Bakit Kailangang Agapan Agad ang Obesity?

July 22, 2022

Ang obesity ang isa sa pinakamalaking problemang pangkalusugan sa buong mundo.

 

Kaugnay nito ang ilang mga sakit tulad ng altapresyon, mataas na sugar at mataas na kolesterol, na kapag pinagsama-sama ay tinatawag na metabolic syndrome. Ang mga taong may metabolic syndrome ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng sakit sa puso at dyabetis, kumpara sa mga taong may normal na timbang.

Nitong mga nakaraang dekada, maraming pag-aaral ang nagawa na tumatalakay sa sanhi ng obesity at kung paano ito maiiwasan o magagamot.

Mga Panganib ng Obesity

 

Bukod sa paninigarilyo, marahil wala nang mas mapanganib pa sa epekto ng obesity sa kalusugan. Malalim at malawak ang epekto ng labis na timbang hindi lang sa kalusugan, kundi pati sa komunidad, mga bansa at sa mga indibidwal na nabubuhay ngayon at sa mga darating na henerasyon.

 

Ang obesity ay nakakapinsala sa halos lahat ng aspeto ng kalusugan, mula sa pagpapaikli ng buhay at pagdudulot ng mga pangmatagalang sakit hanggang sa pagiging sagabal sa pakikipagtalik, paghinga, kalagayan ng pag-iisip, at pakikipagkapwa-tao. Tulad ng paninigarilyo, ang obesity ay iniuugnay sa mga kundisyon tulad ng sakit sa puso, stroke, dyabetis, altapresyon, mataas na kolesterol, hika, sleep apnea, bato sa apdo, bato sa bato, pagkabaog, at sa ilang kanser tulad ng leukemia, kanser sa suso at bituka.

 

Maliwanag na may krisis sa buong mundo dulot ng obesity. Ang pagkatanto nito ay dapat maging hudyat upang kumilos laban sa obesity, dahil may magandang balita sa gitna ng masama: ang obesity ay maiiwasan. Maaaring maitama ang mga kasanayan na nagdudulot ng epidemya ng obesity sa pamamagitan ng pagbabago sa mga pampublikong patakaran at kinagawian, upang maging madaling piliin ng lahat ang masustansyang pagkain at aktibidad.

 

Ang obesity ay hindi isang permanenteng kundisyon. Ang pagdidiyeta, pageehersisyo, pag-inom ng gamot at kahit ang pagpapa-opera ay ilan sa mga paraan upang magbawas ng timbang. Gayunpaman, mas mahirap magbawas ng timbang kaysa magdagdag nito. Ang pag-iwas sa mabigat na timbang, mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda, ay may maidudulot na malaking benepisyo sa indibidwal at sa pampublikong kalusugan, makakabawas ng paghihirap, at makakapag-ipon ng bilyong dolyar kada-taon mula sa mga gastos sa pagpapagamot.

 

Mga Sanhi ng Obesity

 

Ang dahilan ng obesity ay naiiba bawa’t tao.

Ang pinakasimpleng paliwanag ay, ang obesity ay resulta ng pagkain ng mas marami sa pangangailangan ng katawan. Ang labis na calories ay iniimbak ng katawan bilang taba, at habang tumatagal, nadadagdagan ang timbang. Sa pagkain ng mas kaunting calories sa ginagamit ng katawan, nababawasan ang timbang. Ngunit, hindi ganito kasimple ang obesity dahil may ibang mga salik pa na dapat pagtuunan ng pansin. Anu-ano ang mga ito?

  1. Genetics

Ang mga salik na namamana sa pamilya ay may kontribusyon sa pagkakaroon ng obesity. Ang mga anak ng mga magulang na obese ay may  mas mataas na tyansa na magkaroon ng obesity. Ngunit, hindi lamang ito ang natatanging dahilan ng obesity, dahil ang mga genes na sanhi ng pagbigat ng timbang ay nakikipagtulungan lamang sa iba pang salik tulad ng pagkain ng hindi masustansyang pagkain at kakulangan sa ehersisyo.

  1. Impluwensya habang nasa sinapupunan ng ina at habang sanggol

Mahalaga ang mga impluwensya mula sa kapaligiran simula sa maagang yugto ng buhay ng tao. Ang mga nanay na naninigarilyo o mabigat ang timbang habang buntis ay may mas malaking tyansa na magkaroon ng anak na magiging obese pagtanda nito. Ang mabilis na pagtaba habang sanggol ay isa ring maaaring maging dahilan ng obesity sa pagtanda, habang ang pagpapasuso ng ina ay nagpoprotekta naman laban sa obesity.

