Mga Karaniwang Pregnancy Complications | RiteMED

Mga Karaniwang Pregnancy Complications

May 6, 2022

Mga Karaniwang Pregnancy Complications

Dahil sa COVID-19 pandemic, naapektuhan ang mga serbisyong pangkalusugan sa buong mundo, kabilang na ang pag-aalaga sa buntis at bagong silang na sanggol at family planning. Sa Pilipinas, inaasahang may malaking epekto ito sa pagtaas ng bilang ng komplikadong at mga hindi planadong pagbubuntis noong 2020, kumapara sa mga bilang noong bago magkaroon ng pandemya. Ayon ito sa pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) at United Nations Population Fund (UNFPA).

 

Dahil sa pagbibigay ng focus sa gobyerno at mga health agencies sa pagkakaroon ng kinakailangang aksyon para sa mga pasyenteng may COVID-19, nabawasan ang atensyon at pondong nakalaan para sa kalusugan ng mga buntis. Nabawasan ang mga buntis na gumagamit ng mga pasilidad para sa prenatal check-up at pangaganak dahil sa pagkaantala ng mga serbisyo, kahirapan sa pakikipag-ugnayan sa mga health facility, at sa takot ng mga buntis na mahawaan ng COVID-19. Kasabay pa nito ang hirap na magkaroon ng access sa mga paraan ng contraception.

 

Bago dumating ang COVID-19, humigit-kumulang 2,600 na babae ang namamatay kada-taon dahil sa mga komplikasyon sa pagbubuntis o panganganak.  Sa mga babaeng nasa reproductive age (edad 15-49 na taon) na ayaw mabuntis ngunit hindi sumasailalim sa kahit anong paraan ng contraception, inaasahang tataas ito ng 67% mula sa bilang noong 2019. Dahil dito, dadami rin ang mga hindi planadong pagbubuntis ng 42%, o madagdagan ng 751,000 kumpara sa bilang noong 2019.

 

 

Mga Komplikasyon sa Pagbubuntis

 

Ang mga komplikasyon sa pagbubuntis ay maaaring makaapekto sa kalusugan ng ina at ng anak. Mayroong mga problema sa kalusugan na lumalabas habang nagbubuntis, ngunit mayroon ring mga kondisyon na nagsisimula bago pa mabuntis na maaaring magdulot ng mga komplikasyon. Mahalaga na ang mga buntis ay may regular na access sa medical services bago at habang nagdadalang tao upang mabawasan ang pagkakaroon ng mga komplikasyon.

 

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga karaniwang komplikasyon na maaaring maranasan ng ina habang nagbubuntis:

 

  1. Anemia

 

Ang anemia ay ang pagbagsak ng bilang ng mga red blood cells sa dugo. Ang pangunahing tungkulin ng mga red blood cells ay ang pagdadala ng oxygen sa iba’t ibang tisyu ng katawan. Ang mga buntis na may anemia ay maaaring makaranas ng pagkapagod at panghihina. Maaaring makatulong ang pag-inom ng mga iron at folic acid supplement kung nakakaranas ng mga sintomas. Mainam na mabantayan ang iron levels sa katawan sa buong panahon ng pagbubuntis.

 

  1. Urinary tract infection (UTI)

 

Ang UTI ay sanhi ng bakterya na nakapasok sa daluyan ng ihi. Ilan sa mga sintomas ng UTI ay:

 

-Masakit na pag-ihi (parang nasusunog)

-Lagnat, pagkapagod o panginginig

-Madalas na pag-ihi

-Presyon sa baba ng tiyan

-Ihi na mabaho o mukhang malabo o mapula

-Pagkahilo

-Sakit ng likod

 

Agad na magpatingin sa doktor kung nakakaranas ng mga sintomas na ito. Maaaring dumaan sa eksaminasyon ang ihi upang makita kung may tumutubong bakterya. Ang pag-inom ng antibiotic ay makakatulong upang maagapan ang mga sintomas at komplikasyon ng sakit.

 

  1. Mental health conditions

 

May mga buntis na nakakaranas ng sintomas ng depresyon. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

 

-Kalungkutan

-Kawalan ng interes sa masayang aktibidad

-Kawalan ng gana sa pagkain

-Hirap makatulog

-Kawalan ng enerhiya

-Problema sa pag-iisip, konsentrasyon at paggawa ng desisyon

-Pakiramdam ng kawalang halaga, kahihiyan o pagkakasala

-Pag-iisip na wala nang dahilan upang mabuhay

 

Kung mga sintomas na ito ay sabay sabay na nararanasan at tumatagal ng higit sa isang linggo, maaaring ito ay depresyon. Ang depresyon na nararanasan habang nagbubuntis ay nagiging sagabal sa pag-aalaga ng ina sa kanyang sarili at sa kanyang anak. Kapag may depresyon bago pa mabuntis, tumataas ng tyansa ng pagkakaroon ng depresyon habang, at pagkatapos ng pagbubuntis. Mainam na magpatingin sa doktor lalo na kung may diagnosis ng depresyon bago pa lamang magbuntis upang mapagplanuhan ang tamang paraan ng gamutan.

