We use cookies to ensure that we give you the best experience on our website. By continuing to browse our site, you are agreeing to our use of cookies.
Three Heat Wave Health Myths Debunked: Alamin ang Katotohanan
August 14, 2025
Check icon
Copied to clipboard
Tuwing tag-init, kabi-kabila ang mga payong pangkalusugan na lumalabas sa social media, sa mga usapan, at maging sa loob ng pamilya. Ngunit hindi lahat ng ito ay tama—may ilang paniniwala na, kapag sinunod nang walang sapat na kaalaman, ay maaaring makasama pa sa ating kalusugan.
Sa article na ito, tatalakayin natin ang tatlong common heat wave health myths na madalas marinig sa Pilipinas, at bibigyan natin ng scientific explanation kung bakit ito mali.
Myth #1: “Pagkatapos ma-expose sa araw, bawal uminom ng malamig na tubig dahil pwedeng sumabog ang mga ugat.”
Ano ang katotohanan?
Walang medikal na ebidensya na sumasabog ang ugat dahil lang sa pag-inom ng malamig na tubig, matapos ma-expose sa init ng araw.
Ang ugat o blood vessels ay may kakayahang mag-adjust sa temperatura. Maaaring pansamantalang lumiit (vasoconstriction) kapag malamig, o lumawak (vasodilation) kapag mainit, pero hindi ito sapat para “sumabog” ang ugat.(1)
Ang pinakamahalaga ay uminom ng tubig para maiwasan ang dehydration lalo na sa matinding init ng panahon. Mas mainam ang pag-inom ng malamig, o cool, na tubig kaysa sa mainit, dahil mas mabilis nitong pinapalamig ang katawan.(2)
Myth #2: “Hindi na kailangan mag-sunscreen kapag morena o mestiza ang balat.”
Maraming Pilipino ang naniniwala na dahil sa natural na kulay ng balat nila, hindi na kailangan ng sunscreen. Sabi nila, protektado na raw sila ng melanin laban sa araw.
Ano ang katotohanan?
Natural na may proteksyon ang melanin sa balat laban sa ultraviolet (UV) rays, pero hindi ibig sabihin nito na ligtas na tayo sa sunburn, skin aging, o skin cancer.
Ang paggamit ng sunscreen ay nakatutulong upang maiwasan ang kanser sa balat sa pamamagitan ng pag protekta laban sa mapinsalang ultraviolet (UV) rays ng araw. Kahit sino ay maaaring magkaroon ng kanser sa balat, anuman ang edad, kasarian, o kulay ng balat.(3)
Ang matagal na exposure sa araw ay puwedeng magdulot ng sun damage, na hindi lang basta sunburn, kundi pati maagang pagtanda ng balat tulad ng pagkakaroon ng wrinkles, dark spots, at mas seryosong kondisyon gaya ng skin cancer.
Kaya mahalagang mag-sunscreen araw-araw, lalo na kapag lalabas sa tirik na araw. Bukod dito, makatutulong din ang pagsusuot ng sombrero, salamin sa mata, at mga damit na may proteksyon sa balat.(1)
Myth #3: “Bungang araw (heat rash) ay pang-bata lang.”
Maraming naniniwala na ang bungang araw ay sakit na pang-bata lang, kaya kapag may mga pulang pantal sa balat ng matatanda, hindi ito tinatrato bilang heat rash.
Ano ang katotohanan?
Hindi totoo na ang heat rash ay para lang sa mga bata. Pwede rin itong maranasan ng mga matatanda lalo na kapag sobrang init at humid ang paligid. Ang bungang araw ay nangyayari kapag na-block ang mga sweat glands, kaya naiipon ang pawis sa ilalim ng balat at nagdudulot ng mga pulang pantal na makati at minsan ay masakit.(4)
Ang mga matatanda na nagsusuot ng masikip o synthetic na damit, o hindi agad nalilinis ang katawan pagkatapos magpawis, ay prone din sa heat rash. Para maiwasan ito, mahalagang magsuot ng breathable, cotton na damit, at panatilihing malinis at tuyo ang balat.
Ano ang Dapat Gawin Para Maging Safe sa Heat Wave?
Bukod sa pag-debunk ng mga myths, narito ang ilang tips para protektahan ang sarili sa matinding init ng panahon:
Uminom ng maraming tubig. Huwag hintayin na mauhaw bago uminom. Mas maganda ang cool o malamig na tubig para mapanatiling malamig ang katawan.
Mag-sunscreen. Kahit anong kulay ng balat, siguraduhing may sunscreen na SPF 15 pataas.
Magbihis ng komportableng damit. Piliin ang mga light-colored, loose, at cotton na damit para makaiwas sa heat rash.
Iwasan ang matinding init. Kung puwede, manatili sa loob ng bahay o sa mga lugar na may air conditioning lalo na sa tanghali hanggang hapon kung kailan pinakamainit.
Mag-shower pagkatapos magpawis. Para malinis ang katawan at maiwasan ang bungang araw.
Alamin ang mga sintomas ng heat exhaustion at heat stroke. Kapag nakaramdam ng matinding pagod, pagsusuka, pagkahilo, o mabilis na tibok ng puso, agad na humingi ng tulong medikal.
Sa panahon ng tag-init at heat wave, mahalaga na maging maalam tayo sa mga tamang impormasyon para mapanatili ang kalusugan. Ang mga myths tulad ng bawal uminom ng malamig na tubig pagkatapos ma-expose sa araw, hindi na kailangan ng sunscreen kung morena, at bungang araw ay pang-bata lang ay pawang mga maling paniniwala na dapat itama.
Sa halip na matakot o mag-alala sa mga hindi totoo, mas mainam na sundin ang mga payo ng mga eksperto: uminom ng sapat na tubig, mag-sunscreen, magsuot ng komportableng damit, at panatilihing malinis ang katawan.
Kung may alinlangan, huwag mag-atubiling kumonsulta sa doktor para sa tamang gabay.