Ang arthritis na marahil ang pinakamatandang karamdaman sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ultimo mga mummified remains na natagpuan sa Egypt at mga pre-historic animals tulad ng dinosaurs ay nakitaan ng senyales ng sakit na ito. Maski ikaw na nagbabasa nito ngayon, lingid sa iyong kaalaman ay mayroon ka na rin palang mga karamdaman na senyales ng arthritis.
Walang siguradong paraan para tuluyang maiwasan ang arthritis. Pero mayroong ilang bagay na pwedeng gawin upang maibsan ang hirap na maaaring maranasan dahil sa mga sintomas ng arthritis tulad stiffness at sakit sa mga kasukasuan. Ayon sa pagsasaliksik ng mga eksperto mula sa Philippine General Hospital (PGH), tinatayang mayroong 4.2 million Filipinos ang nakararanas ng karamdamang ito.
Ano nga ba ang arthritis? Ito ay isang kundisyon kung saan nagkakaroon ng pamamaga, paninigas, at pananakit ng mga kasukasuan. Ang mga sintomas na ito ay maaaring magsimula bilang hindi kapansin-pansin na karamdaman na lalo namang lumalala habang tumatanda ang isang tao. Ang malubhang pananakit ng kasukasuan ay maaaring magresulta sa pagbaba ng range of motion ng isang tao na tiyak na makakaapekto sa mga pangkaraniwang gawain tulad ng paglalakad, pagyuko, at pagtayo.
Maraming iba’t ibang uri ng arthritis. Ang dalawang pinakakaraniwang sa mga ito ay osteoarthritis (OA) at rheumatoid arthritis (RA). Sa OA, nasisira at tuluyan nang nawala ang cartilage na nakatakip sa dulo ng mga buto, habang ang RA naman ay autoimmune disease na nagdudulot ng inflammation o pamamaga sa kasukasuan.
Bukod sa OA at RA, malaking porsyento rin ng mga kalalakihan ang nakararanas ng gout, na tulad ng RA, ay isang inflammatory form ng arthritis. Nagkakaroon ng gout ang isang indibidwal kapag sobra-sobra ang uric acid sa bloodstream. Nagdudulot ng matinding sakit ang pamamaga ng mga kasukasuan dahil sa gout at kadalasan pa ay wala itong mga senyales ng pag-atake.
Kapag sinabing arthritis medicine, ang unang pumapasok sa isip ng nakararami ay kailangan kumonsulta sa doktor upang makakuha ng reseta para sa gamot. Maraming gamot sa merkado para sa uri ng fast-acting pain relievers at maintenance medicines para sa arthritis, pero meron ding mga simpleng preventive measures na pwedeng gawin sa bahay upang mapababa ang tiyansa na magkaroon nito.
Heto ang ilang mga at-home tips para maka-iwas sa mga karamdamang dulot ng arthritis:
- Gawing regular ang pagkain ng isda
Ang isda ay mataas sa fatty acid na omega-3 na siya namang mabisang panglaban sa pamamaga o inflammation dulot ng rheumatoid arthritis (RA). Karamihan ng klase ng isda ay nagtataglay ng omega-3 rich fat pero ‘di hamak na mas mataas sa omega-3 ang mga isda tulad ng salmon at tuna. Kung maaari, subukang isama ang isda sa iyong regular diet dalawang beses kada linggo upang mapataas ng omega-3 count sa katawan at mapababa ang tiyansa na magkaroon ng RA.
- Panatilihin ang tamang timbang
Ang mga taong sobra ang timbang ay mas malaki ang tiyansa na magkaroon ng arthritis. Nilalagyan ng matinding pressure ng sobrang timbang ng katawan ang weight-bearing joints na maaaring mauwi sa pag-develop ng mga kumplikasyon tulad ng OA at RA. Para mapanatili sa healthy range ang iyong timbang, alamin kung ano ba ang tamang body mass index (BMI) na angkop sa iyong edad at tangkad.
Ang sikreto sa good health ay nagsisimula sa healthy diet, na isa sa mga epektibong arthritis treatment. Kahit sino pang eksperto ang tatanungin, walang katumbas ang halaga ng pagkakaroon ng balanced and healthy diet pagdating sa pangangalaga ng kalusugan. Kung balanse ang mga nakukuhang nutrisyon sa iyong kinakain, mas madaling mababantayan at mapapanatili sa tamang timbang ang iyong katawan.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/senior-man-exercise-home-happy-elderly-1681717429
- Maglaan ng oras sa sapat na ehersisyo
Bukod sa pagkain ng tama, importante rin ang regular na ehersisyo para maiwasang magkaroon ng arthritis. Subukang maglaan ng hindi bababa sa 30 minutes ng iyong araw para sa ehersisyo ng tatlo hanggang limang beses kada linggo. Ang sapat na ehersisyo ay magpapatibay ng joints at mapapabuti ang range of motion ng katawan.
Mainam ding samahan ng simpleng stretching exercises ang iyong workout routine upang mapanatiling loose at nimble ang joints and muscles at makaiwas sa injury, lalo sa severe arthritis pain. Kung hindi sanay mag ehersisyo, subukan muna ang mga simpleng routine tulad ng walking at jogging, pero dapat ay sumunod pa rin sa health protocols kapag lalabas ng bahay.
Marami nang pag-aaral mula sa mga medical experts na nagpapakita ng mataas na correlation sa pagitan ng paninigarilyo at pagkakaroon ng rheumatoid arthritis (RA). Nakitaan ng mataas na tiyansa ng pagkakaroon ng RA ang mga taong mahigit 20 taon nang naninigarilyo dahil binabago nito ang takbo ng immune system. Kagaya ng nabanggit kanina, ang RA ay isang autoimmune disease. Mayroon din namang mga taong predisposed o mataas talaga ang tiyansa na magkaroon ng RA dahil sa kanilang genetics na siya namang pinapalala lalo ng paninigarilyo.
Maraming iba’t ibang causes of arthritis na hindi kayang kontrolin ng gamot lalo na sa mga taong predisposed ang genetics sa pagkakaroon ng sakit na ito. Mahalaga na habang bata pa ay mag-develop na ng healthy habits at isabuhay ang ilang tips na nabanggit sa itaas. Mainam din kung gagawing regular ang pag-inom ng ilang supplements na makatutulong sa katawan upang malabanan ang early on-set ng arthritis.
Kung nakakapansin na ng ilang sintomas ng arthritis, kumonsulta agad sa doktor upang mabigyan ng tamang payo. Kung may edad na at lalo pang papatagalin ang pagsasagawa ng nararapat na treatment, maaaring lumala ang arthritis at maapektuhan ang pang araw-araw na gawain.
Source:
https://www.bluecrossmn.com/wellbeing/preventive-care/how-prevent-arthritis-pain