May Epekto ba ang Sigarilyo sa Immune System?
April 15, 2023
Lahat tayo ay may kakilalang naninigarilyo. O maaaring ikaw mismo na nagbabasa nito ay isa sa mga naninigarilyo. Ayon sa Global Adult Tobacco Survery, sa mga Pilipinong edad 15 pataas, 15.1 milyon o 19.5% ng populasyon ang naninigarilyo – lumalabas na isa sa bawat limang tao na nakakahalubilo natin ay naninigarilyo.1
Alam nating lahat na masama ang paninigarilyo – tumataaas ang tsansa nating magkaroon ng sakit sa puso, kanser, stroke, diyabetis, chronic obstructive pulmonary disease, chronic bronchitis, TB, mga sakit sa mata, at marami pang iba.2 Hindi lamang ito limitado sa firsthand smoke, ngunit pati na rin sa secondhand smoking – usok mula sa paninigarilyo na nalalanghap natin galing sa mga taong naninigarilyo sa ating paligid.
Bukod pa sa mga nabanggit na sakit, alam niyo ba na may masamang epekto rin ang paninigarilyo sa ating immune system? Pag-usapan natin dito.
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-woman-hand-suffering-joint-pain-1565327146
Ano ang Epekto ng Paninigarilyo sa ating Immune System?
Pinapahina ng paninigarilyo ang ating Immune System – ang bahagi ng ating katawan na responsableng lumalaban sa mga sakit, mga mikrobyo, mga dumi na pumapasok o dumadapo sa ating katawan, pati na rin sa pagkakaroon ng kanser.
Apektado rin ang balanse ng ating immune system. Ibig sabihin, maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon tayo ng autoimmune disorders, mga sakit kung saan tayo mismo ang inaatake ng ating sariling immune system. Halimbawa nito ay rheumatoid arthritis – sakit sa kasukasuan na dulot ng problema sa ating immune system. Ang mga taong may rheumatoid arthritis ay mahihirapan gumalaw at gumawa ng kanilang pang-araw-araw na gawain. Tumataas ang tsansa na magkaroon ang isang tao ng rheumatoid arthritis kapag naninigarilyo at nakakahadlang rin ito sa bisa ng gamot para sa sakit na ito.
Ang iba pang mga uri ng sakit na maaaring mapalala o mabigyan buhay ng paninigarilyo sa pamamagitan ng pagpapahina sa ating immune system ay ang mga sumusunod:
- Mga impeksyon na dulot ng virus o bacteria, lalo na sa baga (halimbawa ay pulmonya o tuberculosis)
- Kanser
- Mga impeksyon na lumilitaw pagkatapos maoperahan
- Sakit sa gums o gilagid
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-boys-sitting-smoking-together-concept-2238941331
Bakit Nagsisimulang Manigarilyo ang Tao?
Kadalasan nagsisimula ang paninigarilyo sa edad ng pagiging tinedyer – dulot ng psychosocial na mga dahilan tulad ng paraan ng pagrerebelde o peer pressure. Pagdating sa impluwensiya ng tirahan at lipunan, may mga ilang salik na napag–alaman na maaaring magpataas ng probabilidad na manigarilyo; halimbawa ay naninigarilyo ang magulang o kung nag–aaral sa isang eskwelahan na laganap ang paninigarilyo. Ang ilan sa mga binata o dalaga na nagsisimulang manigarilyo ay napag–aalaman rin na maaaring may mababang kumpyansa sa sarili o hindi maayos ang performance sa eskwelahan.
Sa madaling salita, malaking impluwensya ang kapaligiran lalo na ang mga tao na kasama na nag-uudyok manigarilyo. Ngunit kahit ang mag - udyok sa isang taong manigarilyo ay self–image, peer pressure, o ang kapaligiran, ang mga kemikal sa paninigarilyo ang bumibitag sa isang tao upang magpatuloy sa kanyang kinagawian. 3
https://www.shutterstock.com/image-photo/man-smoking-electronic-cigarette-on-summers-734445016
Ang Vape ba ay May Epekto rin sa Aking Immune System?
Ang vape o electronic cigarettes ay nakasasama rin sa immune system. Bagama’t bago pa lamang ang mga pag – aaral, sa eksperimento sa mga daga ay napansin nila na dumami ang white blood cells o mga cells na lumalaban sa impeksyon. Hindi ibig sabihin nito ay mas lalakas tayo – bagkus, mas maaari tayong magkaroon ng mga autoimmune disease, katulad ng naidudulot ng tradisyunal na paninigarilyo.
