Ang Gastroesophageal Reflux Disease o GERD ay isang karaniwang kondisyon na nararanasan ng maraming Pilipino. Ito ay nangyayari kapag ang acid mula sa tiyan ay bumabalik paakyat sa esophagus, ang daanan ng pagkain mula sa bibig papunta sa tiyan. Kapag madalas itong nangyayari, nagdudulot ito ng heartburn, pananakit o pangangasim ng tyan, at madalas na pagdighay. . Tara’t talakayin natin ang mga pangunahing sanhi ng GERD at mga epektibong paraan upang maiwasan ito
Paano nga ba nangyayari ang GERD?
Nangyayari ang acid reflux kapag depektibo o mahina ang ating lower esophageal sphincter o LES na syang nagsisilbing "pinto" sa pagitan ng esophagus at tiyan. Kapag ito ay mahina o hindi nagsasara nang maayos, ang acid ng tiyan ay madaling umaakyat pabalik sa esophagus, na maaaring humantong sa iritasyon at pamamaga. (2)
Mga bagay na nagpapataas ng chance na magkaroon ng GERD
- Labis na Katabaan (Obesity)
Ayon sa mga pag-aaral, mas mataas ang chance na magkaroon ng GERD ang mga taong may mataas na BMI o body mass index).(2)
- Pagbubuntis
Sa panahon ng pagbubuntis, may mga pagbabago sa hormones ng mga babae na maaaring o magpahina ng LES. Bukod pa rito, ang paglaki ng sinapupunan ay maaari ring magdagdag ng pressure sa tiyan ng nanay, kaya mas nagiging madalas ang acid reflux sa mga ito.(2)
- Paninigarilyo
Ang sigarilyo ay maaari ring magpahina ng LES. Bukod pa dito, maaari ring manuyo ang lalamunan ng isang taong naninigarilyo at dahil dito nababawasan ang mga tumutulong sa pag-neutralize ng acid sa tiyan. Dahil dito, mas nagiging madali ang pag-akyat ng acid sa esophagus.(2)
- Mga Gamot
May ilan ding mga gamot na maaaring magpahina sa LES o maka-irritate sa lining ng esophagus. Kabilang dito ang ilang mga gamot para sa hika, high blood, at ilang pampakalma o sedatives.(2)
- Mga Kaugnay na Kondisyon
Ayon sa mga pagaaral ang mga taong merong asthma, irritable bowel syndrome (IBS), o hiatal hernia, ay may mataas na chance din magkaroon ng GERD. Ang stress at anxiety din ay maaaring magdulot ng pagtaas ng acid production sa tiyan at pagbagal ng digestion na pwedeng mag trigger din ng reflux .(1)
- Lifestyle at Diet
Ang matataba, maanghang, at caffeinated na pagkain o inumin ay maaaring mag-trigger ng GERD. Kabilang din dito ang mga pagkain tulad ng, citrus fruits, tsokolate, kape, at alak. Ang sobrang pagkain at agarang paghiga matapos kumain ay maaari ring magpalala ng GERD.
Paano Maagapan ang Acid Reflux?
- Pagbabago sa Diet: Iwasan ang mga pagkain at inumin na nagdudulot ng sintomas tulad ng matatabang pagkain, maanghang, kape, tsokolate, at alak. Kumain ng mas maliliit na bahagi ng pagkain upang hindi mabigatan ang tiyan.
- Iwasan ang Pagkain Bago Matulog: Maglaan ng hindi bababa sa 2-3 oras mula sa pagkain bago humiga upang mabigyan ng oras ang tiyan na matunaw ang pagkain.
- Pagbawas ng Timbang: Ang pagpapababa ng timbang ay makakatulong upang mabawasan ang presyon sa tiyan at LES.(1)
- Pagtaas ng Ulo ng Kama: Ang pagtataas ng ulo ng kama ng 15-20 cm ay nakakatulong upang maiwasan ang pag-akyat ng asido habang natutulog. (2)
- Pagtigil sa Paninigarilyo: Ang pagtigil sa paninigarilyo ay makabuluhang makakapagpabuti ng sintomas.(2)
- Pag-iwas sa Stress: Ang stress ay maaaring magpalala ng sintomas kaya mahalaga ang pag-practice ng relaxation techniques tulad ng meditation o deep breathing.(2)
- Kumonsulta sa doktor kung ang sintomas ay madalas, matindi, o may kasamang hirap sa paglunok, pagsusuka ng dugo, o pagbaba ng timbang.(2)
- Uminom ng medikal na gamot
- Antacids: Nagbibigay ito ng mabilis na lunas sa heartburn sa pamamagitan ng pag-neutralize ng asido sa tiyan
- Proton Pump Inhibitors (PPIs): Mas malakas na gamot na pumipigil sa produksyon ng asido at ginagamit sa mga malalang kaso ng GERD
Ang GERD ay isang kondisyon na maaaring makaapekto sa kalidad ng buhay ng isang tao kung hindi ito mapapamahalaan nang maayos. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga sanhi nito, maaari nating mabawasan ang mga sintomas nito at mapanatili ang kalusugan ng ating digestive system.
Kung ikaw ay nakararanas ng mga sintomas ng GERD, huwag mag-atubiling kumonsulta sa isang gastroenterologist upang mabigyan ka ng tamang diagnosis at gamot.
***
References:
(1) American College of Gastroenterology. (2022). Acid Reflux/GERD | ACG. American College of Gastroenterology. https://gi.org/topics/acid-reflux/#tabs3
(2) Mayo Clinic. (2024, August 22). Gastroesophageal reflux disease (GERD) . Mayo Clinic.
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gerd/symptoms-causes/syc-20361940