Ang pagiging underweight o kulang sa timbang ay maaaring magdulot ng kasing daming problema sa kalusugan na naidudulot ng pagiging overweight. Kung ang isang tao ay kulang sa timbang, ang kanilang katawan ay maaaring hindi nakakakuha ng sapat na nutrisyon upang gumawa ng malusog na buto, balat at buhok.
Habang ang ibang tao ay mayroong namamanang kundisyon o medikal na karamdaman na pumipigil sa kanila na magdagdag ng timbang, may mga maaaring ibigay na rekomendasyon ang doktor upang makatulong sa pagkakaroon ng normal na timbang.
Kailan Nagiging Underweight ang Isang Tao?
Ayon sa rekomendasyon ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), mainam na kalkulahin ang body mass index (BMI) upang malaman kung ang isang tao ay underweight, nasa tamang timbang, o overweight. Magandang panukat ang BMI dahil kinukumpara nito ang bigat ng isang tao sa kanyang tangkad. Maaaring gamitin ang calculator na makikita sa website ng CDC upang malaman ang BMI. Narito ang interpretasyon ng resulta ng BMI:
-Underweight: 18.5 pababa
-Normal: 18.5 hanggang 24.9
-Overweight: 25.0 hanggang 29.9
-Obese: 30 pataas
Maaaring may kaunting pagkakamali sa komputasyon ng BMI sa isang atletang may maraming muscle sa katawan. Ito ay dahil mas mabigat ang timbang ng muscle kaysa sa taba.
Senyales at Panganib ng Pagiging Underweight
Hindi lahat ng mga taong underweight ay nakakaranas ng sintomas ng pagkakaroon ng mababang timbang. Ngunit, ilan sa mga tao ay nakakaranas ng mga sumusunod na kundisyon buhat ng pagiging underweight:
-Osteoporosis. Dahil sa pagiging underweight, tumataas ang tyansa ng isang babae na magkaroon ng osteoporosis, o pagkakaroon ng mga buto na marupok at madaling mabali.
-Problema sa balat, buhok, o ngipin. Kung ang isang tao ay walang sapat na nutrisyon mula sa diyeta, maaari silang magpakita ng mga sintomas tulad ng pagnipis o paglalagas ng buhok, tuyong balat, at mga problema sa bibig.
-Pagiging masakitin. Kung kulang ang enerhiya na nakukuha sa diyeta upang mapanatili ang malusog na pangangatawan, maaaring kulang din ang nakukuha nilang sustansya upang labanan ang mga impeksyon. Dahil dito, maaaring mas madaling magkasakit ang mga taong underweight. Ang mga karaniwang karamdaman tulad ng sipon ay maaari ring mas matagal gumaling.
-Pagkapagod. Ang calories ay ang sukat ng enerhiya na ibinibigay ng pagkain sa isang tao. Kung kulang ang calories na nakokonsumo, mas madaling makaramdam ng pagod ang isang tao.
-Anemia. Mas malaki ang tyansa na ang isang taong underweight ay magkaroon ng mababang lebel ng blood cells o anemia. Ito ay nagdudulot ng pagkahilo, sakit ng ulo, at pagkapagod.
-Iregular na regla. Ang mga babae na underweight ay maaaring magkaroon ng irregular na regla, o mapapansin nila na hindi sila nagkakaroon ng regla. Sa mga teenager naman, maaaring magkaroon ng delay sa kanilang unang regla. Ang irregular o hindi pagreregla ay maaaring maging sanhi ng pagkabaog.
-Pagsilang ng sanggol na kulang sa buwan. Ang babaeng buntis na underweight ay may malaking tyansa na makaranas ng pre-term labor, o ang panganganak bago sumapit ang kabuwanan.
-Mabagal na paglaki. Ang mga bata ay nangangailangan ng sapat na sustansya upang lumaki at magkaroon ng matibay na mga buto. Dahil sa pagiging underweight at kakulangan sa calories, maaaring makaranas ng mabagal na paglaki ang isang tao.
Ayon sa isang pag-aaral, ang pagiging underweight ay nauugnay sa mas mataas na tyansa ng pagkamatay kumpara sa mga tao na may normal na BMI. Iminungkahi ng mga mananaliksik na ang pagiging underweight ay may negatibong epekto sa paggaling ng tao matapos ang aksidente o trauma kumpara sa taong may normal na BMI.
https://www.shutterstock.com/image-photo/my-plate-portion-control-guide-600674444
Paano Gawing Ligtas ang Pagdagdag ng Timbang
Kung ang kinaugalian pagdating sa pagkain ang sanhi ng kakulangan sa timbang, ang pagkakaroon ng balanseng diyeta na nagbibigay ng sapat na calories para sa edad, timbang, at kung gaano ka-aktibo ang isang tao, ay makakatulong upang makamit ang ninanais na timbang. Gawin ito sa paraan na dahan-dahan hanggang maabot ang normal na timbang.
Huwag umasa sa mga mataas na calorie na pagkain na maraming saturated fat at asukal – tulad ng tsokolate, cake, at matatamis na inumin – upang magdagdag ng timbang. Maaaring pataasin ng mga pagkain na ito ang taba sa katawan na maaaring pagmulan ng mataas na kolesterol sa dugo. Sa halip, gawing layunin na magkaroon ng regular na iskedyul ng pagkain na may paminsan-minsang merienda, at i-base ang diyeta sa gabay na ito:
-Kumain ng hindi bababa sa limang bahagi (sa food plate portion) ng iba’t ibang klase ng prutas at gulay araw-araw
-Ang mga patatas, tinapay, kanin, pasta o iba pang pagkain na maraming carbohydrates ang dapat na pangunahing pinagmumulan ng nutrisyon sa diyeta
-Uminom ng gatas o mga alternatibong produkto tulad ng soya at yogurt
-Kumain ng beans, isda, itlog, karne at iba pang pinanggagalingan ng protina. Gawing layunin na kumain ng dalawang bahagi ng isda kada-linggo – isa rito ay dapat mamantika, tulad ng salmon o mackerel.
-Pumili ng mga mantika at palaman na may unsaturated fat, tulad ng sunflower o grapeseed, ngunit limitahan ang pagkonsumo nito.
-Uminom ng maraming tubig. Inirerekomenda ang pag-inom ng anim hanggang walong baso ng tubig kada- araw. Ngunit, iwasang uminom bago kumain upang maiwasang mabusog agad.
Ang gabay na ito ay para sa kahit sino. Para sa mga taong nangangailangan ng gabay mula sa eksperto, maaaring makipag-ugnayan sa doktor o sa rehistradong nutritionist-dietician.
2022 Nutrition Month
Ang Nutrition Month ay ipinagdiriwang kada-Hulyo sa Pilipinas. Ngayong taong 2022, kakaiba ang tema ng kampanya dahil sa naging epekto ng pandemya sa nutrisyon. Ito ay pinamagatang “New normal na nutrisyon, sama-samang gawan ng solusyon!”. Layunin ng kampanya na ipaalala sa mga tao ang importansya ng nutrisyon sa pagpapanatili ng malusog na pangangatawan upang labanan ang mga sakit tulad ng COVID-19.
References:
https://www.medicalnewstoday.com/articles/321612
https://www.cdc.gov/healthyweight/assessing/bmi/adult_bmi/english_bmi_calculator/bmi_calculator.html
https://nnc.gov.ph/39-featured-articles/7366-2022-nutrition-month-theme-chosen