Marami ang nakaantabay at umaasa sa maagang pagdating ng bakuna kontra sa virus na nagpahinto sa kabuhayan ng maraming tao sa mundo. Sa ngayon, may ilang mga kompanya na ang nagtatangkang lumikha ng bakuna ngunit marami sa mga ito ang sa susunod na taon pa ang pinakamaagang paglulunsad.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, hindi basta-basta ang pag-develop at pagsasagawa ng trial para sa isang aprubado at ligtas na vaccine. Maraming proseso ang kailangan pagdaanan at mga factor na kailangang ikonsidera upang tuloy-tuloy at wala, o minimal, ang problema sa paglikha ng isang bakuna.
Marami nang kinaharap na crisis ang sangkatauhan kung titingnan ang kasaysayan. Marami nang nagdaang mga pandemya. Marami nang nasawi. Marami na ring pagbabago sa kakahayang medikal ng mga eksperto.
Pagsasaliksik sa Bakuna
Ang mga coronavirus ay pamilya ng mga virus na madalas na reresulta sa mga sakit tulad ng sipon, severe acute respiratory syndrome (SARS), at Middle East respiratory syndrome. Nagmula ang ngalang “corona” ng mga virus na ito dahil sa itsura ng virus na ito. May mga patusok na estruktura sa surface ng virus na pinagmumukha itong mga korona. Ang mga patusok na estrukturang ito ang siyang kumakapit sa cells ng mga tao.
Ang COVID-19 ay isang bagong strain ng nasabing pamilya ng mga virus na malapit sa SARS. Dahil dito, pinangalanan din ng mga siyentipiko ang virus na ito na SARS-CoV-2.
Kadalasan, maraming taon ang binibilang bago makabuo ng isang epektibo at ligtas na bakuna para sa isang sakit. Pero para sa pandemya na itong sinasalanta ang buong mundo, hindi na kinakailangang magsimula sa wala ng mga medical expert dahil maaari nilang magamit ang mga dating research mula sa mga bakuna kontra SARS at MERS. Ang target ng vaccination ay sirain o hadlangan ang mga patusok na estruktura sa coronavirus upang hindi ito kumapit sa cells ng mga tao at para hindi na ito dumami.
Sa kabila nga kaalaman na ng mga eskperto sa bagong pandemic coronavirus, marami pa rin silang kinakaharap na problema para masigurado ang paglabas ng bakuna sa lalong madaling panahon.
Ilang sa mga Hamon sa Paglikha ng Bakuna Kontra Covid-19
Mga dating research na sa coronavirus ang basehan ng mga problemang kinakaharap rin sa paglikha at paglalabas ng bagong coronavirus vaccine. Ang mga ito ang ilan sa kanila:
- Pagsigurong ligtas ang bakuna – Maraming bakuna para sa SARS ang nasubukan na sa mga hayop. Maraming bakuna na ang nagpakita ng positibong resulta tulad ng tiyak na kaligtasan para sa mga nakakuha na ng sakit. Gayunman, hindi nito nagagarantisa na hindi na mahahawa ang tao sa sakit. May ilang bakuna rin na nagkakaroon ng ibang side-effect tulad ng pagkasira sa baga at neurological problems kaya kailangan talagang masubukan muna ang mga bakuna bago gamitin sa maramihang tao.
- Pagsigurong pangmatagalan ang proteksyon – Hindi na bago ang mga kaso ng dati nang pagkahawa at nahawa ulit. Kahit pa mas mahina na ang epekto ng bagong pagkahawa sa maraming dati nang nagkaroon ng ganoong sakit, kailangan pa ring masiguradong ang lilikhaing bakuna ay tatagal ng buwan o mas mabuti, taon, para sa ikaliligtas ng maraming tao. Halimbawa nito ay ang flu vaccine na recommended na taon-taon ibinabakuna sa isang indibidwal para makaiwas sa nasabing sakit.
- Konsiderasyon sa mga nakatatanda – Mas prone sa mas malalalang kaso ng COVID-19 ang mga may edad na 50 o mahigit. May mga pag-aaral din na hindi maganda ang tugon ng katawan ng mga may edad sa mga bagong bakuna kaysa sa mga mas nakababata. Kinokonsidera rin ng mga kompanyang lumilikha ng mga bakuna na maging mas epektibo ang nililikhang vaccine para sa mas mga nakatatanda.
Bakuna, Kailan nga ba?
Maliban sa mga nabanggit na challenges sa itaas, isa pang dahilan kung bakit natatagalan ang paglikha ng mga bakuna ay ang timeline na sinusunod ng mga eksperto para masiguradong ligtas at epektibo ang nililikhang bakuna at talagang handa ito sa mass production. Dito pumapasok ang kahalagahan ng pagpapanatiling malakas ang ating resistensya sa anumang uri ng sakit.
