COVID-19: Mawawala ba ito ng Tuluyan? | RiteMED

COVID-19: Mawawala ba ito ng Tuluyan?

April 28, 2022

COVID-19: Mawawala ba ito ng Tuluyan?

Hanggang kailan tayo magsusuot ng face mask? Hanggang kailan lilimitahan ang mass gatherings? Hanggang kailan ipagpapatuloy ang work-from-home set-up? Kailan ba ulit tayo makakapagtravel nang malaya?

 

Ito ang ilan sa mga tanong ng mga Pilipino at iba pang tao sa buong mundo ngayon.

 

Dumating ng biglaan ang COVID-19 virus noong 2020. Lahat ay nagulat sa naging epekto nito sa buhay ng bawat isa. Ngayon, ilang taon na ang lumipas. Hindi na gaaanong tumataas ang kaso ng mga nagkakasakit at namamatay sa COVID. Ang tanong ng lahat – may katapusan pa ba ang COVID-19 pandemic? Makakabalik pa ba tayo sa dati nating pamumuhay bago ang pandemya?

Kaya bang Puksain ng Tuluyan ang COVID-19?

 

Sa mga public health diseases, may limang layunin sa pagkontrol ng pagkalat ng mga sakit:

 

-Kontrol (Control): ang pagbaba ng bilang ng may sakit at namamatay sa sakit sa katanggap-tanggap na lebel; ang pagpapatuloy na mga hakbang upang panatilihin ang mababang kaso ay kinakailangan.

Halimbawa: sakit na sanhi ng pagtatae o diarrhea

 

-Eliminasyon ng karamdaman (Elimination of disease): pagbaba ng bilang ng may sakit sa zero sa isang itinalagang lugar; ang pagpapatuloy ng mga hakbang upang panatilihing walang kaso ay kinakailangan.

Halimbawa: tetanus sa bagong silang na sanggol

 

-Eliminasyon ng pagkahawa (Elimination of infections): pagbaba ng bilang ng may sakit dulot ng partikular na mikrobyo sa zero sa isang itinalagang lugar; ang pagpapatuloy na mga hakbang upang hindi na muling magkahawaan ay kinakailangan.

Halimbawa: tigdas, polio

 

-Pagpuksa (Eradication): permanenteng pagbaba ng bilang ng may sakit dulot ng partikular na mikrobyo sa zero sa buong mundo; hindi na nangangailangan ng karagdagang hakbang.

Halimbawa: smallpox

 

-Pagkalipol (Extinction): ang partikular na mikrobyo ay hindi na nabubuhay sa kapaligiran o laboratoryo.

Halimbawa: wala

 

Ang eliminasyon o pagpuksa sa COVID-19 ang pinakamahalagang layunin ng mga eksperto ngayon. Ayon sa pag-aaral ng mga public health physicians/epidemiologists mula sa New Zealand, may posibilidad na tuluyan nang mapuksa ang COVID-19, ngunit hindi ito magiging madali. Ikinumpara nila ang COVID-19 sa polio at smallpox na naging sanhi rin ng krisis sa kalusugan noon na napagtagumpayang i-kontrol ng siyensya.

 

Sa kanilang pagsasaliksik, may pitong pangunahing batayan upang masabi kung may posibilidad bang mapuksa ang isang sakit. Binigyan nila ng grado ang COVID-19, smallpox at polio ayon sa mga sumusunod:

 

-Pagkakaroon ng epektibo at ligtas na bakuna

-Pagkakaroon ng panghabambuhay na proteksyon laban sa sakit pagkatapos gumaling sa impeksyon

-Pagkakaroon ng maikling panahon na maaaring makahawa ang virus (walang long-term carrier)

-Pagkakaroon ng sakit ng mga karakteristik na sintomas

-Pagkakaroon ng mabilis at maaasahang  paraan upang ma-diagnose ang impeksyon

-Walang ibang nahahawa bukod sa tao

-Pagkakaroon ng stable na genetic material ng virus

 

Sa ngayon , kailangan parin ng mas malawak na pagbabakuna laban sa  COVID. Makakatulong rin ang pagbabago sa disenyo ng bakuna.

