Bakit Importante Mag Donate ng Dugo? | RiteMED

Bakit Importante Mag Donate ng Dugo?

July 22, 2022

Bakit Importante Mag Donate ng Dugo?

Karaniwan ngayon ang pag donate ng dugo. Maraming ospital at kilalang institusyon ang tumatanggap ng blood donations o nag-oorganize ng blood drive. Pero bakit nila ito ginagawa? Ano ba ang kahalagahan ng dugo? Ating sasagutin ang mga iyan sa article na ito.


Ano ang dugo?

 

Ang dugo ay isang halu - halo ng iba’t ibang klaseng cells na nakahalo sa madilaw na likido na ang tawag ay plasma. Ang dugo ay nagdadala ng nutrisyon, oxygen o hangin na ating nilalanghap sa iba’t ibang parte ng ating katawan,  at tumutulong rin magtanggal ng mga dumi na naipon sa ating katawan.

 

Paano nawawala ang dugo, at sinu - sino ang mga nangangailangan nito?

 

Maari kang mawalan ng dugo kapag ikaw ay nasugatan - maaaring ito ay maliit na klaseng sugat lamang tulad ng sa papercut, o kapag nahiwa mo ang balat mo kapag nagluluto ng pagkain. Ang mga ganitong klaseng pangyayari ay hindi kailangan ng pagsasalin ng dugo.

 

Sa kabilang dako ay maaari kang mawalan ng napakaraming dugo na tuluy - tuloy; kapag ikaw ay naaksidente - halimbawa, sa isang banggaan o kung ikaw ay nasaksak. Kapag may problema ka sa pagreregla na masyadong malakas ang pagreregla mo, maaari rin ito magdulot ng maraming pagkawala ng dugo.   Ito ay mga acute o mabilisan na kadahilanan ng pagkawala ng dugo. Mayroon ring chronic bleeding, kung saan dinurugo ka ngunit pakonti - konti lamang araw - araw - halimbawa kapag  may bukol ka na kanser, o kaya naman ulcer o sugat sa tiyan. Ang mga ganitong kondisyon, depende sa dami ng nawalang dugo at estado ng pasyente - ay mas kadalasang nangangailangan ng pagsasalin ng dugo.

 

Isa pang importanteng dahilan ng pagkawala ng dugo ay kapag inoperahan ang isang tao. Kapag binuksan ang iyong katawan, siguradong dadaan ang siruhano sa mga nabanggit nating mga daanan ng dugo, at magdudulot ng pagdurugo. Kung gaano karami ang dugong mawawala ay nakadepende sa klase ng operasyon, gaano kalaki ang bukol na tatanggalin, kung mas madali ba magdugo ang pasyente sa karaniwang tao, o kung may mga gamot siyang iniinom na magdulot ng mas madaling pagdurugo. Gayunpaman, bago pa operahan ang isang pasyente ay handa na ang dugo sa blood bank ng ospital at natantiya na ng maigi kung ilan ang kakailanganing dugo.

 

Ano ang kahalagahan ng pagdodonate ng dugo?

 

Bakit nga ba kailangan magdonate ng dugo? Tulad nang nabanggit sa taas, ang pagbibigay ng dugo ay makakatulong sa mga pasyente sa mga pagdaraanan nila sa ospital. Bago operahan ang pasyente, kailangan may handang dugo. Hindi malalaman kung ano ang pwede mangyari sa operasyon at ang dugo ay dapat hand na akma sa kung ilang dugo ang mawawala na tantiya ng mga doktor.

 

Kapag ang pasyente naman ay nawalan naman ng maraming dugo, mula sa acute o chronic bleeding  - kahit ooperahan man o hindi - kailangan salinan ng dugo. Kapag mababa ang dugo ng isang tao, ang mga nabanggit na pakay o trabaho ng dugo - nutrisyon, oxygen paglilinis ng katawan -  ay hindi maisasagawa ng maayos.

