Tips Para Makaiwas sa Food Poisoning

January 19, 2023

Mahalagang siguruhin na ligtas kainin ang mga inihahanda nating pagkain upang hindi makaranas ng food poisoning.

 

Isa sa mga panganib na maaaring makuha mula sa kontaminadong pagkain ay ang mga sakit na dulot ng mga nakakahawang organismo tulad ng bacteria, virus, at parasite, o mga lason mula sa mga hayop, halaman, o mga kemikal.

 

Ilan sa mga karaniwang sanhi ng pagkakaroon ng kontaminadong pagkain at tubig ay ang mga sumusunod:

-Hindi malinis ang pinanggagalingan ng tubig na pang-inom

-Hindi maayos na pagtapon ng dumi at basura

-Mga gawaing hindi umaayon sa pangkalusugang gawi tulad ng pagdura at pagsinga kung saan saan
-Hindi maayos na paghahanda ng pagkain (halimbawa: street foods na maaaring madapuan ng langaw ang mga sangkap, paggamit ng maduming tubig sa paghuhugas ng pinaglutuan at pinggan)

 

Mahalaga na malinis at ligtas ang paghahanda, pagluluto, at pagtatago ng pagkain upang makaiwas sa sakit. Hindi nakikita, naaamoy, o nalalasahan ang mga bacteriang maaaring magdulot ng panganib kaya mahalaga na may sinusundan tayong hakbang sa paghahanda ng pagkain upang mapanatiling ligtas ito.

 

Paano Makakaiwas sa Food Poisoning?

Sa tahanan, maaaring sundan ang apat na hakbang upang maiwasan food poisoning:

  1. Linisin (Clean): Maghugas ng kamay at linisin ang pinaghahandaan ng pagkain.

-Ang mga mikrobyo na nagdudulot ng food poisoning ay maaaring mabuhay sa maraming lugar at maaaring kumalat sa kusina.

-Maghugas ng kamay nang hindi bababa sa dalawampung segundo gamit ang sabon at tubig bago, habang, at pagkatapos maghanda ng pagkain, at bago kumain. Ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos humawak ng hilaw na karne, baboy, manok, isda, harina, o itlog.

-Hugasan ng mainit na tubig na may sabon ang mga sangkalan at iba pang kagamitan sa kusina pagkatapos paghandaan ng pagkain.

-Banlawan sa dumadaloy na malinis na tubig ang mga prutas at gulay.

 

  1. Ihiwalay (Separate): Huwag pagsama-samahin ang pagkain upang hindi magkahawaan ng mikrobyo.

-Ang mga hilaw na karne, baboy, manok, isda, at itlog ay maaaring magkalat ng mga mikrobyo sa mga ready-to-eat na pagkain kaya dapat selyado ito sa hiwalay na lalagyan. Ihiwalay ito kapag itatago sa ref o freezer.

-Gumamit ng isang sangkalan o plato para sa mga hilaw na pagkain at hiwalay na sangkalan o plato para sa mga tinapay at iba pang pagkain na hindi lulutuin.

-Huwag hugasan ang hilaw na karne, baboy, manok, o itlog. Ang paghuhugas ng mga ito ay maaaring magkalat ng mikrobyo dahil maaring tumilamsik ang katas ng mga ito sa lababo o counter ng kusina.

 

  1. Lutuin (Cook): Lutuin sa tamang temperatura ang pagkain.

-Ang pagkain ay ligtas kainin kung ang temperatura nito sa loob  o internal temperature ay umabot sa tamang init upang mapatay ang mga mapanganib na mikrobyo sa loob nito. Ang tanging paraan upang malaman kung sapat na ang pagkakaluto nito ay sa pamamagitan ng food thermometer. Hindi malalaman kung sapat na ang luto ng pagkain base sa kulay at itsura ng pagkain (maliban sa seafood).

-Gumamit ng food thermometer para masukat kung sapat na sa temperaturang kinakailangan upang maluto ang  iba’t ibang pagkain:

  • Malaking hiwa ng baka at baboy: 145°F o mga 62.7°C (hayaang lumamig ng tatlong minuto bago hiwain o kainin)
  • Isda na may palikpik: 145°F o mga 62.7°C
  • Giniling na baka at baboy:  160°F o mga  71.1°C
  • Giniling na manok: 165°F o mga 73.8°C
  • Mga tirang pagkain: 165°F o mga 73.8°C

 

-Kung kailangang mag init ng pagkain gamit ang microwave, sundin ang mga rekomendasyon sa tamang pagpapainit nito. Pagkatapos i-microwave, huwag munang galawin ang pagkain ng ilang minuto upang magkaroon ng panahong kumalat ang init mula sa mainit na bahagi ng pagkain papunta sa malalamig pang bahagi nang mas maging pantay ang pagkakaluto nito.

-Alamin ang wattage ng microwave. Maaari itong makita sa loob ng microwave, sa manual, o sa website ng kumpanya. Kung ang microwave ay may mataas na wattage (800 watts o mas mataas pa), gamitin ang pinakamababang rekomendasyon na oras ng pag-iinit. Kung mababa naman ang wattage (300 hanggang 500 watts), gamitin ang pinakamatagal na rekomendasyon na oras ng pag-iinit.

-Kung magpapainit ng pagkain, makabubuti pa ring gumamit ng food thermometer upang masigurong ang temperatura ng pagkain ay aabot sa 165°F o mga 73.8°C.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/fresh-vegetables-refrigerator-787859266

 

  1. Palamigin (Chill).  Ilagay agad sa refrigerator ang pagkain.

-Maaaring mapabilis ang pagdami ng bacteria sa pagkain kung iiwan ito sa room temperature o sa “danger zone” na mula sa 4.4°C hanggang 60°C.

-Panatilihin ang temperatura ng refrigerator sa 4.4°C o mas mababa pa, at ang freezer sa 0°F o -17.7°C o mas mababa pa.

-Alamin kung gaano katagal maaaring itago sa ref o freezer ang pagkain.

-Kung walang kasamang thermometer ang refrigerator, maglagay ng appliance thermometer sa loob ng ref upang malaman ang temperatura.

-Ilagay ang mga mainit na pagkain sa malinis at mababaw na lalagyan at saka ilagay sa refrigerator. Mainam na ilagay  sa maliliit na lalagyan ang mainit na pagkain sa refrigerator para mas mabilis itong lumamig.

-Ilagay sa refrigerator ang mga nabubulok na pagkain (karne, isda, gatas, nahiwang prutas, ilang gulay at mga tirang lutong pagkain) sa loob ng dalawang oras. Kung ang pagkain ay naiwan samainit na lugar na ang temperatura ay higit sa 32.2°C, ilagay ito sa refrigerator sa loob ng isang oras.

-Tunawin ang nagyelong pagkain sa loob ng refrigerator, o gumamit ng malamig na tubig o microwave. Iwasang tunawin ang pagkain sa ibabaw ng mesa dahil maaaring bumilis ang pagdami ng bacteria sa bahagi ng pagkain na aabot sa room temperature.

 

Ano ang Dapat Gawin kung May Hinalang Hindi Ligtas ang Pagkain?

  1. Itago ang pinaghihinalaang pagkain:  Kung may natira pa sa pagkain, ibalot nang maayos ang tira, ibalot ito ng maayos para hindi mahalo sa ibang pagkain at ilagay sa freezer. Lagyan ng label upang walang ibang makakain nito. Ito ay maaaring ipa-examine ng doctor upang matukoy ang sanhi ng food poisoning.
     
  2. Magpatingin sa doktor: Kumunsulta sa doctor para sa tamang gamutan kung kinakailangan. Kung ang mga sintomas ay hindi nawawala o kaya naman ay malala (halimbawa: pagtatae na may dugo, labis na pagkahilo at pagsusuka, o mataas na lagnat), agad na magpatingin sa doktor.
  3. Ipaalam ang insidente sa local health department.

 

 

References:

 

https://doh.gov.ph/Health-Advisory/Food-Safety

 

https://www.cdc.gov/foodsafety/keep-food-safe.html