Tuwing Pasko, masaya ang lahat dahil sa palitan ng regalo at engrandeng salo-salo. Abala ang mga pamilya sa paghahanda para sa Noche Buena at Media Noche, kung saan iba’t-ibang uri ng masasarap na pagkain ang ipinapamahagi. Ngunit, bago ka magsimulang kumain, tandaan na ang labis na konsumo ng pagkain ay nagdudulot ng empacho o dyspepsia at iba pang karamdaman.
Paano nga ba maiiwasan ang empacho kung ang kaharap mo ay masasarap na putahe? Huwag kang mag-alala, maaari ka pa ring kumain. Ang kailangan lamang ay kontrolado ang konsumo at balansehin ang mga uri ng pagkain na kakainin. Narito ang ilang stratehiya na maaari mong sundin.
-
Nguyain ang pagkain nang mabagal
Kalimitan, hindi natin napipigilan ang sarili na kumain ng sobra dahil napakasarap ang handang putahe. Ang problema dito ay hindi kaagad napo-proseso ng utak na tayo ay busog na, na siyang nagiging sanhi ng indigestion.
Upang maiwasan ito, nguyain ang pagkain nang mabagal at lubusan. Kapag mabagal ang pagnguya, nakakahabol ang utak para sabihin sa atin na tayo ay busog na. Makaka-iwas ka na sa dyspepsia, mababawasan pa ng ilang pulgada ang iyong baywang. Mahirap ang hindi tumaba pag Pasko, pero maaaring nating ma-limit ang pagbigat ng timbang.
2. Maglakad pagkatapos kumain
Pagkatapos kumain ng malaking meal, ang karaniwang reaksyon ng katawan ay antukin o tamarin gumalaw. Sa halip na humiga, maglakad-lakad ka sa paligid. Habang naglalakad, kausapin mo ang mga bisita sa family reunion o dalawin ang kapitbahay upang hindi ka tamarin.
3. Limitahan ang matatabang pagkain
Ang mga tinaguriang star ng Noche Buena gaya ng Christmas ham at lechon, sa kasamaang palad, ay kabilang sa mga pagkain na nagdudulot ng indigestion dahil naglalaman ang mga ito ng labis na taba. Ang magandang balita ay hindi mo kailangang iwasan ang mga ito. Kontrolin mo lamang ang konsumo.
Upang hindi sumobra ang pagkain, uminom ng tubig pagkatapos ng ilang subo at samahan ng healthy foods gaya ng gulay at prutas sa iyong plato.
4. Limitahan ang alak at kape
Popular ang kape at alak tuwing kapaskuhan. Naglalabas ang mga tanyag na kapihan ng mga bagong uri ng kape kasama ng magagandang promo tulad ng mga planner. Naglipana naman ang mga selebrasyon kung saan umuulan ng alak. Kung kakain nang marami, subukan munang ipagpaliban o kontrolin ang konsumo ng mga ito.
Ang kape at alak ay parehong nagdudulot ng indigestion lalo na kung sinamahan ito ng labis na matatabang pagkain, acidic at processed foods. Uminom na lamang ng mga healthy smoothie, unsweetened fruit juice o tubig para hindi sumama ang pakiramdam pagkakain.
5. Kumain ng gulay at prutas
Masustansya ang gulay at prutas. Tinutulungan ng mga ito ang tiyan sa pagtunaw ng pagkain. Naglalaman ng fiber ang mga prutas at gulay na nagpapabilis ng pagtunaw ng pagkain at nagtatanggal ng toxins sa katawan. Bukod dito, nakakabusog ang mga ito kaya mapipigilan ang pagkain nang sobra.
Upang labanan o maiwasan ang dyspepsia, kumain ng carrots, leafy vegetables, pipino, melon, mansanas, manga, at mga katulad na pagkain. Limitahan naman ang oranges dahil ang sobrang acidity nito ay maaaring magdulot ng heartburn.
6. Uminom ng tubig
Ang pinakasimpleng paraan upang maiwasan ang indigestion ay ang pag-inom ng tubig habang kumakain. Mabigat sa tiyan ang tubig kaya madali kang mabubusog. Mabuti rin ito sa katawan kaya okay lang kung marami ang inumin.
Hindi madaling limitahan ang konsumo sa masasarap na pagkain tuwing Noche Buena at Media Noche. Pero kung ito’y iyong magagawa, napakaganda ng epekto nito sa kalusugan. Tandaan na ang kaunting sakripisyo ang siyang magdadala ng mas marami pang masasayang Pasko at Bagong Taon.
Sources:
-
https://www.organicfacts.net/home-remedies/home-remedies-for-dyspepsia.html
-
http://www.webmd.com/digestive-disorders/tc/dyspepsia-topic-overview
-
http://www.deliciousobsessions.com/2013/11/5-tips-prevent-holiday-heartburn-indigestion/
-
http://www.cancerfightersthrive.com/9-tips-avoid-holiday-induced-digestive-distress/
-
http://www.everydayhealth.com/digestion-photos/foods-to-avoid-during-digestive-problems.aspx#04
-
http://www.webmd.com/heartburn-gerd/features/top-10-heartburn-foods