Ano ang Hypertension?

October 22, 2025

Ang “high blood” o altapresyon ay isang kondisyon kung saan laging mas mataas kaysa normal ang presyon ng dugo sa ating mga ugat. Dahil dito, mas nahihirapan ang puso at mga daluyan ng dugo na magpadaloy ng dugo sa buong katawan. Isa ito sa mga pangunahing dahilan ng mga seryosong karamdaman gaya ng stroke, sakit sa puso, at iba pang komplikasyon sa kalusugan.

Sa Pilipinas, maraming tao ang may altapresyon kaya napakahalaga na maintindihan natin kung ano ito, paano ito maiiwasan, at kung paano ito mapamamahalaan nang tama.

Humigit-kumulang 67.8% lamang ng mga Pilipino ang may kamalayan na sila ay may altapresyon. Sa mga taong ito, 75% ang umiinom ng gamot o nagpapagamot, ngunit sa kabila nito, 27% lamang ang tunay na nakakakontrol ng kanilang presyon ng dugo. Ibig sabihin, marami pa ring Pilipino ang hindi nakakaalam na sila ay may altapresyon, at kahit sa mga nagpapagamot na, iilan lamang ang matagumpay na nakokontrol ang kanilang kondisyon.

Karaniwan, ang normal na presyon ng dugo ay mas mababa sa 120/80 mmHg. Kapag ito ay lumampas sa 140/90 mmHg, ito ay itinuturing na altapresyon. (1)

Mga Komplikasyon ng Hindi Nakokontrol na Altapresyon

Kapag hindi nakokontrol ang altapresyon, maaaring magdulot ito ng matinding pinsala sa puso at iba pang bahagi ng katawan. Ang sobrang taas na presyon ng dugo ay maaaring makaapekto sa mga ugat (arteries), na nagiging dahilan ng pagbaba ng daloy ng dugo at oxygen papunta sa puso. Dahil dito, maaaring mangyari ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng dibdib (angina) – dulot ng kakulangan ng oxygen na dumadaloy sa puso.
  • Atake sa puso (heart attack) – nangyayari kapag nababara ang daluyan ng dugo papunta sa puso, kaya namamatay ang mga cells ng kalamnan ng puso dahil sa kakulangan ng oxygen. Mas matagal na barado ang ugat, mas malala ang pinsala sa puso.
  • Paghina ng puso (heart failure) – kapag hindi na kayang magbomba ng puso ng sapat na dugo at oxygen para sa ibang mahahalagang bahagi ng katawan.
  • Iregular na tibok ng puso (arrhythmia) – maaaring magdulot ng biglaan at nakamamatay na atake.

Maaari rin itong magdulot ng pagputok o pagbara ng mga ugat sa utak, na nagiging sanhi ng stroke.

Bukod pa rito, ang altapresyon ay maaari ring makasira ng mga bato (kidneys) na kalaunan ay hahantong sa paghina ng bato (kidney failure).(2)

Mga Risk Factors ng Hypertension(2)

May dalawang uri ng mga risk factors ng altapresyon: Maaari pang baguhin (modifiable) at hindi nababago (non-modifiable).

Mga maaaring baguhin (modifiable risk factors):

  • Hindi tamang pagkain, tulad ng:
    • labis na pagkain ng maalat,
    • pagkain na mataas sa saturated fat at trans fat,
    • hindi pagkain ng prutas at gulay.
  • Kakulangan sa pisikal na aktibidad (hindi pag-eehersisyo).
  • Paninigarilyo at pag-inom ng alak.
  • Sobrang timbang o labis na katabaan (overweight o obese).
  • Mga salik sa kapaligiran, tulad ng polusyon sa hangin, na isa sa pinakamalaking panganib para sa altapresyon at kaugnay na mga sakit.

Mga hindi na mababago (non-modifiable risk factors):

  • Pagkakaroon ng family history ng hypertension
  • Edad na lampas 65 taong gulang.
  • Pagkakaroon ng iba pang karamdaman gaya ng diabetes o sakit sa bato (kidney disease).

