maaaring  mag-unat sa umaga bilang pampagising o magjogging sa treadmill pakatapos ng trabaho. Ang importante ay kasama ito sa pang-araw-araw na iskedyul upang hindi makalimutan o ipagpaliban.

 

-Tumayo kada-oras - Ang matagal na pag-upo ay hindi maganda sa kalusugan. Kahit nakakapag-ehersisyo araw-araw, ang mga taong nakaupo ng ilang oras kada-araw ay madaling kapitan ng mga sakit tulad ng sakit sa puso, dyabetis, altapresyon at obesity. Ang isang maaaring solusyon ay ang paggamit ng timer upang paalala na oras na para tumayo at gumalaw ng ilang minuto kada-oras. May mga smartwatch at apps rin na maaaring gamitin na nagsasabi kung kulang pa ang bilang ng nalakad sa isang araw. Kapag nag-alarm na ang relo o ang cellphone, tumayo, maglalakad-lakad, kumain ng masustansyang meryenda, maglakad ng pataas at pababa ng hagdan, o magsingit ng kaunting jumping jacks para maehersisyo ang puso at mabuhayan ang katawan.

 

-Magsingit ng dagdag na pagkilos - Sa kabuuan ng araw, maghanap ng dahilan upang tumayo at kumilos. Maglakad habang may kausap sa telepono, o magsingit ng limang minuto kada-oras upang tumayo at maglakad sa kwarto. Ang paglalakad ay napag-aralan na nagpapaganda ng mood, pagkamalikhan at konsentrasyon, kaya naman nakakatulong ito sa kalusugan, pati na rin sa pagiging produktibo.

 

-Gumamit ng teknolohiya - Madaming video sa YouTube at mga app sa smartphone na makakatulong sa pagiging aktibo at pag-eehersisyo tulad ng yoga, zumba at jump rope. Madaming ehersisyo para sa iba’t ibang tao, maging baguhan man o sanay na sa pagiging aktibo. Ang pinakamaganda sa lahat, madami sa mga workout na ito ay libre. Pwede rin maging malikhain at mag-group exercise kasama ang mga kaibigan o katrabaho kahit virtual lamang. Pumili lamang ng oras kung kailan pwedeng sabay-sabay na mag-ehersisyo kahit nasa kani-kanilang mga tahanan.

 

-Gumamit ng mga pang-ehersisyo na nasa bahay na - Hindi kailangang may kumpletong gym equipment sa bahay para mag-ehersisyo. May mga workout tulad ng sit-ups, push-ups, yoga, at iba pa na hindi gumagamit ng kahit anong equipment. Ang paglalakad o pagjojogging ay nangangailan lamang ng sapatos. May mga simpleng gamit din sa bahay na pwedeng gamitin pansamantalang weights tulad ng lata ng sopas, sako ng bigas, at bote ng sabong panlaba, lalo na kung nagsisimula pa lamang na magpalakas.

 

Tips sa Pag-aalaga sa Sarili habang Nagtatrabaho sa Bahay

 

Bukod sa pisikal na kalusugan, mahalagang pangalagaan din ang iba pang aspeto ng kalusugan – ang emotional at social well-being. Dahil sa WFH set-up, maaaring nakararanas ang iba ng kalungkutan dahil sa kakulangan sa social interaction, walang masyadong motivation, hindi makaconcentrate, o hirap i-balanse ang trabaho at ang personal na buhay.

 

Bukod sa pagiging aktibo at pag-ehersisyo, ito ang ilan pang mga tips upang mapangalagaan ang sarili habang nagtatrabaho sa bahay:

 

-Kumain ng masustansyang pagkain - Kumain ng prutas, gulay, whole grains tulad ng brown rice at oatmeal, low fat dairy products, itlog, beans, mani, isda, manok at karneng walang taba. Ang mga pagkaing madaming asukal at asin, madaming saturated fat at mga processed foods ay dapat iwasan. Kung kakain ng meryenda, maghanda ng masustansyang pagkain tulad ng prutas upang maiwasan ang pagkain ng junk food.

 

-Uminom ng madaming tubig. Maaaring uminom paminsan-minsan ng kape o tsaa ngunit umiwas sa inuming madaming asukal tulad ng soft drinks, energy drinks, at fruit drinks.

 

-I-set up ang home office sa paraan na komportable at maayos ang posture habang nakaupo. Mag-invest sa maayos na upuan at mesa upang hindi makaranas ng sakit ng batok o likod. I-ayos ang computer monitor at keyboard upang komportable ang mga kamay at mabawasan ang eye strain.

 

-Magkaroon ng work-life balance. Kapag nagtatrabaho sa bahay, minsan mahirap paghiwalayin ang trabaho at ang personal na buhay. Mag-set ng boundaries sa espasyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng hiwalay na opisina. Dapat mayroon lamang takdang oras para sa trabaho. Pagkatapos ng office hours, maglaan ng panahon para makapag-relax.

 

-Magkaroon ng daily routine sa labas ng trabaho. Maglaan ng sapat na oras para sa tulog. Gumising at matulog sa takdang oras araw-araw.

 

-Gumawa ng personal connections. Maaaring makihalubilo sa mga kapamilya o kasama sa bahay upang mabawasan ang kalungkutan. Maglaan din ng oras upang makipag-usap sa mga tao na hindi kasama sa bahay, kahit sa pamimigitan ng text, voice call, o video call.

 

Sa kabila ng mga benepisyo ng WFH set-up, may mga kaakibat rin ito na mga hamon. Tayo ay nasa isang kakaiba at hindi inaasahang sitwasyon. Normal lang na makaramdam ng pagod at lungkot. Huwag kalimutang pangalagaan ang sarili at maglaan ng oras para sa pagiging aktibo at pagpapahinga.

 

References:

 

https://www.forbes.com/sites/shephyken/2021/02/28/the-impact-of-the-virtual-work-from-home-workforce/?sh=2af4b46a2873

https://www.pennmedicine.org/updates/blogs/heart-and-vascular-blog/2020/march/working-from-home

https://www.medicalnewstoday.com/articles/working-from-home-health-tips#importance-of-staying-home

https://www.verywellhealth.com/remote-work-health-risks-5080056#:~:text=While%20avoiding%20the%20office%20and,and%2023.5%25%20experience%20neck%20pain



What do you think of this article?