Paano Malalaman kung ang chest pain ay angina?

August 18, 2021

Ang sakit sa puso ang isa sa mga pinakanakakatakot na pwedeng maranasan ng tao. Maaari kasi itong angina, isang sintomas ng problema sa puso tulad ng coronary heart disease (CHD). Karaniwan itong nangyayari sapagkat ang isa o higit pa sa mga coronary artery ay makipot o nahaharangan.

 

Ang angina ay maaari ding isang sintomas ng coronary microvascular disease (MVD). Ito ang sakit sa puso na nakakaapekto sa pinakamaliit na coronary artery ng puso at mas makaapekto sa mga kababaihan kaysa sa mga lalaki. Ang Coronary MVD ay tinatawag ding cardiac syndrome X at non-obstructive CHD.

 

Depende sa uri ng angina, maraming mga kadahilanan na maaaring mag-trigger dito. Nag-iiba rin ang mga angina symptoms batay sa uri na mayroon ka. Paano nga ba malalaman kung ang sakit na nararamdaman ay angina? Alamin ang mga sintomas nito.

 

Angina Symptoms

 

Ang angina ay nagdudulot ng anuman sa mga sumusunod na sensasyon sa dibdib:

  • Pagpiga
  • Presyon
  • Kabigatan
  • Paghigpit
  • Burning o masakit na pakiramdam sa buong dibdib, karaniwang nagsisimula sa likod ng breastbone
  • Sakit na madalas kumalat sa leeg, panga, braso, balikat, lalamunan, likod, o ngipin

 

Ang iba pang mga posibleng angina symptoms ay:

  • Hindi pagkatunaw ng pagkain
  • Heartburn
  • Kahinaan
  • Pinagpapawisan
  • Pagduduwal
  • Cramping
  • Shortness of breath

 

Ang tagal ng mga angina symptoms na ito ay nakasalalay sa uri ng angina na mayroon ka. Ang sinumang nakakaranas ng matindi o paulit-ulit na sakit sa dibdib ay dapat tumawag sa emergency hotline at humingi ng emergency care. Ang mga sintomas na ito ay kailangang suriin kaagad ng isang doktor upang matukoy kung mayroon kang stable angina o unstable angina na maaaring magdulot ng atake sa puso kalaunan.

 

undefined

Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/unwell-condition-sickness-concept-asian-woman-1308006610

 

Ano ang mga uri ng angina?

 

Ang mga uri ng angina ay magkakaiba depende sa pinagbabatayang sanhi. Kasama sa mga karaniwang uri ang:

 

Stable angina: Ang ganitong uri ang pinakakaraniwan. Mayroon itong iisang pattern sa loob ng dalawang buwan o higit pa. Karamihan sa mga sintomas na dulot nito ay nangyayari dahil sa physical exertion o stress. Karaniwan mo ding mahuhulaan kung ano ang pwedeng mag-trigger sa ganitong uri ng angina. Kung mayroon ka nito, makakabuti na magpapahinga ka.

 

Unstable angina: Ang uri na ito ay dumarating nang walang babala, madalas kapag nagpapahinga ka. Blot clot sa isang ugat ang karaniwang sanhi nito. Ang unstable angina ay maaaring magpahiwatig ng isang atake sa puso.

 

Microvascular angina: Ang MVD, na nakakaapekto sa pinakamaliit na coronary artery ng dugo sa puso, ay madalas na sanhi ng microvascular angina. Maaari itong mangyari dahil sa araw-araw na mga gawain o sa oras na stress o pagod ka. Kung mayroon kang microvascular angina, karaniwang mas matagal ang sakit sa dibdib mo kumpara sa iba pang mga uri ng angina. Maaari kang magkaranas ng sakit sa loob ng 10 hanggang 30 minuto.

 

Variant (Prinzmetal) angina: Ito ang pinakabihirang uri ng angina kung saan 2 sa loob ng 100 lamang ang mayroon. Ang Prinzmetal angina ay dulot ng coronary spasms. Ang mga spasms at angina ay mas madalas na mangyari sa gabi at sumusunod ang iisang pattern. Ang paninigarilyo, malamig na panahon, ilang mga gamot, at stress ay maaaring maging sanhi ng spasms. Ang mga mas bata ay mas posibleng magkaroon ng ganitong uri ng angina.

