Ang diabetes ay hindi lamang namamana at nakukuha nang dahil sa obesity o pagkakaroon ng labis na timbang. Maraming mga bagay na nakaugalian na sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ang sanhi rin nito, tulad ng ilang unhealthy habits at mga pagkaing masyadong mayaman sa asukal.
Upang maka-iwas sa sakit at mga sintomas ng diabetes, kailangang magkaroon ng healthy diet at lifestyle. Kailangan ding maging maalaga sa kalusugan. Narito ang ilang gawain at pagkain na dapat iwasan o baguhin.
Paglaktaw sa almusal
Kadalasan, tayo ay nagmamadali tuwing umaga kung kaya hindi na tayo nag-aabalang kumain ng agahan. Nagkataon na ito ang pinaka-importanteng meal sa isang araw, lalo na kung nais mong makaiwas sa diabetes. Kung ipagpapaliban ang gutom hanggang sa tanghalian, nagkakaroon ng disruption sa insulin levels at blood sugar control. Dahil dito, lalakas ang iyong konsumo ng asukal, na maaaring magdulot ng metabolic syndrome o mga kondisyon na nagiging sanhi ng diabetes.
Laging maglaan ng oras para makapag-almusal. Kahit simpleng meals lamang, tulad ng itlog, prutas, yogurt, o tinapay, ay sapat na basta tama ang balanse ng mga sustansya. Bukod sa pag-iwas sa nasabing sakit, bibigyan ka nito ng sapat na enerhiya para sa iyong pang-araw-araw na gawain.
Pagpupuyat
Marami sa atin ang mas aktibo tuwing gabi, marahil dahil sa trabaho o sa tinatawag na biological clock. Mas madaling magkaroon ng diabetes ang mga taong gising sa gabi, kahit na sila’y nakakatulog pa rin nang 8 oras sa umaga.
Dahil mas exposed ang mga nagpupuyat sa artificial light na nagmumula sa mga computers, cellphones, at telebisyon, maaaring bumaba ang kanilang insulin sensitivity at blood sugar regulation. Ito ay tumutuloy sa pagkonsumo ng mas maraming asukal, na maaaring maging sanhi ng metabolic syndrome.
Pagkain tuwing hatinggabi
Kung kakausapin ang iyong cardiologist, isa sa mga una niyang sasabihin ay ang pag-iwas sa konsumo ng pagkain bago matulog. Ito ay nakakaapekto sa pagtaas ng blood sugar level at nakakasira sa insulin secretion. Kung hindi maiiwasang kumain, subukang iwasan ang pagkonsumo sa chichirya at labis na pagkain. Maliban sa pagkakaroon ng diabetes, ikaw rin ay tataba.
Sa halip na chichirya ay kumain na lamang ng masustansyang pagkain gaya ng gulay at prutas, na mga simpleng gamot sa diabetes.
Sobra sa konsumo ng starch
Photo from Pixabay
Ang mga pagkain gaya ng pasta, patatas, white rice, at puting tinapay ay nakakadagdag ng blood sugar at mga pulgada sa iyong bewang. Upang maiwasan ito, palitan ng wheat or whole-grain bread dahil mas nakakabuti ito sa sugar balance ng katawan, pag-control ng diabetes, at pag-iwas sa obesity. Sa madaling salita, maganda silang kapares ng mga gamot sa diabetes.
Hindi pag-inom ng kape
Ang pagkonsumo ng kape ay nakabubuti para sa taong gustong makaiwas laban sa diabetes. May ilang sangkap ang kape na nakakapagpababa ng insulin resistance, na siya namang nakakapagpabuti ng glucose metabolism. Dahil dito, mainam din na isali sa diet ang kape. Huwag lang sosobrahan ang konsumo.
Paggamit ng plastik sa microwave
Hindi mabuti sa kalusugan ang paggamit ng mga take-out o reusable na lalagyan, lalong-lalo na kung ito ay gagamitin sa microwave. Naglalaman ang mga plastic containers ng mga delikadong kemikal na nakakaapekto sa pagtaas ng insulin resistance at pati na rin sa pagtaas ng blood pressure.
Kung may iinitin mang pagkain gamit ang microwave, gumamit ng mga babasaging lalagyan.
Pag-grocery shopping ng walang listahan
Photo from Pixabay
Tuwing namimili sa mga supermarket, mas maigi kung mayroong nakahandang listahan upang maiwasan ang pagbili sa mga hindi kinakailangang mga pagkain. Sa paraang ito, mas mapaplano nang maigi ang mga kakainin. Iwasan din ang pagbili ng maraming junk food, dahil sanhi ang mga ito ng obesity at metabolic syndrome. Ugaliin na mamili ng maraming bagay sa “Produce section” upang makaiwas hindi lang sa diabetes, pati na rin sa iba pang malulubhang karamdaman.
Maraming nag-aakala na ang mga nabanggit na gawain at pagkain ay hindi sanhi ng diabetes. Dahil dito, mahalagang alamin ang mga unhealthy habits upang maiwasan ang nasabing sakit. Makabubuti kung ibabahagi mo ito sa iyong mga mahal sa buhay upang ang lahat ay mamuhay nang malusog at masaya.
Sources:
http://www.rd.com/health/conditions/habits-cause-diabetes/
http://www.everydayhealth.com/type-2-diabetes/bad-habits-that-raise-your-diabetes-risk/
http://www.healthcarewell.com/6-unhealthy-daily-habits-that-leads-to-diabetes/
http://www.boldsky.com/health/diabetes/2013/eating-habits-that-cause-diabetes/skipping-breakfast-pf27190-036806.html