Asthma sa Bata at Matanda: Ano ang Pagkakaiba? | RiteMED

Asthma sa Bata at Matanda: Ano ang Pagkakaiba?

May 6, 2022

Asthma sa Bata at Matanda: Ano ang Pagkakaiba?

Ang hika ay isang sakit kung saan nagkakaroon ng implamasyon ang daluyan ng hangin papuntang baga na sanhi ng pagkipot, pamamaga, at pagdami ng plema. Isa ito sa mga pangkaraniwan at pangmatagalan na sakit na nakakaapekto sa mga bata, ngunit ang mga matatanda ay maaari ring magkaroon nito.

 

Ilan sa sintomas ng hika ay ang paghuni habang humihinga, kinakapos sa paghinga, pagsikip ng dibdib at pag-ubo sa gabi o madaling araw. Walang lunas sa hika, ngunit maaari itong makontrol. Ang taong may hika ay hindi na mawawalan ng hika, ngunit ang sintomas ng asthma attack ay nararanasan lamang kung maexpose sa mga trigger ng hika.

 

Ang pagkakaroon ng hika ay dulot ng iba’t ibang dahilan. Maaari itong namamana sa pamilya. Kadalasan, ang mga taong may kamag-anak na may hika o allergy ay mas malaki ang tyansa na magkaroon din ng hika. Ang exposure sa sanhi ng allergy tulad ng alikabok, usok mula sa sigarilyo, polyuson o mga viral infection ay may kaugnayan din sa pagkakaroon ng hika. Mayroon ding tinatawag na occupational asthma kung saan ang taong walang hika ay nagkakaroon ng sintomas kapag naeexpose sa sanhi ng allergy sa trabaho.

 

May dalawang uri ng hika depende kung kailan unang nakaranas ng sintomas: childhood- at adult-onset.

 

 

Childhood-onset Asthma

 

Early Childhood (0-6 years)

 

Halos 80% ng kaso ng hika ay unang nararanasan ng mga batang anim na taon pababa. Ang sintomas ng hika sa pagkabata ay iba-iba. Ilan sa mga pangunahing sintomas nito ay ubo, na maaaring tuyo o may plema, paghuni habang humihinga at kinakapos na paghinga. Maaari ring makita ang mga sintomas na ito sa ibang mga sakit tulad ng impeksyon o inborn na sakit sa baga, kaya hindi madali na ma-diagnose ang hika sa ganitong edad. Kadalasan, ang hika sa pagkabata ay hindi agad nadedetect at nagagamot.

 

Sa mga batang edad 0-3 na taon, ang mga pangkaraniwang trigger ay mga viral infection, sa halip na allergy. Kadalasan, wala o banayad na sintomas lamang ang ipinapakita ng mga maliliit na bata, hanggang magkaroon ng impeksyon sa baga, na nagiging sanhi ng malalang pag-atake ng hika.

 

Ayon sa mga pag-aaral, 75% ng mga bata ay nagkakaroon ng pangalawang pag-atake ng hika sa loob ng tatlong taon matapos ma-diagnose ang hika. Depende sa dalas ng pag-atake ng hika at sa lala ng sintomas ang gamot na binibigay sa mga bata. Hindi rin madali ang paggamot ng hika sa mga maliliit na bata dahil limitado lamang ang mga pag-aaral sa edad na ito. Mahalaga ang regular na follow-up upang mabantayan ang epekto ng mga binibigay na gamot sa paglaki ng bata.

 

Late Childhood (7-11 years)

 

Habang lumalaki, nagbabago ang mga trigger ng atake ng hika sa mga bata. Sa ganitong edad, mas madalas na na magkaroon ng sintomas ng hika dulot ng allergic reaction. Maaari ring makaranas ng hika buhat ng pag-eehersisyo at paglalaro. Sa mga batang nawawalan ng interes o umiiwas sa physical activity, importanteng pag-aralan kung may kaugnayan ba ito sa hika.

