Sa mga dumaraming bagay na maaaring pagkaabalahan ngayon ay malimit na lang magkaroon ng sapat na pahinga. May ilan na kulang sa tulog dahil sa trabaho, pagod sa byahe dulot ng matinding traffic, o kaya ay napapabayaan ang sarili dahil sa walang sawang paglalaro ng computer games.
Bagama’t nasa edad ka kung saan kaya mong gawin ang lahat ng hindi nakakaramdam ng agarang kapaguran o pagsama ng pakiramdam, nararapat lamang na alagaan ang iyong pangangatawan at maglaan ng sapat na pahinga.
Magkaroon ng sapat na tulog
Isa sa indikasyon ng tamang pahinga ay ang pagkakaroon ng sapat na tulog. Kapag tayo ay kulang sa tulog o puyat, naaapektuhan ang sistema ng ating pangangatawan. Maaaring huminto o hindi mag-function ng maayos ang mga ito, at tanging ang paghinga at pagdaloy lamang ng dugo ang nananatiling gumagana.
Mas makabubuting agahan na lamang ang oras ng pagtulog upang maaga rin ang oras ng pagbangon. Ang regular at normal na pagtulog at paggising ay higit na makakatulong upang makapag-function ng maayos ang pag-iisip at ang iba pang sistema ng ating katawan. Sa isang banda, pakatandaan na ang kakulangan sa tulog ay makapagdudulot din ng masasamang epekto sa ating kalusugan.
Makakatulong din ito upang makapahinga ang ating mata at maiwasan ang panlalabo ng paningin. Samantala, upang maging mapayapa ang pagtulog, makakatulong ang pagkakaroon ng tahimik, madilim at komporableng kuwarto o tulugan.
Photo courtesy of BibBornem via Pixabay
Kumain, magbasa ng libro, o manood ng telebisyon
Ito marahil ang pinaka typical na set-up natin ng pagpapahinga bukod sa pagtulog. Karaniwang ginagawa tuwing weekends, ang pagkain, pagbabasa ng libro o panonood ng telebisyon aymga paraan upang ma-relax ang ating isipan at pangangatawan.
Magbakasyon kasama ang pamilya
Pangalawa sa mga paraan upang makapagpahinga ay ang pagbabakasyon kasama ang pamilya. Ang pagkakaroon ng family day sa isang lugar malayo sa siyudad ay malaking bagay upang ma-relax ang isipan at pangangatawan.
Maaaring maglaan ng isa o dalawang araw para sa bakasyon na ito, at iwasan munang mag-isip ng mga bagay na work-related at i-enjoy ang bawat sandali kasama ang pamilya. Marami na ngayong mga lugar ang mase-search sa internet na nag-o-offer ng ultimate relaxation na iyong kinakailangan.
Mas makabubuti kung ilalayo rin muna ang sarili sa harap ng computer o mobile phones upang mas masulit ang bakasyon at maiwasan ang anumang bagay na maaaring makaapekto sa iyong pag-eenjoy.
Mag-yoga o mag-exercise
Marami sa atin ang inilalaan ang oras sa pagyoyoga bilang isang paraan ng pag re-relax. Ang ehersisyong ito kinakapapalooban ng tamang paghinga, mataimtim na pag-iisip (meditation), at mga galaw na hahamon sa flexibility ng gumagawa nito.
Ilan sa mga mabuting resulta na maaaring makuha sa activity na ito ay ang stress reduction at pagsasanay sa mas epektibong paghinga. Ang meditation ay nakakatulong upang maging mas kalmado ang isip at malayo ito sa stress. Samantala, kung kontrolado mo naman ang iyong paghinga, may kakayahan kang makapag-relax at magkaroon ng malinaw na isipan.
Samantala, ang pag eehersisyo naman tulad ng pagjo-jogging ay makatutulong rin upang makapagpahinga ang ating isipan at mapalakas ang ating pangangatawan. Mahalaga rin ang pag-eehersisyo upang mapabuti ang ating blood circulation at malayo ang ating isipan sa pag-iisip ng nakaka -stress na trabaho.
Photo courtesy of stokpic via Pixabay
Bigyang pansin ang mga hobby o hilig
Bagama’t hindi maituturing na pagpapahinga kapag may isang bagay na namang gagawin, marami sa atin ang nakakahanap ng peace of mind at relaxation sa paggawa ng mga bagay na kanilang kinihihiligan o hobby.
Ang activity na ito ay nakadudulot ng pahinga lalo na sa pag-iisip sapagkat hindi kailangang pwersahin ang utak at hindi kailangang madaliin ang oras.
Bagama’t ang mga inilahad sa itaas ay pawang mga gabay lamang kung paano ang tamang pagpapahinga at ang kahalagan ng pahinga, tiyakin na pagkalooban nito ang iyong sarili. Sikaping huwag abusuhin ang pangangatawan at bigyan ito ng angkop na pag-aalaga upang makaiwas na rin sa anumang karamdamang maaaring maging dumapo sa atin kapag ito ay napabayaan.
Source:
http://kalusugan.ph/5-kahalagahan-ng-pagtulog/
http://www.akoaypilipino.eu/gabay/gabay/gabay/ang-benepisyo-ng-sapat-na-pagtulog-at-mga-tips-para-sa-mahimbing-na-tulog.html
https://dobolp.com/2014/12/02/pagiging-workaholic-may-negatibong-epekto-sa-pisikal-at-emosyonal-na-kalusugan/
http://kalusugan.ph/mga-bagay-na-maaaring-makasama-sa-kalusugan-ng-mata/
http://www.philstar.com/para-malibang/2016/07/12/1602049/health-numerology
http://kalusugan.ph/benepisyong-pangkalusugan-ng-yoga/