Paano ba nangyayari ang isang allergy?
Nagsisimula ito sa immune system, na may responsibilidad na labanan ang mga bacteria, virus, o iba pang materyal na maaring maging sanhi ng sakit. Minsan, nagkakamali ang immune system at maling nasusuri ang isang materyal bilang mapanganib, kahit na wala naman itong peligrong dala. Ang pangyayaring ito ay ang tinatawag na allergic reaction.
Iba’t ibang mga sangkap, o allergens ang pwedeng magdulot ng allergic reaction. Kabilang dito ang dumi, pagkain, buhok, at iba pa. ‘Pag nagkaroon ng exposure sa mga ito at nangyari ang maling pagsuri ang immune system, lalabas ang ilang sintomas. Kasama sa mga karaniwang sintomas ang skin rash, itchy skin, at pati na rin ang pagbabahing, pagsusuka, hirap sa paghinga, at iba pa. Depende sa kalubhaan ng allergic reaction, malamang ay kakailanganin kaagad ng gamot o ng atensyon ng doktor.
Mga Uri ng Allergic Reaction sa Balat
May tatlo na karaniwang uri ng skin allergy: ang eczema, hives, at contact dermatitis.
Tinatawag ring atopic dermatitis, ang eczema ay dulot ng: (1) pabango galing sa sabon, lotion o detergent; (2) balahibo mula sa mga hayop; (3) maduming hangin, (4) kagat ng insekto tulad ng dust mites. Nagiging sanhi ito ng magaspang na rashes, dry skin, at ng matinding pangangati at pamumula ng balat.
Isang chronic ailment ang eczema. Ibig sabihin, may posibilidad na hindi ito mawala ng tuluyan at magbalik-balik lamang ang mga sintomas. Pinakamagandang solusyon para sa atomic dermatitis ang pag-kontrol sa mga sintomas nito.
Sa kabilang banda, ang hives naman ay lumalabas lamang kapag nalalapit sa mga triggers nito, gaya ng ilang pagkain (mani, itlog, at shellfish), pollen, halaman (poison ivy), latex, at gamot (antibiotics, aspirin, ibuprofen).
Kapag na-expose sa mga allergen na iyon, lalabas ang hives, o ang rash na mukhang magkakadikit na kagat ng insekto. Naiiba lamang ang hives dahil pwede itong mag-iba ng itsura at posisyon sa katawan, at pwedeng mawala at bumalik muli ng paulit-ulit. Maliban dito, nawawala ang pulang kulay ng hives at nagiging puti ng saglit kapag pinipisil.
Ang pangatlong uri ng skin allergy ay ang contact dermatitis. May pagkakatulad ito sa hives, dahil pareho silang nangyayari kapag nadidikit sa mga allergen o trigger. Iba lang ang sintomas ng contact dermatitis - mas may relasyon siya sa eczema kung saan pangangati, pamumula, at pagiging magaspang ng balat ang mga senyales.
Tips para Gamutin ang Skin Allergies
Ano mang klase ng skin allergy ang meron, may mga skin rash treatment na pwedeng sundin kaagad bilang first aid, at habang hindi pa nakakakuha ng tamang gamot mula sa allergist o doktor.
- Umiwas sa allergy trigger
Syempre, huwag muna lumapit o magpa-expose sa allergen na naging sanhi ng itchy skin rash, para hindi na lumala ang mga sintomas.
- Linisin ang area kung saan may rashes
Bilang isa pang skin allergy medicine, basain ang balat gamit ang cold compress o maligo ng mabilisan para kumalma ang rashes. Siguraduhin lang na gumamit ng hindi matapang na sabon sa paglinis, at huwag kuskusin ang balat habang nagsasabon. Kapag nagpapatuyo naman, tapik-tapikin lamang ang balat gamit ang tuwalya para maiwas sa irritation.
- Iwasan ang pagkamot ng balat
Kung kakamutin ang rashes, baka magsugat ito at maging dahilan pa para sa karagdagang impeksyon sa balat. Imbes na mangamot ng balat, haplusin na lamang ito o tapikin ng bahagya para mawala ang pangangati.
- Pahanginan ang balat
Maari pang magka-impeksyon kapag nakukulob ang balat at hindi nahahanginan. Mabuti nang magsuot ng maluwag at komportableng damit, para nakakahinga ang balat.
- Umiwas sa araw o init
Sensitibo na ang balat kapag nagkakaroon ng allergy. Huwag na itong palalain pa sa pamamagitan ng pagtapat sa araw at UV rays. Manatili na lamang muna sa loob, o magdala ng payong at ibang pantakip kung kailangan talagang lumabas.
- Mag-apply ng mga calming lotion
May mga cream o lotion na maganda para sa skin care dahil nagbabawas ito ng pangangati at pamumula ng balat. Maaring sumubok ng mga calming cream, na mayroong anti-irritant, antioxidant, at antibacterial na epekto.
Tamang Pag-obserba sa mga Allergic Reaction
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga skin allergy treatments at first aid remedies na maaring gamitin kapag sinusumpong ng allergies. Hindi sa lahat ng panahon ay sapat na ang mga tips na ito para tuluyang mawala ang allergy, lalo na kung sinasamahan na ito ng iba pang senyales. Kung nakakaramdam o nakakakita ng ibang sintomas ng allergy tulad ng pagsusuka, nausea, hirap sa paghinga, pagkahilo, pagbilis ng tibok ng puso, o pamamaga ng mukha, dumerecho na sa doktor o allergist. Sila ang makakapagbigay ng gamot na nauugnay sa nararamdaman.
References: