Occupational at Noise-Induced Hearing Loss: mga Karaniwang Sanhi ng Pagkabingi | RiteMED

Occupational at Noise-Induced Hearing Loss: mga Karaniwang Sanhi ng Pagkabingi

April 28, 2022

Occupational at Noise-Induced Hearing Loss: mga Karaniwang Sanhi ng Pagkabingi

Ang noise-induced hearing loss (NIHL) ay ang pagkabingi na sanhi ng exposure sa nakakapinsala at malakas na tunog. Ito ay nakakaapekto sa kahit anong edad, bata man o matanda, at maaaring pansamantala o permanente.

Paano Nagdudulot ng Pagkabingi ang Malakas na Tunog?

Kadalasan, ang mga tunog na naririnig sa kapaligiran ay nasa ligtas na lebel, subalit, may mga pagkakataon na ang mga tunog ay nagiging masyadong malakas o masyadong matagal. Kapag na-expose sa nakakapinsalang lebel ng tunog, may mga istruktura sa loob ng tainga na maaaring masira. Ito ang nagiging sanhi ng pagkabingi. Hindi tulad ng ibang dahilan ng pagkabingi, ang NIHL ay maaaring maiwasan.

Sino ang Maaaring Magkaroon ng Noise-Induced Hearing Loss?

Kahit sino ay maaaring makaranas ng NIHL, ngunit may mga manggagawa na nagtatrabaho sa maingay na lugar na mas nanganganib magkaroon ng NIHL. Ito ang mga trabaho o industriya na may pinakamataas na panganib:

-Agrikultura

-Pagkakarpintero

-Pagmimina

-Pag-extract ng langis o gasolina

-Paggawa ng bahay o building

-Militar

Bukod sa mga nagtatrabaho, ang mga mahilig pumunta sa mga maingay na konsyerto o malakas makinig ng musika gamit ang headphones ay maaari ring magkaroon ng NIHL.

Ano ang mga Sintomas ng Noise-Induced Hearing Loss?

Ang sintomas ng NIHL ay maaaring biglaan o mag-develop unti-unti, depende sa sanhi nito. Kung na-expose sa malakas na pagsabog o putok ng baril, maaaring agad makaranas ng sintomas at maging permanente ang pagkabingi. Sa mga kaso na matagal na na-eexpose sa malalakas na tunog tulad ng pakikinig ng malakas na musika, ang sintomas ay maaaring maranasan sa loob ng ilang linggo, buwan o taon.

Ang ilan sa mga madalas na nararanasang sintomas ay ang mga sumusunod:

-Kawalan ng kakayahang makarinig ng matinis na tunog, tulad ng paghuni ng ibon, doorbell, telepono

-Hirap makaintindi ng pag-uusap kapag nasa maingay na lugar

-Hirap makaintindi ng mga salita sa telepono

-Hindi malinaw ang tunog ng pagsasalita ng ibang tao

-Pag-ugong sa tainga

-Pakiramdam ng pagkapuno o may pressure sa tainga

-Pagiging sensitibo ng tainga sa ilang tunog (sumasakit ang tainga kapag nakakarinig ng ilang tunog)

Ang mga sintomas na ito ay maaaring tumagal ng ilang minuto, oras, o araw pagkatapos ma-expose sa malakas na tunog. Kahit bumalik ang pandinig sa normal, ang mga cells ng tainga ay maaaring may sira pa rin. Kung may sapat na malusog na cells ang naiwan, maaaring maging normal ulit ang pandinig, ngunit habang dumadami ang nasisirang cells, maaaring maging permanente ang pagkabingi.

Kapag nakakaranas ng mga sintomas na ito, magpakonsulta sa doktor sa lalong madaling panahon.

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/back-view-work-factory-worker-man-1939150369

Paano Maiwasan ang Noise-Induced Hearing Loss?

 

-Alamin ang mga tunog na nakakapinsala sa pandinig - Paano malalaman kung masyadong malakas ang tunog? Maaaring gumamit ng sound level meter upang malaman kung gaano kalakas ang tunog sa kapaligaran. May mga smartphone apps na libre na maaaring gamitin at hindi kailangang maging eksperto para gumamit nito. Kung wala namang access sa sound level meter, may iba pang paraan upang masabi kung malakas ba masyado ang tunog sa paligid. Kung kinakailangan pang lumapit sa katabi o sumigaw upang magkarinigan, ibig sabihin nito ay masyadong maingay ang kapaligiran. Kung pagkatapos umalis sa maingay na lugar ay hindi na malinaw ang pandinig, malamang ay nagkaroon na ng pinsala sa pandinig. Ang biglaang pagsakit o pag-ugong sa tainga ay siguradong tanda ng exposure sa malakas na tunog.

 

-Bawasan ang exposure sa ingay - Mahalaga ito lalo na sa mga tao na nagtatrabaho sa maingay na lugar o dumadaan sa maingay at matraffic na kalsada. Maaaring gumagamit ng espesyal na earmuffs upang protektahan ang sarili lalo na kung gumagamit ng maingay na makinarya.

 

-Sanayin ang sarili na magsuot ng earplugs kapag ma-eexpose sa ingay sa matagal na panahon - May nabibiling murang earplugs sa mga botika o tindahan sa mall. Magsuot ng earplugs kapag sasakay ng motorsiklo, pumupunta sa mga konsyerto, kapag gumagamit ng maingay na makinarya, o kapag nasa loob ng maingay na sasakyan.

 

-Maglagay ng mga materyales na kontra-ingay sa bahay o trabaho - Maaaring maglagay ng mga rubber mat sa ilalim ng maingay na appliance sa kusina o sa computer printer upang mabawasan ang malakas na tunog. May mga kurtina at karpet din na nakakabawas ng ingay sa loob ng bahay.

 

-Huwag gumamit ng maingay na makinarya ng sabay-sabay - Hinaan ang volume ng telebisyon,radyo at headset.

 

-Huwag subukang takpan ang ingay gamit ang ibang tunog - Halimbawa, huwag laksan ang volume ng radyo ng sasakyan para matakpan ang tunog ng traffic sa labas.

 

-Magpakonsulta sa inyong duktor   - Kung laging exposed sa malakas na tunog o kung nakakaranas ng sintomas ng NIHL, agad magpakonsulta sa doktor upang masuri ang pandinig. Walang medical o surgical treatment para sa NIHL. Hindi na babalik sa normal ang mga may sirang cells ng tainga ngunit maaaring maisalba ang natitira pang pandinig. Hangga’t maaari, sikaping protektahan ang pandinig. Kung mayroon nang sintomas ng pagkabingi, gumawa ng hakbang upang hindi na ito lumala pa.

 

World Hearing Day

 

Noong ika-3 ng Marso ay ipinagdiwang ang World Hearing Day. Pakay nito na mapag-usapan ang mga paraan upang maiwasan ang pagkabingi at isulong ang pag-aalaga sa tainga at pandinig ng mga tao sa buong mundo. Ngayong 2022, layunin ng World Health Organization na paalalahanan ang lahat tungkol sa halaga ng ligtas ng pakikinig at pagprotekta sa ating sarili laban sa malalakas na tunog.

 

References:

 

https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/21776-noise-induced-hearing-loss-nihl

https://www.cdc.gov/ncbddd/hearingloss/noise.html

https://www.healthyhearing.com/help/hearing-loss/noise-induced-hearing-loss

https://www.cdc.gov/nceh/hearing_loss/how_do_i_prevent_hearing_loss.html

https://www.who.int/campaigns/world-hearing-day



What do you think of this article?