Signs of Cervical Cancer | RiteMED

Signs of Cervical Cancer

May 6, 2022

Signs of Cervical Cancer

Ang kanser ay isang sakit kung saan nagkakaroon ng hindi mapigilang pagdami ng mga cells sa katawan. Ito ay pinapapangalanan base sa parte ng katawan kung saan ito nagsimula, kahit kumalat pa ito sa ibang organ. Kapag nagsisimula ang kanser sa kwelyo ng matres, tinatawag itong cervical cancer. Ang cervix ang nagkokonekta sa vagina sa taas na parte ng sinapupunan o matres.

 

Paano nagkakaroon ng cervical cancer?

 

Lahat ng babae ay nanganganib magkaroon ng cervical cancer. Kadalasan itong nakikita sa mga babaeng edad 30 pataas. Ang pangmatagalang impeksyon dulot ng ilang klase ng human papillomavirus (HPV) ang pangunahing sanhi ng cervical cancer. Ang HPV ay isang karaniwang virus na napapasa ng mga tao sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Maraming klase ng HPV. May ilang klase na nagdudulot ng mga pagbabago sa kwelyo ng matres ng babae na maaaring maging kanser habang tumatagal. May ilang klase naman na nagiging sanhi ng kulugo sa ari. Kadalasan, walang sintomas na nararanasan ang mga taong nahawaan ng HPV. Sa maraming babae, kusang nawawala ang HPV; ngunit, kung hindi ito gumaling ng kusa, maaari itong maging kanser. Halos kalahati ng mga taong sexually active ang magkakaroon ng HPV sa isang punto ng kanilang buhay, ngunit mas kaunti ang mga babae na maaaring magkaroon ng cervical cancer.

 

May ilang mga gawain na nagpapataas ng tyansa na magkaroon ng cervical cancer ang isang babae:

 

-Pagkakaroon ng human immunodeficiency virus (HIV) o iba pang kondisyon na nagpapahina ng resistensya, na nagpapahirap sa katawan na labanan ang sakit

-Paninigarilyo

-Paggamit ng birth control pills ng ilang taon (lima o mas madami pa)

-Panganganak ng tatlo o higit pa na beses

-Pagkakaroon ng maraming sexual partners

 

Ano ang mga sintomas ng cervical cancer?

 

Sa simula, maaaring walang mga sintomas at senyales ang cervical cancer. Kapag malubha na, maaaring makaranas ng pagdurugo o discharge mula sa pwerta na hindi normal, tulad ng pagdurugo matapos makipagtalik. Kung nakakaranas ng ganitong sintomas, agad magpatingin sa isang gynecologist. Maaaring hindi kanser ang dahilan ng sintomas, ngunit ang tanging paraan upang makasigurado ay ang pagpapakonsulta sa doktor.

 

Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng cervical cancer?

 

Ilan sa paraan upang maiwasan ang cervical cancer ay ang pagsasailalim sa screening test at pagkakaroon ng bakuna laban sa HPV. Kapag nadetect nang maaga ang cervical cancer, madali itong magagamot at nauugnay sa mahaba at magandang kalidad ng buhay.

 

Ang HPV vaccine ay proteksyon laban sa uri ng HPV na sanhi ng mga kanser. Ito ay inirerekomenda sa mga batang edad 11 hanggang 12 na taon, ngunit maaari nang ibigay simula 9 na taong gulang. Maaari itong ibigay hanggang edad 26 na taon, kung hindi pa nababakunahan. Gayunpaman, para sa mga edad 27 hanggang 45 na taon na hindi pa nababakunahan, maaari pa ring silang magpabukana kung ipapayo ng doktor na mas matimbang ang benepisyo ng bakuna laban sa mga posibleng panganib nito. Sa edad na ito, maaaring mas kakaunti na ang benepisyo ng bakuna dahil madami sa mga nakatatanda ay naexpose na sa HPV.

 

Ang bakuna laban sa HPV ay nagbibigay proteksyon laban sa panibagong impeksyon, ngunit hindi nito magagamot ang umiiral na sakit. Ito ang dahilan kung bakit pinakamainam na ibigay ang bakuna bago pa lamang magkaroon ng exposure sa HPV. Kasabay ng pagpapabakuna, mahalaga rin ang pagkakaroon ng regular na screening test para sa cervical cancer.

May dalawang uri ng screening test para sa cervical cancer.

 

Ang Pap smear ay isinasagawa upang maghanap ng precancer o mga pagbabago sa cells ng kwelyo ng matres na maaaring maging cervical cancer kung hindi maagapan. Ang HPV test naman ay para mahanap ang virus na nagdudulot ng mga pagbabago sa cells ng cervix. Ang dalawang test na ito ay ginagawa sa klinika ng doktor. Nagpapasok ng metal na instrumento na tinatawag na speculum sa vagina upang maeksamin ang kwelyo ng matres. Gumagamit ng cotton swab upang makakuha ng cells na ipapadala sa laboratoryo.

Ang rekomendasyon kung kailan dapat sumailalim sa screening test ay nakabatay sa edad ng babae.

 

  1. Edad 21 hanggang 29 na taon

Mainam magpakuha ng Pap smear sa edad na 21 taong gulang. Kung normal ang resulta ng eksaminasyon, maaaring payuhan ng doktor na maghintay ng tatlong taon para sa susunod na Pap smear test.

 

  1. Edad 30 hanggang 65 na taon

 

Makipag-ugnayan sa doktor upang malaman kung ano ang tamang test para sa inyo:

 

-Pap test lamang. Kung normal ang resulta ng eksaminasyon, maaaring payuhan ng doktor na maghintay ng tatlong taon para sa susunod na Pap smear test.

-HPV test lamang. Ito ay tinatawag na primary HPV testing. Kung normal ang resulta ng eksaminasyon, maaaring payuhan ng doktor na maghintay ng limang taon para sa susunod na screening test.

-HPV at Pap test. Ito ay tinatawag na co-testing. Kung normal ang resulta ng parehong eksaminasyon, maaaring payuhan ng doktor na maghintay ng limang taon para sa susunod na screening test.

 

  1. Edad 65 na taon pataas

 

Maaaring ipayo ng doktor na hindi na kailangan ang screening test kung:

 

-Normal ang resulta ng mga screening test noong mga nagdaang taon, o

-Pinatanggal ang cervix bilang  parte ng operasyon sa matres para sa mga kondisyong hindi kaugnay ng kanser

 

Ang pinakamahalagang paraan upang maiwasan ang cervical cancer ay ang pagpapabakuna nang maaga at pagkakaroon ng regular screening test.

 

Cervical Cancer Awareness Month

 

Ang buwan ng Mayo ay idineklara bilang Cervical Cancer Awareness Month sa Pilipinas.

 

Kung may mga katanungan tungkol sa cervical cancer o kung nais magpakonsulta sa isang espesyalista, maaaring makipag-ugnayan sa mga gynecologist mula sa Philippine Obstetrical and Gynecological Society (POGS).

 

Website: https://pogsinc.org

Address: POGS Building, No. 56 Malakas Street, Diliman, Quezon City

Phone: (632) 89212479; 89219420; 73415341; 89220195

Fax: (632) 89219089

Email: [email protected]

 

References:

 

https://www.cdc.gov/cancer/cervical/basic_info/index.htm

https://pogsinc.org/cervical-cancer-awareness-month/



What do you think of this article?