We use cookies to ensure that we give you the best experience on our website. By continuing to browse our site, you are agreeing to our use of cookies.
August 08, 2022
Ang colorectal cancer (kanser ng colon at/o rectum) ay pang-apat sa pinakakaraniwang kanser sa America, ayon sa National Cancer Institute Surveillance, Epidemiology, and End Results Program (SEER). Tinatantyang 151,030 na katao ang magkakaroon ng colorectal cancer ngayong 2022, ayon sa American Cancer Society. Sa mas maagang pagtuklas sa sakit, maaaring mas malaki ang posebilidad na maagapan ang kundisyon. Halos 65% ng mga pasyente ang nabubuhay pa limang taon matapos matuklasan ang kanser, ayon sa SEER. Kung makita ang colorectal cancer bago pa ito kumalat sa ibang parte ng katawan, ang five-year survival rate ay tumataas sa 90%.
Paano Nagkakaroon ng Colorectal Cancer?
Ang colon at rectum ay makikita sa dulong bahagi ng gastrointestinal (digestive) system. Sila ang bumubuo sa mahabang daluyan ng pagkain na tinatawag na large intestine. Ang colon ang sumisipsip ng pagkain at tubig at nag-iimbak ng dumi. Ang rectum ang responsable sa paglalabas ng dumi mula sa katawan.
Ang colorectal cancer ay nagsisimula kapag ang mga normal na tisyu ng colon at rectum ay nag-iba ng anyo at nagkaroon ng pagdami na hindi mapigilan, na nagreresulta sa bukol na maaaring maging kanser. Maaaring dulot ito ng mga salik na namamana o buhat sa pamumuhay at kapaligiran. Ang labis na timbang, mga pagkaing kinokonsumo, pag-inom ng alak, paninigarilyo, kakulangan sa ehersisyo, at genetics ang ilan sa mga importanteng salik na nagpapataas ng posibilidad na magkaroon ng colorectal cancer.
Mga Senyales at Sintomas ng Colorectal Cancer
Maaaring hindi agad makaranas ng sintomas ang taong may colorectal cancer, ngunit kung mayroon man, ito ang ilan sa mga dapat bantayan:
-Pagbabago sa pattern ng pagdumi, tulad ng pagkakaroon ng madalas na pagdumi, pagtitibi, o pagliit ng dumi, na tumatagal ng ilang araw
-Pakiramdam na hindi nailalabas ang lahat ng dumi
-Pagdugo ng puwet pagkatapos dumumi
-Pagkakaroon ng dugo sa dumi, na maaaring maging sanhi ng pagiging kulay itim ng dumi
-Pagsakit ng tiyan
-Pagkahilo o pagsusuka
-Panghihina o mabilis makaramdaman ng pagod
-Hindi sinasadyang pagbabawas ng timbang
-Hindi maipaliwanag na iron-deficiency anemia, o mababang red blood cells sa dugo
Marami sa mga sintomas na ito ay maaaring magmula sa iba pang karamadaman bukod sa colorectal cancer, tulad ng impeksyon, almoranas, o irritable bowel syndrome. Gayunpaman, kung nakakaranas ng ilan sa mga sintomas na ito, mahalaga ang maagang pagpapatingin sa doktor upang malaman ang dahilan at agad na masimulan ang gamutan, kung kinakailangan.
Paano Malaman kung may Colorectal Cancer?
May ilang mga pagsusuri na maaaring irekomenda ang doktor upang maagang makita kung may colorectal cancer ang isang tao. Mayroon ding mga eksaminasyon upang malaman kung kumalat na ang kanser sa ibang parte ng katawan. Kapag kalat na ito, tinatawag itong metastasis. Mayroon ding mga pagsusuri na maaaring gawin upang malaman kung aling klase ng gamutan ang pinakaepektibo depende sa kundisyon ng pasyente.
