Bakit dapat sundan ang reseta ni doc?

July 21, 2021

Sinusunod mo ba ang instructions ni doc sa pag inom ng prescription medicine?

 

Maraming dahilan kung bakit hindi ginagamit o iniinom ang prescription medicine ayon sa reseta ng doktor. Minsan ay nakakalimutan kung kailan dapat inumin ang gamot. Minsan naman ay hindi pala naintindihin ang direksyon sa reseta. Ang iba naman ay tumitigil sa pag inom ng medisina upang maiwasan ang hindi kaayaayang side effects ng gamot.

 

Akala ng iba ay walang masamang epekto ang hindi pagsunod sa reseta.  Ngunit ang maling paggamit ng prescription drugs ay maaaring makasama kaysa magpabuti sa iyong kondisyon.  Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang hindi pagsunod sa reseta ng gamot ay maaaring magdulot ng pagkawalang bisa ng gamot. Sa ilang pagkakataon, ito rin ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay.

 

Mga problemang dulot ng hindi pagsunod sa reseta ni doc

 

Ang prescription ay binubuo ng oras ng pagbigay ng gamot, saktong dosage, gaano kadalas iinumin o ipapahid ang gamot at iba pang mahalagang direksyon.  Kapag hindi nasunod ang tamang prescription, ito ay maaaring mauwi sa ilang health risks.

 

Maaaring pumalya ang gamutan. Halimbawa, kapag hindi tinapos ang antibiotics na nireseta ng doktor, maaaring lumala ang impeksyon na nararanasan o maulit ito na may mas malalang mga sintomas. Ganito rin ang maaaring mangyari kapag pinagpalit ang resetang gamot para sa over-the-counter medicine.

 

Kapag itinigil ang pag inom ng gamot nang hindi ayon sa reseta ng doktor, maaari kang makaramdam ng ilang withdrawal effects.  Kapag kulang ang dose o hindi mo naituloy ang pag inom ng gamot, ang biglaang chemical change sa iyong katawan ay maaaring magdulot ng sakit ng ulo, anxiety, problema sa pagtulog, pagod, pagpalit ng mood at mga sintomas ng trangkaso.

 

Isa pang malaking problemang maaaring maidulot ng hindi pagsunod sa reseta ay ang pagkakaroon mo ng resistance sa gamot. Kapag hindi mo na inom ang gamot sa tamang oras o dosage, posibleng magkaroon ng resistance sa treatment ang virus o bacteria na nagdudulot ng iba’t ibang sintomas. Dahil dito, magiging mahirap na gamutin ang iyong sakit.

 

Ang di tamang pag inom ng gamot ay maaari ring maging sanhi ng ilang mga kritikal na komplikasyon.  Halimbawa, kapag hindi nainom ang hypertension medicine ayon sa reseta, maaari itong magdulot ng heart attack, stroke o kidney failure.

 

 

undefined

 

Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/young-woman-taking-pill-home-closeup-1567286275

 

 

Mga paalala sa pag inom ng reseta ni doc:

  • Sundin ang saktong oras, dosage at dalas na pag inom ng gamot na nakasulat sa reseta
  • Gumawa ng schedule reminder para hindi makalimutan ang pag inom ng gamot habang gumagawa ng iba pang gawain sa trabaho, eskwela o sa bahay.
  • Huwag palalampasin ang oras ng pag inom ng gamot.
  • Kung ikaw ay aalis ng bahay, siguraduhing dala mo ang lahat ng gamot para makainom ka sa takdang oras.

 

Ang tamang pag inom ng gamot ayon sa reseta ni doc ay isang paraan para masigurong mawawala ang mga nararamdamang sintomas sa mas maagang panahon. Hindi ito dapat nilalaktawan o tinitigil ng walang abiso ng doktor.  Kung may nararamdaman kang side effects, kumunsulta muna sa doktor bago tuluyang itigil ang pag inom ng gamot.

 

 

Sources:

https://healthcareassociates.com/why-its-important-to-use-your-medication-as-prescribed/

https://www.fda.gov/drugs/special-features/why-you-need-take-your-medications-prescribed-or-instructed

https://www.webmd.com/drug-medication/stop-skipping-medication