Ano ang Osteoporosis?
Ang osteoporosis ay isang sakit sa buto kung saan ang mga buto ay nagiging mahina at marupok. Kakulangan sa calcium at Vitamin D ang ilan sa mga sanhi nito, pati ang pagkakaroon ng fracture o pagbali ng buto . Osteopenia naman ang tawag sa pagiging marupok ng mga buto, ngunit hindi ito kasing lala ng osteoporosis.
Lahat ay pwedeng magkaroon ng osteoporosis – babae man o lalaki, bata man o matanda. Pero mas pangkaraniwang sakit ito ng mga babae, lalo na iyong mga nasa menopausal stage o paghinto ng buwanang regla.
Mga Sintomas ng Osteoporosis
Hindi agad nararamdaman ang mga sintomas ng osteoporosis, lalo na sa mga unang taon ng pagkakaroon nito o habang ito’y osteopenia pa lamang. Karamihan ng mayroong osteoporosis ay nababalian muna ng buto bago nila malaman na sila pala ay may ganitong karamdaman. Kadalasang naaapektuhan ang mga buto ng pulsong bahagi ng braso, balakang at likod o spinal column.
Kapag ang mga buto ay marupok na, maaaring maramdaman ang mga sumusunod:
- Pananakit ng likod
- Pagbaba ng tangkad
- Pagkakuba ng likod o stooped posture
- Madalas at hindi inaasahang pagkabali ng mga buto
Mga Sanhi ng Osteoporosis
Kailangan ang calcium sa pagbuo ng mga bone tissue. Ang Vitamin D ay mahalaga rin sa pag-absorb ng calcium. Ang kakulangan sa dalawa ay ang pangunahing sanhi ng osteoporosis. Bukod dito, may iba pang sanhi ang pagkakaroon ng marupok na buto:
- Pagbaba ng estrogen (sa mga babae) at ng testosterone (sa mga lalaki) dulot ng pagtanda
- Matagal na pagkakaratay sa higaan dahil sa ibang karamdaman tulad ng stroke
- Pag-inom ng mga partikular na gamot, gaya ng steroids, anti-epilepsy at iba pa
Samantala, ang mga sumusunod ay mas madaling magkaroon ng osteoporosis:
- Kababaihan
- Lahing Caucasian at Asian
- May maliit na pangangatawan
- May kapamilyang mayroong osteoporosis
- Malakas uminom ng alak at manigarilyo
- May sakit sa thyroid
- May anorexia nervosa o kawalan ng gana kumain
- May minanang sakit sa buto
Paano Matutuklasan Kung Ikaw Ay May Osteoporosis?
Madalas natutuklasan ang osteoporosis kapag ang mga marupok na buto ay tuluyan nang nabali. Upang masuri ang bone density, isinasagawa ang dual energy X-ray absorptiometry (DEXA) scan. Ito ay mabilis, ligtas, at hindi masakit.. Maaari ring gamitin ang DEXA scan upang matuklasan kung ikaw ay mayroong osteopenia.
Ginagamit naman ang X-ray upang matuklasan kung may bali ang iyong buto, ngunit hindi ito sapat para masukat ang bone density.
Mga Gamot at Lunas sa Osteoporosis
Ang layunin sa paggamot ng osteoporosis ay ang pagpapataas ng bone density upang maiwasan ang pagkabali ng buto. Maaring mabigyang lunas ang karamdaman kung may:
- Regular na ehersisyo
- Pagtigil ng paninigarilyo at malakas na konsumo ng alcohol
- Sapat at tamang nutrisyon
- Mga calcium supplement na mula sa mga masusustansyang pagkain, tulad ng fresh milk o gatas, keso, at yogurt, mga berde at madahong gulay, sardinas at de-latang salmon
- Vitamin D na nakukuha sa sikat ng araw
- Biphosphonates (kadalasang ginagamit kapag ang babae ay nasa menopause)
- Calcitonin
- Denosumab
- Raloxifene
- Zoledronate
Ang pag-eehersisyo ay mahalaga para manumbalik ang bone density, lalo na sa mga nakatatanda. Subalit, kailangang maging maingat sa mga ehersisyong gagawin para hindi mabali ang mga buto. Maaaring gawin ang mga sumusunod:
- Weight-bearing exercises, gaya ng paglalakad at mabagal na pagtakbo o jogging
- Tai chi
- Yoga
Kapag hindi naagapan ang osteoporosis, maaaring mapunta ang kondisyong ito sa tinatawag na osteonecrosis o ang pagkamatay ng mga bone tissues.
Paano Maiiwasan ang Osteoporosis?
Siguraduhing mayroong sapat na calcium at Vitamin D upang mapanatiling malakas ang mga buto at nang makaiwas sa osteopenia, osteoporosis, at iba pang mga sakit sa buto. Ang pagpapaaraw at pagkain nang wasto ay makatutulong. Magkaroon din ng sapat na ehersisyo at iwasan ang paninigarilyo at ang malakas na pag-inom ng alak.
Mainam na magpatingin sa inyong doktor upang mabigyan ng tamang lunas kung kayo ay may osteoporosis.