Para sa karamihan ng mga klase ng kanser, ang biopsy lamang ang siguradong paraan upang malaman ng doktor kung ang isang partikular na organ ng katawan ay may kanser. Sa biopsy, kumukuha ang doktor ng maliit na sampol ng tisyu at pinapadala sa laboratoryo upang masilip sa ilalim ng microscope. Kung hindi posible o mahirap isagawa ang biopsy, maaaring magrekomenda ng iba pang pagsusuri na makakatulong sa paghahanap ng kanser.
Sa pagpili ng angkop na pagsusuri, maaaring i-base ng doktor ang desisyon sa mga sumusunod:
-Klase ng kanser na pinaghihinalaan
-Mga senyales at sintomas
-Edad at pagkalahatang kundisyon ng kalusugan
-Medical at family history
-Resulta ng ibang mga naunang pagsusuri
Bukod sa detalyadong eksaminasyon ng katawan sa klinika ng doktor, ang mga sumusunod na pagsusuri ay maaaring makatulong upang malaman kung may colorectal cancer at metastasis:
-Colonoscopy
-Biomarker testing
-Blood test
-Computed tomography (CT) scan
-Magnetic resonance imaging (MRI)
-Ultrasound
-Chest x-ray
-Positron emission tomography (PET) o PET-CT scan
https://www.shutterstock.com/image-photo/doctor-woman-consulting-patient-sitting-office-1250158696
Ano ang Colorectal Cancer Screening?
Ang screening test ay ginagawa upang maghanap ng sakit sa isang taong walang nararanasan na sintomas. Iba pa ito sa diagnostic test na ginagawa sa mga taong may nararamdaman, upang malaman ang sanhi ng mga sintomas.
Ang colorectal cancer ay kadalasang nagsisimula sa mga precancerous polyp sa colon o rectum. Ang pagsasailalim sa screening test ay maaaring makatulong upang ma-detect ang mga bukol, upang matanggal na ang mga ito bago pa sila maging kanser. Maaari ring makatulong ang screening test upang makakita ang kanser na nasa maagang stage pa lang, kung kailan pinakaepektibo ang gamutan.
Ang regular na screening simula edad 45 na taong gulang ang susi sa paghadlang sa pagkakaroon ng colorectal cancer o sa pagdetect nito ng maaga. Ayon sa US Preventive Services Task Force, ang mga taong edad 45 hanggang 75 ay dapat sumasailalim sa screening test para sa colorectal cancer. Para naman sa mga taong edad 76 hanggang 85, mainam na makipag-ugnayan sa doktor kung nararapat pa sa kanila ang mga screening test.
Base sa rekomendasyon ng Task Force, ilan sa mga screening tests ay ang mga sumusunod: stool test, flexible sigmoidoscopy, colonoscopy, at CT colonography.
May mga tao na mas mataas ang tyansa na magkaroon ng colorectal cancer dahil sila ay may inflammatory bowel disease, personal o family history ng colorectal polyp o colorectal cancer, o mga kondisyon na namamana tulad ng familial adenomatous polyposis (FAP) o hereditary non-polyposis colorectal cancer (o kilala rin bilang Lynch syndrome). Maaaring kinakailangang magsimula ang kanilang screening bago pa umabot sa edad na 45.
Ang mga tao na may mas mataas na posibilidad na magkaroon ng colorectal cancer ay dapat makipag-usap sa doktor tungkol sa tamang panahon kung kailan magsimula ang screening, kung anong eksaminasyon ang angkop sa kanila, at kung gaano kadalas dapat sumailalim sa pagsusuri.
References:
https://www.cancer.net/cancer-types/colorectal-cancer
https://www.cancercenter.com/cancer-types/colorectal-cancer
https://www.cancer.org/cancer/colon-rectal-cancer/detection-diagnosis-staging/signs-and-symptoms.htm
https://www.cdc.gov/cancer/colorectal/basic_info/screening/index.htm
browse more articles: