Tamang-Alaga Tips Laban sa Leptospirosis

July 21, 2021

Isa sa mga nakakatakot na sakit lalo na tuwing tag-ulan ay ang Leptospirosis.  Ang sakit na ito ay kadalasang nakukuha kapag ang tao ay lumusong sa baha.  Kapag ang iyong balat ay may sugat, maaaring makapasok sa iyong katawan ang leptospira bacteria mula sa kontaminadong tubig baha.  Kapag infected na ang katawan ng bacteria na ito, magdudulot ito ng mga leptospirosis symptoms tulad ng lagnat at pananakit ng katawan.

 

Ang leptospirosis ay pwedeng maiwasan sa tulong ng ilang preventive measures at health tips. Alamin ang mga dapat gawin para maiiwasan at mabigyang lunas ang sakit na ito.

 

 

Symptoms of Leptospirosis

 

Ang Leptospirosis ay isang bacterial infection na makukuha mula leptospira bacteria.  Ang bacteria na ito ay maaaring makuha sa ihi ng infected na hayop tulad ng daga. Kadalasan, ang ihi ng daga at iba pang hayop ay matatagpuan sa baha, bukirin o mamasa masang lupain.

 

Ang sakit na ito ay maaaring magdulot ng mga sintomas tulad ng:

  • Lagnat
  • Panginginig ng katawan
  • Sakit ng ulo
  • Pananakit ng katawan
  • Ubo
  • Pagsusuka
  • Pagtatae
  • Pamumula ng mga mata
  • Paninilaw ng balat

 

Ang mga sintomas ng leptospirosis ay maaaring maranasan dalawang araw hanggang apat na linggo pagkatapos magkaroon ng contact sa baha o lupain na kontaminado ng bacteria.

 

Leptospirosis Treatment

 

Kapag ikaw ay nakaranas ng leptospirosis symptoms, pumunta agad sa ospital para kumunsulta sa doktor. Para maiwasan ang komplikasyon, mahalagang mabigyan agad ng tamang leptospirosis treatment.

 

Ang treatment na maaaring ibigay ng doktor ay antibiotics tulad ng penicillin at doxycycline. Maaari ring magreseta ang doktor ng ibuprofen para sa lagnat at sa kirot ng kalamnan.

 

How to prevent Leptospirosis

 

Ang pinakamabisang paraan para makaiwas sa sakit na ito ay ang hindi pag lusong sa baha at iba pang kontaminadong tubig.  Kung hindi naman maiiwasang lumusong sa baha, siguraduhing nakasuot ng proteksyon tulad ng rubber boots at gloves.  Siguraduhin din na maglinis ng katawan matapos lumusong sa baha. Hugasan gamit ng malinis na tubig at sabon ang iyong paa at binti.

 

undefined

Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/close-kid-wearing-yellow-rain-boots-768070588

 

 

 

Isa pang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng leptospirosis ay ang pagpapanatili ng kalinisan ng tahanan at paligid. Inirerekomenda ng Department of Health na ang bawat tahanan at barangay ay magkaroon ng RIDE program, isang acronym para sa:

 

  • R - Rodent control (mga paraan para mawala ang mga daga sa bahay gamit ang rat traps o rat poison)
  • I -  Improve flood control (mga paraan para maiwasan ang baha)
  • D - Drain water (paglinis ng daluyan ng tubig at pagtanggal ng stagnant water)
  • E - Enforcement of garbage collection (maayos na pagkolekta ng basura)

 

 

Protektahan ang sarili laban sa Leptospirosis. Sa pagsunod sa ilang preventive measures at pagpapanatili ng kalinisan sa paligid, ang nakakatakot na sakit na ito ay kayang kayang iwasan.

 

 

 

Sources:

https://news.abs-cbn.com/life/07/21/18/ligtas-tips-mga-dapat-tandaan-upang-maiwasan-ang-leptospirosis

https://doh.gov.ph/Health-Advisory/Leptospirosis