Ang pagkahilo sa daan ay dulot ng pagkagambala sa loob ng tenga ng isang tao dahil sa paulit-ulit na paggalaw. Lahat ng tao ay posibleng makaranas nito ngunit ang bawat isa ay may kanya-kanyang lebel ng pagkahilo. Mga bata ang kadalasang nakakaranas nito pati na rin ang mga buntis at taong may migraine.
Ngayong panahong uso ang paglalakbay patungo sa dagat at kung saan-saan pa, huwag hayaang masira ang kasiyahan ng pamilya o barkada dahil lamang sa pagkahilo sa biyahe. Alamin kung anu-ano ang mga sintomas ng pagkahilo sa daan at ano ang dapat gawin sakaling may makaranas nito.
Mga sintomas:
Madaling malaman ang mga sintomas ng pagkahilo sa daan. Ang taong nakararanas nito ay makakaramdam ng pagsusuka, pagpapawis, at masamang pakiramdam. Ang sanhi nito ay ang pabagu-bagong balanse ng tao.
Paraan Para Makaiwas sa Pagkahilo sa Daan
1. Iwasan ang pagkain ng marami. Iwasan rin ang pag-inom ng alak bago bumiyahe at habang nagbabiyahe, lalong-lalo na kapag magmamaneho. Makakabuti rin na huwag munang kumain ng mga pagkain na matataba, mabigat, at maanghang dahil makakapagpalala lamang lalo ito ng pagkahilo.
2. Kung posible, maupo sa upuan sa harapan ng sasakyan katabi ng drayber. Ang pagkahilo ay nagmumula sa pagkasira ng oryentasyon ng mata sa galaw ng katawan. Kapag nasa harapan ng sasakyan, makikita mo ang daan at mga liko na maaaring sundan ng iyong katawan. Dahil dito, mas magiging komportable ka sa paggalaw.
3. Mag-focus sa ibang bagay. Kung hindi naman posible na maupo sa unahan katabi ng drayber dahil ito ay okupado na o di naman kaya ay ikaw ay nasa pampublikong sasakyan, magandang ibaling na lamang ang iyong atensyon sa ibang bagay. Maraming kang maaaring gawin para dito gaya na lamang ng pakikinig sa musika, pagbabasa ng libro, o di naman kaya ay umidlip. Kapag mayroon kang kasamang mga bata o kaibigan, maaari rin kayong maglaro ng board games para hindi kaya mabagot at mahilo sa biyahe.
4. Buksan ang bintana. Kapag nakakaramdam ka na ng hila sa gitna ng iyong pagbibiyahe, malaking tulog ang paglanghap ng sariwang hangin. Buksan lamang ang bintana ng iyong sasakyan at sumagap ng hangin para maging maaliwalas ang iyong pakiramdam. Kapag naman ikaw ay nasa saradong sasakyan gaya ng bus o eroplano, maaari mong subukan ang ilang tamang breathing techniques.
5. Ngumuya ng luya o mint candy. Ang mga maaanghang na candy ay epektibo laban sa pagkahilo. Tinutulungan rin nito ang iyong katawan na gumawa ng maraming laway na nakakatulong sa pag-neutralize ng mga acid sa tiyan. Pinapakalma ng pagkain nito ang iyong tiyan at unti-unting ililipat ang iyong atensyon mula sa nararamdaman mong pagkahilo.
6. Uminom ng gamot laban sa pagkahilo. Makabubuti na magbaon ng mga gamot para dito bago simulan ang iyong paglalakbay. Ito ay kadalasang mabibili sa mga botika at epektibo sa ganitong kondisyon. Maganda kung kukuha muna ng reseta mula sa doktor bago bumili ng gamot dahil may ibang klase ng pagkahilo na sa maiiksing biyahe lamang nararanasan at meron rin namang madalas na nararanasan ng mga mayroon nito.
Sources: