Mga Posibleng Dahilan kung Bakit Hindi Nagkakaperiod si Ate
August 26, 2022
Madaming posibleng dahilan kung bakit maaaring ma-delay o hindi magkaroon ng regla ang isang babae.
Ang karaniwang regla ay nararanasan kada-28 na araw, ngunit madalas na magkaroon ng mas maikli o mas mahabang cycle (simula 21 hanggang 40 na araw).
May mga babae na hindi regular ang menstrual cycle. Maaaring maaga o huli, mabilis o matagal, at malakas o mahina ang daloy, lahat ito ay nagbabago-bago.
Ang pagbubuntis ang pinakamadalas na dahilan ng delayed na regla. Ngunit, may mga medical na kondisyon at lifestyle factors din na maaaring makaapekto sa menstrual cycle. Ang pagbabago sa timbang, hormonal imbalance, at menopause ang ilan pa sa mga karaniwang dahilan. Dahil sa mga isyu na ito, maaaring hindi magkaregla ng isa, dalawa o tatlong buwan.
Sa article na ito, tatalakayin natin ang sampung pinakamadalas na dahilan kung bakit delayed o hindi nagkakaroon ng period ang isang babae.
Sampung Dahilan Kung Bakit Hindi Nagkakaroon ng Regla
- Stress
Ang stress ay nakakasagabal sa produksyon ng gonadotropin-releasing hormone (GnRH) – ang kemikal na namamahala sa obulasyon at sa menstrual cycle.
Ang pisikal at sikolohikal na stress ay parehong maaaring sanhi ng delayed na regla. Ngunit, ang lebel ng stress na nagdudulot nito ay kadalasang mabigat. Kung nakakaranas ng pangmatagalang stress, maaaring hindi magkaroon ng regla sa loob ng ilang buwan.
Kung walang medikal na rason para sa delayed na regla, maaaring magrekomenda ang doktor ng counseling upang makatulong na makayanan ang sitwasyon na nagdudulot ng stress. Kapag naibsan na ang stress, maaaring tumagal pa ng ilang buwan bago tuluyang bumalik ang normal na regla.
- Mabigat na ehersisyo
Ang sobrang pag-eehersisyo ay maaaring magdulot ng pagbabago sa mga hormones na ginagawa ng pituitary at thyroid gland, na nakakaapekto sa obulasyon at regla. Ang pag-eehersisyo ng isa o dalawang oras kada-araw ay walang magiging epekto sa menstrual cycle. Ang mabigat na ehersisyo na tumatagal ng ilang oras araw-araw ang nagdudulot ng pagbabago sa regla.
- Mga Karamdaman
Ang mga pangmatagalan na karamdaman na maaaring makaapekto sa regla ay ang mga sumusunod:
-Sakit sa thyroid
-Polycystic ovary syndrome (PCOS)
-Bukol sa pituitary gland
-Sakit sa adrenal gland
-Cyst sa obaryo
-Sakit sa atay
-Diabetes
Ang biglaang pagkakasakit, tulad ng pulmonya, atake sa puso, kidney failure, o meningitis ay maaaring magdulot ng mabilis na pagbagsak ng timbang, kakulangan sa nutrisyon at hormonal imbalance. Maaari rin itong magdulot ng pagkaantala ng regla.
- Pagbabago sa Iskedyul
Ang pagbabago sa iksedyul ay nakakagambala sa body clock. Kung palipat-lipat ang shift sa trabaho, o kung ang iskedyul ay hindi regular, ang regla ay maaaring maging pabago-bago rin. Maaari rin itong maantala ng ilang araw kung nakakaranas ng jet lag.
- Mga Gamot
Ang mga gamot tulad ng antidepressant, antipsychotic, gamot sa thyroid, anticonvulsant, at ilang gamot para sa chemotherapy, ay maaaring magdulot ng pagbabago sa regla. Ang mga hormonal contraceptives ay maaari ring makaimpluwensiya sa timing at lakas ng regla.
