Photo from Pixabay
Tuwing nagkakasakit, karamihan sa atin ay sinusubukang pagalingin ang sarili gamit ang sari-saring lunas. Andyan ang paracetamol para sa lagnat at sakit ng ulo, mefenamic acid para sa sakit ng katawan, at ambroxol para sa ubot at sipon. Kung minsan, ang inaaakalang pangkaraniwang sakit ay sintomas ng mas malubhang karamdaman. Dito papasok ang importansya ng pagkokonsulta sa doktor, na nagreresulta sa tamang management ng sakit.
Lubos ang kaalaman ng mga doktor sa larangan ng medisina at marami silang makabagong kagamitan upang mapagaling o makontrol ang iba’t-ibang chief complaint ng mga pasyente. Bukod dito, kaya nilang alamin kung nararapat sa iyong pangangatawan ang iyong diet at programang pang-ehersisyo. Kaya ngayong National Hospital Week, huwag mag-alinlangang kumonsulta sa iyong doktor. Narito ang ilang rason kung bakit importante ito.
Makikita ng doktor kung mayroon kang sakit
Maraming karamdaman ang hindi madaling mapansin, at ilan sa mga ito ay nakamamatay kung hindi agad maagapan, tulad ng stroke, kanser, at diabetes. Marami sa mga sintomas ng mga nasabing sakit ay maaaring hindi maramdaman o napagkakamalang pangkaraniwang karamdaman. Gamit ang kaalaman at physical examination sa ospital, makikita ng iyong doktor kung ikaw ay may sakit kahit na hindi masama ang iyong pakiramdam.
Upang makaiwas sa sakit o makita kung mayroong karamdaman, mainam ang pagkonsulta sa doktor nang isang beses kada dalawa o tatlong taon. Kung ikaw ay asa edad 35 – pataas, maiging magpa-annual check-up o pagkonsulta nang isang beses kada taon.
Pagkakaroon ng medical record
Photo from Pixabay
Bukod sa wastong gamot at payo, gagawan ka ng medical record kapag ikaw ay magpatingin sa ospital o health center. Nilalaman ng record ang iyong medical history, family medical history, mga allergy, at general information. Mas mabilis na makikita ng doktor kung ano ang iyong sakit, kung may nanumbalik na karamdaman. Mas mabilis din ang pagpapagamot dahil, base sa iyong personal history, malalaman ng doktor ang pinakaangkop na gamot na hindi magdudulot ng allergy.
Wastong diagnosis at gamot
Karamihan sa atin ay sinusubukan pagalingin ang sarili kapag mayroong sakit, at kadalasan ito ay gumagana sa mga pangkaraniwang karamdaman. Gayunman, walang lubos na katiyakan kung ang simpleng lagnat o pagsama ng pakiramdam ay hindi sanhi ng mas malubhang sakit.
Kapag nagpatingin sa doktor, ikaw ay mabibigyan ng tamang diagnosis. Mabibigyan ka rin ng reseta ng wastong gamot at maaari ka ring sumailalim sa angkop na medical procedure kung kinakailangan. Pagkatapos magpatingin, papayuhan ka ng doktor kung paano gagaling sa mabilis na panahon at kung paano makakaiwas sa sakit.
Tamang payo sa ehersisyo at pagda-diet
Photo from Pixabay
Maraming sumisikat na workout at diet sa kasalukuyan,na tinatangkilik ng karamihan. Ang ilan dito ay epektibo, ngunit maaaring hindi angkop ang mga ito sa iyong kondisyon at pangangatawan. Kapag kinonsulta ang doktor, kanyang sasabihin kung anong mga klase ng ehersisyo at diet ang makakabuti para sa iyo, saklaw ang iyong history at kondisyon kung ikaw ay mayroong sakit o injury.
Pagkakaroon ng magandang relasyon sa iyong doktor
Ang pagkakaroon ng magandang relasyon sa iyong doktor ay maraming benepisyo. Kapag siya ay naging malapit sa iyo at iyong pamilya, mas pagsisikapan niyang hanapan ng lunas ang iyong sakit. Maaari ka ring makakuha ng mga libreng payo kapag nakasalubong mo siya sa iyong pang-araw-araw na gawain. Kapag magpapagamot, mararamdaman mo ang malasakit, na siyang papawi sa iyong kaba kung magpapa-opera o sasabak sa isang sensitibong procedure. Matatandaan din niya ang iyong medical history kaya bibilis ang proseso ng paggamot.
Ang mga doktor ay ilang taong nagsanay sa larangan ng medisina, at ang kanilang pagkadalubhasa ay makakatulong sa atin nang lubos. Ugaliing bumisita sa ospital kapag may naramdamang kakaiba o kung hindi sigurado sa iinuming gamot. Malaki ang benepisyo ng doktor sa iyong kalusugan at kapakanan ng iyong pamilya.