Gabay tungkol sa Osteoarthritis: Mahalagang Impormasyon at Payo na Dapat Malaman

September 15, 2023

Sa ating kalusugan, hindi maiiwasang harapin ang mga pagbabago na dala ng pagtanda. Isa sa mga hamon na ito ay ang Osteoarthritis (OA), isang kondisyon sa mga kasukasuan na maaaring magdulot ng kirot, pamamaga, at hirap sa pagkilos. Ang Osteoarthritis ay hindi lamang nagiging sanhi ng pisikal na karamdaman, ngunit maaari rin itong makaapekto sa kalidad ng buhay ng isang tao.

 

Ano nga ba ang Osteoarthritis?

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-holding-onto-sore-knee-2033559563

Ang Osteoarthritis ay isang uri ng rayuma na karaniwang nakakaapekto sa joints sa kamay, tuhod at balakang. Ito'y itinuturing na pinakakaraniwang anyo ng rayuma, kung saan ang cartilage, isang espesyal na uri ng tisyu na nagtataglay ng kushon o proteksyon, ay unti-unting nasisira o napupunit. Sa paglipas ng panahon, ang pagkasira ng cartilage ay nagiging sanhi ng pananakit ng kasukasuan at hirap sa paggalaw ng mga apektadong bahagi ng katawan. (1,2).

 

Ano ang mga sanhi at risk factors ng Osteoarthritis? (3)        

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-elderly-disability-woman-patient-holding-2279345877

Ang Osteoarthritis ay maaaring magkaroon ng iba't ibang sanhi. Ang pangunahing dahilan nito ay ang pagkasira o pagkapunit ng cartilage sa pagitan ng mga kasukasuan. Maaari itong mangyari dahil sa:

  • Pagkakaroon ng Injury: Mga pinsala sa mga kasukasuan na dulot ng sports  o aksidente
  • Pagtanda: Ang pagtanda ay nagpapataas ng panganib dahil sa natural na pagbabago sa mga kasukasuan sa paglipas ng panahon.
  • Kasarian: Mas madalas na na magkaroon ng-OA ang mga babae, lalo na sa edad na 50 pataas.
  • Sobrang Timbang: Ang sobrang timbang ay nagpapataas ng stress sa mga kasukasuan, na nagdaragdag sa panganib ng OA.
  • Genetics: Kung may mga kamag-anak sa pamilya na may OA, mas mataas ang tyansa ng pagkakaroon nito.

 

Ano ang mga sintomas ng Osteoarthritis? (1)

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-senior-woman-having-joint-pain-2106760907

Narito ang mga karaniwang sintomas ng OA:

  • Kirot o sakit sa mga apektadong bahagi ng katawan.
  • Pamamaga sa mga kasukasuan.
  • Hirap sa pagkilos ng mga apektadong joints.
  • Pagkakaroon ng limitasyon sa paggalaw dahil sa sakit o kirot.

Sa kabila ng mga sintomas na ito, maaari pa rin tayong magkaroon ng malusog na buhay sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga sa ating kalusugan at ang pangangasiwa sa mga sintomas ng OA. Makabubuting sumunod sa mga rekomendasyon ng mga doktor upang mapaganda ang kalidad ng buhay at mapanatili ang kalusugan ng ating mga kasukasuan.

 

Paano nalalaman kung mayroong OA?

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/orthopedic-doctor-surgeon-white-gown-examined-2312440399

Ang doktor ay maaaring magrequest ng X-ray at iba pang laboratory work-up. Pwede rin kumunsulta sa isang rheumatologist, isang ekspertong doktor sa arthritis, para sa pagdiagnose at paggamot sa arthritis