 

Ayon sa kanilang pag-aaral, medyo mas madaling puksain ang COVID-19 kumpara sa polio, ngunit mas mahirap sa smallpox. Lamang naman ang COVID-19 sa smallpox at polio dahil ang mga public health at social measures tulad ng physical distancing, pagsusuot ng mask, laboratory testing at contact tracing ay epektibo at pandagdag na hakbang sa pagpuksa ng sakit.

 

Ang pag-aaral na ito ay isa lamang sa mga unang pagsasaliksik tungkol sa pagpuksa sa COVID-19 virus. Nangangailangan pa ng pormal na pananaliksik mula sa ibang eksperto at ahensya ng kalusugan tulad ng World Health Organization (WHO).

 

Pagbaba ng COVID-19 Cases sa Pilipinas

 

Ayon sa isang infectious disease expert sa Pilipinas, may mga palatandaan na ng pagiging endemic ng COVID-19 sa bansa. Ibig sabihin, nananatili ito sa bansa ngunit ang mga bilang ng mga kaso ay hindi masyadong tumataas. Patuloy ang pagbaba ng mga taong  nahahawa at kakaunti na lamang ang mga kinakailangang dalhin sa ospital. Dumarami na rin ang nabakunahan at nakakapagbigay na ng mga gamot upang mabawasan ang mga namamatay sa sakit. Inihalintulad ito ng infectious disease expert sa trangkaso, na kahit na nakamamatay pa rin, ay hindi na kasing dami noong una. Ngunit sa kabila ng lahat ng mga senyales ng pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa, kailangan pa rin nating sumunod sa alituntunin ng gobyerno at mga ahensiya ng kalusugan. Ayon sa eksperto, tanging ang (WHO) lamang ang makakapagsabi kung naabot na natin ang katapusan ng pandemya.

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/penang-malaysia-13-jan-2021-covid19-1892792761

COVID-19 “New Normal”

 

Pinapaalalahanan ng WHO ang lahat na kahit sa mga bansang mababa na ang kaso ng COVID-19, hindi pa rin tuluyang nawawala ang virus. Kung hindi natin sundin ang mga public health measures kontra-COVID, maaaring tumaas ulit ang bilang ng may sakit. Patuloy na protektahan ang sarili sa pamamagitan ng mga hakbang na ito:

 

-Ugaliing maghugas ng kamay

-Takpan ang ilong at bibig kapag umuubo o bumabahing

-Iwasang hawakan ang mukha lalo na kung nasa labas

-Umiwas sa matataong lugar at limitahan ang oras sa lugar na walang maayos na daloy ng hangin

-Panatilihin ang physical distancing na isang metro

-Gawing regular ang paglilinis ng mga lugar at bagay na madalas na nahahawakan

-Agad na humiwalay sa ibang tao sa tahanan kung nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 at humingi ng tulong, kung kinakailangan.

 

Sa ngayon, wala pang  kasiguraduhan kung kailan matatapos ang pandemya. Iba’t iba ang pananaw ng mga eksperto. May mga nagsasabi na kaya nating wakasan ang krisis na ito, samantalang may ibang naniniwala na mabubuhay na raw tayo kasama ang COVID-19. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Magtiwala tayo sa mga eksperto na ginagawa ang lahat para makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Ang pinakaimportanteng magagawa natin bilang mga indibidwal ay ang pagsunod sa public health measures at pagprotekta sa ating mga sarili upang hindi na kumalat pa ang virus na ito.

 

References:

 

https://gh.bmj.com/content/6/8/e006810

https://newsinfo.inquirer.net/1571596/covid-19-seems-to-be-turning-endemic-in-ph-expert

https://www.healthline.com/health-news/what-will-it-take-to-eradicate-covid-19

https://www.medicalnewstoday.com/articles/pandemic-vs-endemic

https://bmcpublichealth.biomedcentral.com/articles/10.1186/s12889-021-11746-0



What do you think of this article?