Tumatagal ang development ng vaccine dahil unang una, kailangan muna itong subukan sa mga hayop upang malaman kung gumagana ito at ligtas. Kailangan din nitong dumaan sa maraming trials na may estriktong lab guidelines na madalas tumatagal ng anim na buwan.
Pagkatapos nito, saka pa lang ito susubukang i-test sa mga tao. Sa Small Phase I Clinical Trial susubukan kung ligtas ito sa mga tao. Sa Phase II, saka naman tatantsahin ang formulation at dosage sa bakuna para ma-improve ang epekto nito. Sa Phase III, kailangan nang subukan ng bakuna sa malakihang grupo.
Hindi maikakaila ang epekto ng COVID-19 sa mundo. Gayunman, kailangan intindihin ng nakararami na kaya mang pabilisin ng vaccine regulators ang ilang hakbang sa paglalabas ng bakuna, magtatagal pa rin ito dahil kung tutuusin aabot dapat ng 12 to 18 na buwan ang paglabas ng isang bakuna. Minsan mas matagal pa. Pero dahil maraming nangangailangan ng tulong dahil sa nangyayari sa mundo ngayon, bibilis ang proseso nito na magtatagal pa rin ng siguro ay anim na buwan pagkatapos ng clinical trials.
Kapag naaprubahan naman ang bakuna, kailangan pa nito ng dagdag na panahon para makapag-mass produce. Dahil dito, sabi ng mga eskperto ay baka kailangan ng dalawang vaccinations na may pagitan ng tatlo o apat na linggo. Paniniguro nila, makararanas na ng immunity ang mga nabakunahan isa o dalawang linggo pagkatapos ng ikalawang bakuna.
Marami pang kailangang gawin pero marami rin namang pharmaceutical companies na tumatrabaho para mapabilis ang proseso sa paglikha ng panlaban sa COVID-19.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/coronavirus-covid-19-infected-blood-sample-1653864421
Pinakahuling Balita
Ayon sa latest COVID vaccine update, higit 150 na iba-ibang klase nito ang nasa development sa buong mundo. Minamadali ng mga pharmaceutical companies ang paglabas ng mga coronavirus vaccines upang maibsan ang hanggang ngayo’y hindi bumababang mga kaso ng COVID-19 sa maraming lugar sa buong mundo.
Marami nang nagtutulong-tulong kabilang ang gobyerno ng Estados Unidos at ang kanilang Operation Warp Seed na nag-pledge ng $10 bilyon para makalikha ng 300 milyong dose ng ligtas at epektibong bakuna pagdating ng Enero ng 2021. Ang World Health Organization (WHO) naman ay nakikipagtulungan sa iba’t ibang bansa upang makapaglabas ng dalawang bilyong bakuna sa taong 2021 rin.
Habang wala pang kasiguraduhan ang eksaktong paglabas ng epektibong mga bakuna, kailangan pa rin nating sumunod sa mga inilatag na protocol at tamang pag-iingat na iminumungkahi ng gobyerno at ng WHO.
Obserbahan pa rin ang social distancing kapag nasa mga pampublikong lugar. Anim na talampakan ang mungkahing distansiya mula sa may mga sakit at may sintomas ayon sa mga eksperto. Sikapin ring lumayo sa matataong lugar.
Ugaliin pa ring magsuot ng mga proteksyon tulad ng face shield at lalong lalo na ang face mask. Hindi lang nito pinoprotektahan ang sarili mula sa mga hindi nakikitang mikrobyo at virus, pinoprotektahan din nito ang ibang tao na mahawa mula sa mga kaso ng asymptomatic na pasyente.
Higit sa lahat, alalahaning interdependent tayo sa isa’t isa kaya marapat lang na mas maging maingat tayo para sa ikabubuti ng kalusugan ng lahat at para lalong mapadali ang pagbabalik natin sa kinasayan nating mga buhay.
Sources:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/coronavirus/in-depth/coronavirus-vaccine/art-20484859?fbclid=IwAR1GoLMb-2j-BCwcfo5SseBG4oBg9h2SvwV8R3kaUkZSg9StDncvNfI6V8E
https://www.nationalgeographic.com/science/health-and-human-body/human-diseases/coronavirus-vaccine-tracker-how-they-work-latest-developments-cvd/?fbclid=IwAR0luNxZfSXz3OjIk8IYrwWwAnuyzC9s2qoFFnoy4UxkB1HrX8HDgzhj3dI