 

Adolescence (12-18 years)

Sa mga maliliit na bata, mas madaming lalaki ang nagpapakita ng sintomas ng hika. Nagiging pantay ang dami ng babae at lalaki na nagkakaroon ng hika pagdating ng pagdadalaga o pagbibinata. Habang tumatanda, mas dumadami naman ang mga babaeng may hika. Ang mga pagkakaiba na ito ay maaaring kaugnay ng epekto ng hormones, genes, at health-seeking behavior ng babae at lalaki.

 

Sa ganitong edad, ang mga pangunahing sintomas ng hika ay ang hingal buhat ng matinding pagod, paghuni ng paghinga, pagsakit at pagsikip ng dibdib at ubo. Maaari itong makaapekto sa tulog, eskwelahan, sports at social activities. Mas may kamalayan na ang mga bata sa ganitong edad at kadalasan ay nahihiya sila sa paggamit ng inhaler, na maaaring maging dahilan kung bakit hindi nagagamot nang maayos ang hika.

 

Sa mga teenager, 16-60% ang nakakaranas ng paggaling ng hika. Kadalasan, mas malaki ang tyansa na gumaling ang hika kung may mild na sintomas bago magdalaga o magbinata, ikaw ay lalaki, at walang allergy.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/asthma-suffers-air-allergy-old-people-1424116679

 

Adult-onset Asthma

 

Ang hika ay kinikilala ng marami bilang sakit ng kabataan ngunit ito ay salungat sa mga pag-aaral na nagpakita na halos kalahati ng mga may hika na edad 40-60 ay unang nagkaroon ng sintomas sa pagtanda, at hindi sa kanilang kabataan. Ang adult-onset asthma ay may mas kumplikadong kurso kumpara sa hika mula pagkabata. Karamihan sa mga nakatatandang may hika ay may malalang sintomas at probresibong sakit, at ang tuluyang paggaling ay bihirang nakikita. Ang mga kadalasang nauugnay sa adult-onset asthma ay ang pagiging babae, paninigarilyo, at pagkakaroon ng low socio-economic status. Walang mahalagang koneksyon ang pagkakaroon ng hika o allergy, hindi katulad ng hika sa pagkabata.

 

Dahil maaaring mas madalas at mas malala ang sintomas ng hika sa mga matatanda, ang mga gamot upang maagapan ang sintomas ay kadalasang pang-araw-araw ibinibigay. Mahalaga rin na umiwas sa mga exposure sa trabaho tulad ng mga kemikal na maaaring mag-trigger ng atake ng hika. Para sa mga babae naman, maaaring makaapekto sa pag-atake ng hika ang mga hormonal changes na nararanasan sa pagbubuntis, menopause, o kapag umiinom ng estrogen sa oral contraceptive pills.

 

Paano Ginagamot ang Hika sa Bata at Matanda?

 

Mahalaga ang pagpapatingin sa eksperto kung nakakaranas ng sintomas ng hika. Importante ang tamang diagnosis dahil ang hika ay isang pangmatagalang sakit na nangangailangan ng regular na gamutan at monitoring.

 

Dapat isaalang-alang kung ano ang mga posibleng triggers ng hika. Nagkakaiba ito bawa’t tao ngunit maaaring makilala base sa edad at mga karaniwang environmental exposure at epekto nito sa sintomas ng hika. Kapag nalaman ang mga triggers, importante ang pag-iwas sa mga ito. Kung may kaugnay na allergic reaction ang hika, maaaring magpagawa ang doktor ng allergy testing at magbigay ng mga gamot upang mabawasan ang allergic reaction.

 

Para sa mga sintomas ng hika, bata man o matanda, ang kadalasang inirereseta ay mga inhaler o nebulizer dahil sa mabilisang ginhawang dulot ng mga ito. Para sa pagkontrol ng sintomas at upang mabawasan ang atake ng hika, maaaring magsabay ng iniinom na gamot o inhaler bilang maintenance.

 

Ang hika sa kahit anong edad ay hindi kayang bigyan ng lunas, ngunit maaari itong magamot at makontrol. Mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa doktor para sa gamutan na akma sa edad at sintomas ng hika.

 

References:

 

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC6603154/

https://www.cdc.gov/asthma/faqs.htm

https://www.allergy-asthma-immunology.com/blog/how-childhood-and-adult-onset-asthma-differ



What do you think of this article?