  1. Pagkain ng hindi masustansyang pagkain

Ang tipikal na Western diet ay binubuo ng madalas na pagkain ng maraming refined grains, red meat, hindi malusog na taba at matatamis na inumin. Isa ito sa mga pinakaimportanteng dahilan ng pagkakaroon ng obesity. Ang pag-iwas sa pagkain ng mga ito ay nakakatulong sa pagkontrol ng timbang at nakakatulong sa pag-iwas sa mga sakit na kaakibat ng obesity.

  1. Labis na panonood ng telebisyon at kakulangan sa ehersisyo at tulog

Ang matagal na panonood ng telebisyon ay isang mahalagang salik sa pagkakaroon ng obesity, bahagi na rin ng epekto ng mga napapanood na patalastas na nakakaimpluwensiya sa kinakain at iniinom ng mga tagapanood. Ang regular na ehersisyo naman ay proteksyon laban sa labis na pagbigat ng timbang. Ang pagpupuyat – isang katangian na makikita sa Western na pamumuhay – ay isa rin umuusbong na sanhi ng obesity.

  1. Kapaligaran - Pagkain at Ehersisyo

Mahalaga ang mga pinagpipilian pagdating sa kalusugan. Ang pisikal at sosyal na kapaligiran kung saan naninirahan ang mga tao ay may malaking epekto sa pagkain at aktibidad na kanilang pipiliin. Sa kasamang palad, ang kapaligiran natin ay puno ng mga bagay na hindi maganda sa ating kalusugan. Napakaraming tinitindang junk food at soft drinks sa eskwelahan, sa trabaho at sa mga convenience store, at kulang sa ligtas na lugar para mag-ehersisyo.

Ang obesity at mga sanhi nito, sa maraming paraan, ay naging parte na ng ating lipunan. Upang mapagtagumpayan natin ito, hindi lamang nakasalalay sa mga indibidwal ang pagbabago, kundi na rin sa mga polisiya at imprastraktura ng komunidad.

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-two-thin-fat-girls-friend-1175257486

Nutrition Month

Ang Nutrition Month ay ipinagdiriwang kada-Hulyo ng bawa’t taon sa Pilipinas. Bukod sa pagkain ng masustansya, layunin nito na ipabatid sa mga tao ang mga partikular na klase ng diyeta na kinakailangan upang malabanan ang mga sakit tulad ng altapresyon, dyabetis at kanser, at kung paano nagiging unang depensa sa sakit ang pagkain ng tama. Ang National Nutritional Council, isang tanggapan sa gobyerno na nakatuon sa pagtitiyak na ang bawat Pilipino ay malusog at kumakain ng tama, ang nag-oorganisa ng selebrasyon para sa Nutrition Month.

Kabilang sa kampanya ang mga education camps kung saan tinuturuan ang mga tao kung paano magbasa ng nutrition chart upang malaman kung aling pagkain ang maganda sa kanilang kalusugan. Bukod dito, hinihikayat din ng kampanya ang mga partner sa industriya ng pagkain, kabilang na ang mga magsasaka, manufacturer, distributor, at mga tindahan ng pagkain, na magsama ng masustansyang pagkain sa kanilang mga produkto. Hinihikayat sila na gumamit ng mga organic na sangkap, at umiwas sa mga nakakasama sa kalusugan.

Isa pang mahalagang aspeto ng Nutrition Month ang adbokasiya para sa pagpapatupad ng mga polisiya na sumusuporta sa kapaligiran na nagsusulong ng malusog na pamumuhay. Layunin nito na gawing mura at madaling bilhin ang mga masustansyang pagkain para sa lahat ng Pilipino.

Ang pagdiriwang ng Nutrition Month ay nagtuturo sa bawa’t Pilipino na sa pamamagitan ng kaunting pagsisikap mula sa mga mamamayan at sa ating mga lider, maaaring maging madali para sa lahat ang pagkain ng masustansya.

 

References:

 

https://www.healthline.com/nutrition/10-causes-of-weight-gain

 

https://www.hsph.harvard.edu/obesity-prevention-source/obesity-consequences/

 

https://nationaltoday.com/nutrition-month-philippines/