Kadalasan, ang mga doktor ay maaaring magdiagnose ng osteoarthritis sa pamamagitan ng pagkuha ng medical history, pagsusuri ng mga sintomas at physical examination ng mga kasukasuan. Maaaring makatulong ang mga X-ray upang tiyakin na walang ibang sanhi ng sakit. Hindi karaniwang kinakailangan ang magnetic resonance imaging (MRI), maliban kung may mga kakaibang sitwasyon o sa mga pagkakataon kung saan nais icheck ang pagkakaroon ng punit sa cartilage o ligament. Wala ring mga pagsusuri sa dugo na maaaring magdiagnose ng osteoarthritis. Kung ang isang kasukasuan ay sobrang namamaga, maaari ring magsagawa ang doctor ng arthrocentesis o pag-aspirate ng fluid sa kasukasuan. Ito ay makakatulong sa pagsusuri at pag-alam kung iba pang klase ng arthritis ang sanhi, tulad ng gout. (4)

 

Simple at Madaling Pamamaraan ng Pangangalaga kung mayroong Osteoarthritis (3)

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/happy-asian-senior-couple-running-exercising-1572362428

Para mas mapadali ang iyong pang-unawa sa OA, narito ang mga simpleng hakbang na maaari mong gawin:

  1. Mag-ehersisyo nang Tama. Huwag matakot sa pag-eehersisyo. Ang tamang klase ng ehersisyo, tulad ng paglalakad o paglangoy, ay makakatulong sa iyong mga kasukasuan na maging mas malakas. Pero huwag sobrahan; pakinggan ang iyong katawan at huwag pilitin ang iyong sarili kung sumakit na.
  2. Magbawas ng Timbang. Kung sobra ka sa timbang, magandang simulan ang pagbabawas ng timbang. Kapag mas mababa ang timbang, mas kaunti ang stress sa iyong mga kasukasuan, kaya't mas maiiwasan ang kirot.
  3. Mag-ingat sa pag-kilos. Ingatan ang kasukasuan. Iwasan ang mga kilos na maaaring magdulot ng sobrang stress sa iyong mga kasukasuan. Mag-ingat sa mga gawaing mabigat o pabigla-bigla.
  4. Healthy Diet. Ang tamang pagkain ay makakatulong sa iyong katawan na mapanatili ang kalusugan. Kumain ng mga pagkain na mayaman sa bitamina at mineral para sa iyong mga kasukasuan.
  5. Kumunsulta sa Doktor. Kapag nararamdaman mo ang mga sintomas ng OA, huwag mag-atubiling kumonsulta sa doktor. Sila ang makakapagbigay ng tamang payo at gamot para sa iyong kondisyon.
  6. Magpahinga. Huwag kalimutang magpahinga. Ang sapat na tulog at pahinga ay makakatulong sa pagpapalakas ng katawan at pagbabawas ng stress sa mga kasukasuan.
  7. Iwasan ang Paninigarilyo at Alak: Ang paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak ay maaaring makasama sa iyong kalusugan at lalong makapagpalala sa mga sintomas ng OA.

Sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang na nabanggit, maaaring mabawasan ang mga sintomas ng Osteoarthritis at mapanatili ang kalusugan ng iyong mga kasukasuan. Mahalaga na may sapat na kaalaman ukol sa iyong kalagayan at malaman ang tamang  paggamot. Sa pag-aalaga ng mga kasukasuan, binibigyan mo rin ng halaga ang mas matiwasay na pamumuhay at mas magandang kalidad ng buhay.

 

References:

  1. Centers for Disease Control and Prevention. (2020, August 4). Osteoarthritis (OA) | Arthritis | CDC. Www.cdc.gov. https://www.cdc.gov/arthritis/basics/osteoarthritis.htm#:~:text=Osteoarthritis%20(OA)%20is%20the%20most
  2. Mayo Clinic. (2021, June 16). Osteoarthritis - Symptoms and causes. Mayo Clinic. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/osteoarthritis/symptoms-causes/syc-20351925
  3. Arthritis Foundation. (2022). Osteoarthritis. Arthritis Foundation. https://www.arthritis.org/diseases/osteoarthritis
  4. Cleveland Clinic. (2019, November 26). Osteoarthritis. Cleveland Clinic. https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/5599-osteoarthritis