 

 

  1. Altapresyon

 

Ang matagal na pagkakaroon ng hindi kontroladong altapresyon ay maaaring makasama sa ina at sanggol. Maaaring magkaroon ng komplikasyon habang nagbubuntis tulad ng preeclampisa (pagtaas ng blood pressure), placental abruption (paghiwalay ng placenta sa lining ng matres) at gestational diabetes (pagtaas ng sugar). Mas mataas din ang tyansa na mapaaga ang panganganak, magkaroon ng sanggol na maliit para sa kanyang edad, at mamatay ang sanggol. Mahalaga na mamonitor ang blood pressure bago, habang, at pagkatapos ng pagbubuntis.

 

  1. Diyabetis at Obesity

 

Ayon sa mga pag-aaral, kung mabigat ang timbang ng babae bago siya magbuntis, malaki ang panganib ng pagkakaroon ng komplikasyon tulad ng preeclampsia, gestational diabetes, stillbirth (pagluwal sa patay na sanggol) at panganganak ng cesarean. Ang mga overweight at obese na babae na makakapagbawas ng timbang bago mabuntis ay mas malamang na magkakaroon ng malusog na pagbubuntis.

 

  1. Impeksyon

 

Habang nasa sinapupunan ng ina, ang sanggol ay may proteksyon laban sa madaming sakit. Ngunit mayroon ding mga impeksyon na maaaring makasama sa ina at sanggol. Ilan sa mga madaling hakbang upang mapanitli ang kaligtasan habang nagbubuntis ay ang paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa ilang pagkain maaaring maging dahilan ng pagsakit ng tiyan.

 

Ang mga impeksyon tulad ng human immunodeficiency virus (HIV), viral hepatitis, sexually transmitted diseases (STDs) at tuberculosis (TB) ay ilan sa mga sakit na maaaring magdala ng panganib at magdulot ng malubhang komplikasyon sa ina at sanggol. Ang mga screening test, bakuna at maagang paggamot ang susi upang maagapan ang mga komplikasyon ng mga sakit na ito.

 

  1. Hyperemesis gravidarum (malalang pagsusuka o “morning sickness”)

Maraming mga babae ang nakakaranas ng pagkahilo at pagsusuka lalo na sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis. Ito ay dahil sa mabilis na pagtaas ng hormone na tinatawag na human chorionic gonadotropin (HCG) na ginagawa ng placenta. Kapag malala at tuloy-tuloy ang pagsusuka, mas malala sa karaniwang morning sickness, tinatawag itong hyperemesis gravidarum. Maaari itong magdulot ng dehydration at pagbawas ng timbang na maaaring mangailangan ng matinding gamutan.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/portrait-asian-indian-caucasian-mother-lifting-1072835153

 

Safe Motherhood Week

 

Ang Safe Motherhood Week ay bahagi ng programa ng Department of Health (DOH) na National Safe Motherhood Program. Layunin ng programang ito na pabutihin ang kalusugan ng mga babae sa pamamagitan ng:

 

-Pakikipagtulungan sa local government units sa pagtatatag ng epektibong paraan upang makapaghatid ng serbisyong pangkalasugan sa mga babaeng nangangailangan


-Pagseguro na mayroong malapit at magandang kalidad na serbisyo para sa mga buntis upang maging ligtas ang panganganak  nila at ang mabigyan ng tamang pangangalaga ang kanilang sanggol.

 

-Pagkakaroon ng malawak na kaalaman at matibay na support system upang mapadali ang pagbibigay ng magandang kalidad na serbisyo sa mga buntis at bagong silang na sanggol sa bansa

 

Ang Safe Motherhood Week ay ipinagdiriwang tuwing ika-dalawang linggo ng Mayo.

 

References:

 

https://reliefweb.int/report/philippines/significant-rise-maternal-deaths-and-unintended-pregnancies-feared-because-covid

https://www.cdc.gov/reproductivehealth/maternalinfanthealth/pregnancy-complications.html

https://doh.gov.ph/national-safe-motherhood-program



What do you think of this article?