Sa iba pang pag – aaral, ang isang taong gumagamit ng vape, kung nagkapulmonya, ay mas malala ang kahahantungan kumpara sa isang taong nagkapulmonya pero hindi gumagamit ng electronic cigarette.4 Maliban dito, tumataas rin ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso kapag gumagamit ng vape ang isang tao.5
https://www.shutterstock.com/image-photo/man-refusing-cigarettes-concept-quitting-smoking-1724010937
Paano natin Maaaring Tigilan ang Paninigarilyo?
Nakapagtataka na kahit walang kaduda–duda na masama ang paninigarilyo sa ating kalusugan ay may ilan pa rin sa ating patuloy na ginagawa ito. Ang mga pakete mismo ng sigarilyo ay may mga litrato ng mga pasyente na may kanser – isang babala sa mga epekto ng matagal na paninigarilyo o kaya naman ang mga patalastas na nagsasabing “Cigarette smoking is dangerous to your health.” Hindi pa ba sapat ang mga ito upang tayo ay matulak na itapon ang isang kaha ng sigarilyo?
Komplikado ang paninigarilyo at ang pagtigil nito. Hindi sapat na sabihin mo lamang na ayaw mo nang manigarilyo. Tulad ng nabanggit kanina, ang mga kemikal ang nagpapanitili sa mga tao sa kanilang nakagawian. Ito ay ang nicotine – makikita ito sa traditional cigarette smoke at pati na rin sa electronic cigarette. Kapag nanigarilyo ang isang tao, mabilis napupunta ang nicotine sa ating utak. Kapag nasa utak na ang nicotine, mabilis itong naglalabas ng mga kemikal na nagbibigay sa atin ng magandang pakiramdam.
Ito rin ang dahilan kung bakit ang paninigarilyo ay isang paraan ng stress relief sa karamihan. Sa pagdaan ng panahon, nasasanay ang utak natin sa nicotine na ito, hanggang sa umabot sa puntongkapag hindi tayo nakakuha ng nicotine ay parang may kulang o mali. Nagiging iritable o mas kabado ang taong hindi nakakuha ng nicotine kapag nasanay na siya dito. Ito ang tinatawag na withdrawal. Upang mawala ang pakiramdam na ito na hindi komportable, hahanap–hanapin muli ang nicotine at maninigarilyo uli.6
Parte ng pagtigil sa paninigarilyo ay pag-intindi at pag-alam kung paano nangyayari ang pagkagumon o addiction. Kailangan malaman mo kung ano ang mga trigger mo sa pang– araw–araw na mapapadampot ka na lang ng sigarilyo at kailangang matiis din na wala ang sigarilyo sa mga routine mong ito.
Ang iba pang paraan ay kumonsulta sa isang doktor o institusyon na tumutulong sa pagtigil ng paninigarilyo – maaaring magpakonsulta sa isang Family Medicine Doctor, General Internist, Pulmonologist, o Addiction Medicine Specialist. May mga serbisyo rin ang DOH tulad ng Quitline na tumutulong sa pagtigil ng paninigarilyo. Narito ang ilan pang panuto na maaaring sundin, kung walang ganitong mga serbisyo pa o hindi pa makapagpakonsulta:6
- Baguhin ang iyong kapaligiran – itapon lahat ng sigarilyo na mayroon sa bahay, kotse, at trabaho. Kasama na rin dito ang mga lighter, posporo, at ashtray. Labhan ang mga damit na may amoy sigarilyo, kung mayroon man.
- Sabihan ang iyong mga kamag–anak at kaibigan na sinusubukan mong tumigil manigarilyo upang masuportahan ka nila. Partikular na rito ang iyong mga kaibigan na naninigarilyo pa rin – upang mairespeto nila ang iyong desisyon, kung kaya nilang hindi manigarilyo, at huwag ka alukin kapag kayo ay magkasama.
- Umiwas muna sa mga gala at event kung saan ikaw ay maaaring matuksong manigarilyo.
Ang immune system natin ay ang ating sariling gamot at panlaban sa mga sakit. Ang paninigarilyo ay isang habit na pwedeng aksyunan, upang mapangalagaan ang ating immune system, at ang ating buong pangkalusugan. Hindi madali tumigil manigarilyo. Ngunit hindi rin ito imposible, kaakibat ng tamang panahon, suporta, kapaligiran at tiyaga.
References:
- https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/healthandwellness/853673/percentage-of-filipinos-who-smoke-use-tobacco-decreases-to-19-5-survey/story/
- https://www.cdc.gov/tobacco/basic_information/health_effects/index.htm#:~:text=Smoking%20causes%20cancer%2C%20heart%20disease,immune%20system%2C%20including%20rheumatoid%20arthritis
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC324461
- https://faseb.onlinelibrary.wiley.com/doi/10.1096/fj.202201392R
- https://med.stanford.edu/visit/the-details/HealthEffects.html
- https://www.cdc.gov/tobacco/campaign/tips/quit-smoking/quit-smoking-medications/why-quitting-smoking-is-hard/index.html