- Pagbabago sa Timbang
Ang pagiging overweight o underweight, o ang pagkakaroon ng malaking pagbabago sa timbang ay maaaring makaapekto sa menstrual cycle.
Ang obesity ay nakakaimpluwensya sa regulasyon ng estrogen at progesterone at maaari pang magdulot ng mga isyu sa pagbubuntis, bukod sa delayed na regla. Ang pagbabawas ng timbang ay nakakatulong upang maging regular ang regla.
Ang pagiging sobrang underweight ay nakakaantala rin ng regla. Kapag may kakulangan sa taba at nutrisyon ang katawan, hindi nakakagawa ng sapat na hormones na kinakailangan sa maayos na menstrual cycle.
Ang mabilis na pagbagsak ng timbang dahil sa sakit, gamot, o pagbabago ng dyeta ay nakakaapekto rin sa paggawa ng hormones.
- Kakasimula pa lang na Pagreregla
Ang normal menstrual cycle ay iba-iba, partikular na sa mga batang babae na nagsisimula pa lamang magkaroon ng regla, o sa mga nakatatandang babae na hindi nagkaregla ng ilang taon at nagsisimula pa lamang ulit magkaroon ng regla.
- Perimenopause at Menopause
Ang perimenopause ay ang panahon kung saan nagkakaroon ng pagbabago papunta sa edad na hindi na maaaring mabuntis. Maaaring mas kaunti, mas madami, mas madalas, o mas madalang ang pagreregla sa panahon na ito.
Ang menopause ay ang punto kung saan hindi na magkakaroon ng obulasyon at regla ang isang babae. Kadalasan, nararanasan ang menopause sa edad na 51 taong gulang.
- Breastfeeding
Sa mga babaeng nagpapa-breastfeed, maaaring maging mas madalang, mas kaunti o hindi talaga magkaroon ng regla, lalo na kung sa pagpapadede kumukuha ng madami o halos lahat ng nutrisyon ang sanggol.
- Ectopic pregnancy
Ang ectopic pregnancy ay ang pagkakaroon ng pagbubuntis sa labas ng matres. Maaari itong mangyari sa mga babaeng gumagamit ng intrauterine device (IUD) bilang isang uri ng contraception.
Ilan sa sintomas ng ectopic pregnancy ay ang pagpupulikat ng puson, pagsakit ng balikat, panghihina o pagkahilo, at pagsakit ng suso. Maaari ring makaranas ng hindi pagkakaroon ng regla, habang ang iba naman ay may pagdurugo mula sa pwerta o spotting.
Bukod sa IUD, ilan pa sa mga salik na maaaring nauugnay sa ectopic pregnancy ay ang mga sumusunod:
-Endometriosis
-Pelvic inflammatory disease
-Progestin-only birth control pills
-Sexually-transmitted infection
-In vitro fertilization
-Mga depekto sa fallopian tube ng babae
-Mga peklat sa fallopian tube, na maaaring magmula sa operasyon o pagkabutas ng appendix
Ang ectopic pregnancy ay isang nakamamatay na kundisyon. Agad na magpatingin sa doktor kung maaaring ito ang dahilan ng hindi pagkakaroon ng regla.
https://www.shutterstock.com/image-photo/young-woman-pregnancy-test-hands-427218448
Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?
Magpakonsulta sa doktor kahit maaaring hindi buntis (dahil negative ang pregnancy test) at hindi pa nagkakaroon ng regla ng tatlong buwan o mahigit na tuloy-tuloy.
Kung ang isang babae ay sexually active at hindi pa nakakapag-pregnancy test, maaaring irekomenda ng doktor na magpatest.
Maaari ring magpatingin sa doktor kung ang isang babae ay tumigil sa pagreregla bago pa mag-45 na taong gulang, o kung nagreregla pa rin sa edad na higit 55 na taong gulang.
References:
https://www.nhs.uk/conditions/stopped-or-missed-periods/
https://www.verywellhealth.com/reasons-you-missed-your-period-2757503