Mga Sintomas ng Malubhang Mataas na Presyon ng Dugo (3)

Kadalasan ang mataas na blood pressure ay walang sintomas, ngunit ang sobrang taas ng presyon ng dugo ay maaaring may kaakibat nasintomas tulad ng:

  • Matinding pananakit ng ulo
  • Pagdurugo ng ilong
  • Pagkapagod o pagkalito
  • Problema sa paningin
  • Pananakit ng dibdib
  • Hirap sa paghinga o hingal
  • Iregular na tibok ng puso
  • Palpitations o malakas na pagtibok ng puso o pagpintig sa dibdib, leeg, o tenga
  • Pagkakaroon ng kombulsyon (seizures)

Paano malalaman kung ikaw ay may Hypertension?(1)

Ang altapresyon ay nadidiskubre sa pamamagitan ng regular na pagcheck ng blood pressure gamit ang sphygmomanometer o BP apparatus. Ang mga kategorya ayon sa American Heart Association ay ang mga sumusunod:

  • Normal: mas mababa sa 120/80 mmHg
  • Borderline: 120-139/80-89 mmHg
  • Hypertension:  ≥140/≥90 mmHg
  • Hypertensive crisis: >180/>120 mmHg na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.

Mga Paraan Para Maiwasan ang Mataas na Presyon ng Dugo(4)

Kumain ng wastong pagkain

  • Pumili ng masustansyang pagkain at meryenda para makaiwas sa altapresyon at mga komplikasyon nito.
  • Kumain ng maraming prutas at gulay.
  • Subukan ding kumain ng pagkaing mayaman sa potassium, fiber, at protina, at iwasan ang sobrang alat (sodium) at taba (saturated fat).
  • Mayroon ding diet sa pagkain na tinatawag na DASH diet na napatunayang nakakatulong sa pagpapababa ng presyon ng dugo.

Panatilihin ang tamang timbang

  • Ang sobrang timbang o obesity ay nakakadagdag ng panganib sa altapresyon.
  • Kumonsulta sa iyong health care team kung paano maabot at mapanatili ang tamang timbang sa pamamagitan ng tamang pagkain at regular na ehersisyo.

Maging aktibo o mag ehersisyo

  • Ang regular na pag-eehersisyo ay nakakatulong para manatili sa tamang timbang at makapagpababa ng presyon ng dugo.
  • Rekomendado para sa mga adult ang 30 minuto ng katamtamang ehersisyo (tulad ng mabilis na paglalakad o pagbibisikleta) kada araw, 5 beses sa isang linggo.
  • Para naman sa mga bata at kabataan, dapat ay may 1 oras ng pisikal na aktibidad araw-araw.

Huwag manigarilyo

  • Ang paninigarilyo ay nagpapataas ng presyon ng dugo at panganib ng atake sa puso at stroke.

Limitahan ang pag-inom ng alak

  • Ang sobrang alak ay nakakataas ng presyon ng dugo.
  • Lalaki – hanggang 2 baso lang kada araw.
  • Babae – hanggang 1 baso lang kada araw.

Magkaroon ng sapat na tulog

  • Mahalaga ang sapat na tulog para sa kalusugan ng puso at daluyan ng dugo.
  • Ang madalas na kulang sa tulog ay nakakadagdag ng panganib sa sakit sa puso, altapresyon, at stroke.

Pamahalaan ang stress

  • Ang matagal na stress, depresyon, o anxiety ay maaaring magdulot ng mabilis na tibok ng puso at altapresyon.

Ilan sa mga gamot na maaaring gamiting upang makontrol ang BP ay ang mga ACE inhibitors, ARBs, calcium channel blockers, beta blockers, at diuretics tulad ng RiteMed Frusema

Mahalaga pa rin ang regular na pagpapatingin sa doktor at check-up upang mabigyan ng tamang gamot at gabay, dahil kadalasan ay walang sintomas ang altapresyon at kung hindi maagapan ay maaaring humantong sa seryosong komplikasyon tulad ng atake sa puso at stroke.

SOURCES

  1. Ignacia, D., Jimeno, C., Jasul, Gabriel, V., Bunyi, Lourdes, M., Oliva, Gonzalez-Santos, Ella, L., Mercado-Asis, Luz, Leus, Diaz, Bimbo, A., Santos, F., Belen, Bonzon, Bote-Nunez, Cawed-Mende, & Maria, R. (2020). Executive Summary of the 2020 Clinical Practice Guidelines for the Management of Hypertension in the Philippines. https://www.philippinesocietyofhypertension.org.ph/ClinicalPracticeGuidelines.pdf
  2. World Health Organization. (2023, March 16). Hypertension. World Health Organization. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/hypertension
  3. Seed, S. (2024, April 3). High Blood Pressure Symptoms - Hypertension Symptoms. WebMD. https://www.webmd.com/hypertension-high-blood-pressure/hypertension-symptoms-high-blood-pressure
  4. Centers for Disease Control and Prevention. (2024, December 13). Preventing High Blood Pressure. High Blood Pressure. https://www.cdc.gov/high-blood-pressure/prevention/index.html