 

Ang dugo na nawala ay hindi kayang gawin kaagad ng katawan. Ang blood transfusion, o pagsasalin ng dugo, ay maaari lamang magawa kung may mga taong nagkusa o naimbitahan magbigay ng kanilang sariling dugo, sa pamamagitan ng mga blood drive, o kusang blood donation sa ospital na nangangailangan.

 

Para sa mga pasyente na may kanser, nakakatulong ang pagsalin ng dugo para umangat ang platelets nila pagkatapos ng gamutan.

 

Kailangan rin umiikot lagi ang istak ng dugo dahil maaari lamang ito maitago ng limitadong panahon (araw hanggang taon, depende sa parte ng dugo na kakailanganin)

 

Sa madaling salita, kapag ikaw ay nag - donate o nagbigay ngiyong  dugo, marami kang buhay na maililigtas.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/top-view-hands-gloves-holding-blood-787103713

 

Ano ang benepisyo na makukuha ko sa pagdodonate ng dugo?

 

Walang direktang benepisyo - pinansyal o regalo -  ang pagbibigay ng dugo, sa nagbigay ng dugo. Ngunit may mga ilan kang maaaring makuha, tulad ng isang libreng pagpapatingin o checkup sa doktor. Maaaring makita na ikaw mismo pala ay may sakit na kailangan mong tugunan. Karaniwan sa Pilipino na ayaw nila na malaman na may sakit sila, ngunit sa totoo lamang, karamihan ng mga nakatagong kondisyon sa ating katawan ay mas madaling matugunan kapag hindi pa ito halata ito nagsisimula lamang.

 

Malalaman mo rin kung ano ang iyong blood type o klase ng dugo, at lalo nang mas importante ito kung ang klase ng dugo mo ay hindi pangkaraniwan. Kapag ikaw naman ang nangangailangan ng dugo sa hinaharap, alam mo kung gaano kasigasig dapat kayo magkalap ng dugo depende sa klase ng dugo mo.

 

Maaaring pinakamahalaga ay ang kaalaman na ang oras at parte ng katawan mo na binigay mo ay makatutulong magligtas ng buhay. Ang positibong pakiramdan, at ang kabuluhan na dulot ng iyong ginawa, ay may magandang dulot sa kalusugan ng gumawa ng mabuti. Mas makabuluhan, mas mababa ang panganib para sa depression, at mas maaari ka rin, bilang blood donor, magkaroon ng mas mahabang buhay.

 

Paano mag - donate ng dugo?

 

May mga iba’t ibang institusyon na nagkakalap ng dugo, pinakakilala na dito ang Red Cross Philippines. Maaari ka rin magpunta sa ospital mismo ng inyong pasyente at sila mismo ay nangongolekta ng dugo doon.

 

Ang pagbibigay ng dugo ay ligtas ng proseso. Ikaw ay dadaan sa isang interview upang malaman kung maaari kang magbigay ng dugo. Importante na maging makatotohanan sa iyong mga sagot dahil ito ay isang paraan para maka sigurado ang mga healthcare professional na ang ibinibigay mong dugo, na makukuha ng ibang tao, ay ligtas rin.

 

Kung ang tanong mo naman ay kung masakit ba ito, ang pakiramdam ng kirot ay panandalian lang - kung nais mong malaman kung papaano ito, kurutin mo lamang ang tiklop ng iyong braso.

 

Ang Hulyo ay National Blood Donor’s Month sa Pilipinas. Kung hindi mo pa nasubukan magbigay ng dugo, ito ay magandang panahon upang sumubok. Ang pagbibigay ng dugo ay isang simple, makabuluhan at ligtas na paraan upang makatulong sa ating komunidad at sa mga may sakit, kahit hindi ka nagtatrabaho sa propesyong konektado sa pangkalusugan.

 

References:

 

https://healthmatters.nyp.org/the-surprising-benefits-of-donating-blood/

https://www.who.int/news-room/questions-and-answers/item/blood-products-why-should-i-donate-blood

https://www.redcrossblood.org/local-homepage/news/article/blood-donation-importance.html#:~:text=Blood%20is%20essential%20to%20help,eligible%20people%20donate%20blood%20yearly.



What do you think of this article?