EVALI: Mapanganib Nga Ba Talaga ang e-Cigarettes?

October 22, 2025

Sa nakalipas na mga taon, patok na patok ang paggamit ng mga e-cigarettes o vape, lalo na sa mga kabataan. Masarap sa panlasa, makabagong paraan, at iniisip ng ilan na mas ligtas ito kaysa sa tradisyunal na sigarilyo. Subalit, nagbigay babala ang mga eksperto sa buong mundo dahil sa isang seryosong sakit na tinatawag na E-cigarette or Vaping Product Use-Associated Lung Injury (EVALI), isang malubhang kondisyon sa baga na may kaugnayan sa vaping.

Ano ang EVALI?

Ang EVALI ay isang nakakabahalang uri ng lung injury na dulot ng mga  kemikal mula sa e-cigarettes na pumapasok sa at nagdudulot ng pamamaga at pinsala sa baga. Ayon sa Yale Medicine, ang vitamin E acetate, isang synthetic form ng vitamin E na nakikita sa ilang vaping products na naglalaman ng Tetrahydrocannabinol (THC), ang itinuturing na sanhi ng EVALI. Kapag nalanghap ito, ito ay maaaring  makaaapekto sa normal na pagpapalitan ng hangin at nagdudulot ng pamamaga na maaaring mauwi sa malubhang respiratory distress.(1)

Ano ang mga Sintomas ng EVALI?(3)

Kasama sa mga sintomas ng EVALI ang:

  • Pananakit ng dibdib
  • Ubo
  • Hirap sa paghinga (dyspnea)
  • Mabilis na tibok ng puso (tachycardia)
  • Pananakit ng tiyan
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Pagtatae
  • Lagnat
  • Panlalamig
  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang

Sa ilang kaso, maaaring humantong sa kamatayan ang EVALI.


Mga Epekto ng Vaping sa Kalusugan

Walang produktong tabako, kabilang ang e-cigarettes o vape, na itinuturing na ligtas para sa kalusugan. Karamihan sa mga ito ay naglalaman ng nicotine na nakaka-adik at mapanganib para sa buntis, sanggol sa sinapupunan, at kabataan. Sa mga buntis, ang paggamit ng e-cigarettes ay may kaugnayan sa mababang timbang ng sanggol at pre-term birth.  Ang usok o “aerosol” mula sa vape ay may mga kemikal na maaaring magdulot ng cancer, sakit sa baga, at iba pang pinsala sa katawan.

Ang nicotine ay maaaring makasira sa development ng utak at baga ng fetus at lalo ring mapanganib sa kabataan dahil patuloy pa ang brain development hanggang edad 25. Madali rin itong magdulot ng adiksyon at maaaring maging daan para masanay ang kabataan sa paninigarilyo sa hinaharap. Mahalagang tandaan na mas kaunti man ang kemikal ng vape kumpara sa sigarilyo, hindi pa rin ito maituturing na ligtas.

Bukod dito, ang vaping ay naiugnay din sa seizures. Ang mga depektibong baterya ng e-cigarettes ay maaaring masunog o sumabog at magdulot ng malubhang pinsala.(2)

Ano ang Gamot para sa EVALI?(1)

Karamihan sa mga taong na-diagnose na may EVALI ay kailangang dalhin sa ospital para lubos na mabantayan at mabigyan ng angkop na gamot, maging ang mga kagamitan na makakatulong sa paghinga kung kailangan. .

Maaaring kabilang sa mga paggamot ang:

  • Corticosteroids – Uri ng gamot na nakakatulong upang mabawasan ang pamamaga sa baga.
  • Supportive care – Maaaring bigyan ng karagdagang oxygen gamit ang nasal cannula. Sa mas malalang kaso, maaaring gumamit ng mechanical ventilator o extracorporeal membrane oxygenation (ECMO) machine.
  • Antibiotics o Antivirals – dahil mahirap tukuyin agad kung ang sintomas ay mula sa EVALI o sa bacterial o maging sa viral infection, maaari nang bigyan ang pasyente ng mga gamot na ito habang hinihintay ang mga resulta ng mga pagsusuri

Ano ang Dapat Mong Gawin?