 

Kailan dapat magpakonsulta sa doktor?

 

Kung ang sakit ng iyong dibdib ay tumatagal ng mas mahaba kaysa sa ilang minuto at hindi nawawala kapag nagpapahinga ka o uminom ng iyong mga gamot sa angina, maaaring ito ay isang palatandaan na ikaw ay inaatake sa puso. Tumawag agad ng tulong.

 

Kung ang pagsakit ng iyong dibdib ay isang bagong sintomas para sa iyo, mahalagang kumonsulta doktor upang malaman kung ano ang sanhi ng sakit ng iyong dibdib at makakuha ng wastong paggamot. Kung na-diagnose ka na may stable angina at lumala o nagbago ito, humingi kaagad ng medikal na atensyon. Kung iniisip ng iyong doktor na mayroon kang unstable angina o ang iyong angina ay nauugnay sa isang seryosong kondisyon sa puso, maaari nilang irekomenda ang mga sumusunod na pagsusuri:

  • EKG (Electrocardiogram)
  • Stress testing
  • Blood tests
  • Chest x-ray
  • Coronary Angiography at Cardiac Catheterization
  • Compute Tomography Angiography

 

Angina Treatment

 

Ang mga angina treatment na nakalista sa ibaba ay makakatulong na mabawasan ang sakit at kung gaano kadalas nangyayari ang angina. Sa pamamagitan ng paggamot sa kung ano man ang underlying cardiovascular condition na mayroon ka, bababaan din ng mga treatment na ito ang iyong risk na atakihin sa puso o mamatay. Maaaring magrekomenda ang isang doktor ng gamot, pagbabago sa lifestyle, pag-oopera, o kombinasyon ng alinman sa mga ito.

 

Ang mga sumusunod na estratehiya ay maaaring makatulong sa iyong angina:

  • Pagtigil sa paninigarilyo
  • Pagkontrol ng timbang
  • Regular na pagsusuri ang cholesterol level
  • Pagpapahinga kung kinakailangan
  • Regular na ehersisyo
  • Pag-aaral kung paano i-handle o maiwasan ang stress
  • Pagkakaroon ng diyeta na mayaman sa prutas, gulay, whole wheat, low-fat o walang taba na dairy products, at protina

 

Ang mga gamot upang ma-manage ang high blood pressure ay maaaring makatulong sa pagkontrol ng angina. Nilalayon nito na babaan ang blood pressure at cholesterol levels, pabagalin ang heart rate, i-relax ang mga daluyan ng dugo, bawasan ang strain sa puso, at maiwasan ang pagbuo ng blood clot. Ang iyong doktor ay maaaring magrereseta ng nitrates, tulad ng nitroglycerin, para sa angina. Pinipigilan o binabawasan ng mga nitrate ang tindi ng angina sa pamamagitan ng pagrerelaks at pagpapalawak ng mga daluyan ng dugo. Kabilang sa iba pang mga pagpipilian na gamot ay:

 

  • Beta-blockers
  • Calcium channel blockers
  • Angiotensin-converting enzyme inhibitors
  • Oral antiplatelet medications
  • Anticoagulants
  • Statins na nagpapababa ng kolesterol

 

Sa ilang mga kaso, kinakailangan ng isang surgery. Ang isang espesyalista sa puso ay maaaring magrekomenda ng isang angioplasty na maaaring may kasamang stent placement. Maaari ding magrekomenda ang cardiologist ng coronary artery bypass grafting, kung saan ang isang surgeon ay gagamit ng isang malusog na arterya o ugat mula sa ibang bahagi ng katawan upang i-bypass ang makitid na mga ugat sa puso.

 

Sources:

https://www.heart.org/en/health-topics/heart-attack/angina-chest-pain

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/angina/symptoms-causes/syc-20369373

https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/21489-angina

https://www.medicalnewstoday.com/articles/8886