Kung gumagamit ka ng e-cigarettes at nakakaranas ng hirap sa paghinga, ubo, o pananakit ng dibdib, agad na magpatingin sa doktor. Maagang pagsusuri ang susi para maiwasan ang malubhang epekto ng EVALI.

Kung nais tumigil sa vaping, kumonsulta sa mga propesyonal sa kalusugan. May ligtas na paraan tulad ng nicotine replacement therapy at counseling programs—iwasan ang mga hindi subok na solusyon na maaaring makasama pa.

Mga Benepisyo ng Pagtigil sa Paninigarilyo at Vaping

Ang pagtigil sa paninigarilyo o vaping ay may malaking benepisyo sa kalusugan. Maaari nitong pahabain ang buhay ng hanggang 10 taon at gawing mas magaan at mas masaya ang pamumuhay. Kapag tumigil ka, unti-unting bumababa ang tsansa ng pagkakaroon ng  mga sakit gaya ng heart disease, stroke, at chronic obstructive pulmonary disease (COPD).

Nakakabawas din ito ng panganib sa 12 uri ng kanser kabilang ang kanser sa baga, lalamunan, bibig, esophagus, lapay, pantog, tiyan, atay, colon at rectum, cervix, at kidney, pati na rin ang acute myeloid leukemia (isang uri ng blood cancer). Kahit ang mga cancer survivors ay mas nababawasan ang tsansa ng pagkamatay dahil sa kanser kapag sila ay tumigil sa paninigarilyo.

Kung mayroon ka nang coronary heart disease, ang pagtigil ay nakakatulong para bumaba ang panganib ng pagkakaroon ng bagong sakit sa puso, paglala ng kondisyon, o kamatayan dahil dito. Bukod pa rito, nakakatulong din itong pabagalain ang pagkawala ng lung function at progression ng COPD.

Para sa mga buntis, ang pagtigil ay hindi lang nagpapabuti ng sariling kalusugan kundi pati na rin ng sanggol. Mas mataas ang panganib ng mababang timbang ng sanggol at pagkamatay sa unang taon ng buhay kung patuloy ang paninigarilyo o exposure sa secondhand smoke. Kaya kung ikaw ay buntis o nagpaplanong magbuntis, isa sa pinakamahalagang hakbang para sa iyo at sa iyong baby ay ang pagtigil sa paninigarilyo o vaping.(4)

Ang EVALI ay isang seryosong kondisyon na may matinding epekto sa baga at maaaring humantong sa kamatayan kung hindi agad maagapan. Dahil dito, mahalagang maging maalam sa mga sintomas at agad na kumonsulta sa doktor kung nakakaranas ng hirap sa paghinga o iba pang sintomas. Higit sa lahat, ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang panganib ng EVALI ay ang pag-iwas at pagtigil sa paggamit ng e-cigarettes at vaping. Sa pagtigil, hindi lamang protektado ang iyong baga at puso, kundi napapahaba rin ang iyong buhay at nagbibigay daan sa magandang kalusugan sa iyong pamilya at mga mahal sa buhay.

Sources:

  1. E-cigarette or vaping product use-associated lung injury (EVALI). (2024). Yale Medicine. https://www.yalemedicine.org/conditions/evali
  2. CDC. (2025, January 31). Health Effects of Vaping. Smoking and Tobacco Use; CDC. https://www.cdc.gov/tobacco/e-cigarettes/health-effects.html
  3. Cleveland Clinic. (2023, May 2). EVALI. Cleveland Clinic. https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/24948-evali
  4. CDC. (2024). Quit Smoking For Better Health. Smoking and Tobacco Use. https://www.cdc.gov/tobacco/tobacco-features/surgeon-generals-report.html

CDC. (2024). Quit Smoking For Better Health. Smoking and Tobacco Use. https://www.cdc.gov/tobacco/tobacco-features/surgeon-generals-report.html