Ang constipation o pagtitibi ay ang pagkakaroon ng alinman sa mga sintomas na ito: mas kaunti sa tatlong beses na pagdumi kada-linggo, pangangailangang umiri sa simula o pagtatapos ng pagdumi, matigas na dumi, o ang pakiramdam na hindi kumpleto ang pagdumi. Bagamat ang constipation ay isang karaniwang kondisyon na nararanasan ng maraming tao, ang pagtitibi ay maaaring maging sagabal sa pang-araw-araw na gawain kung ito ay tatagal ng ilang linggo.
May ilang mga home remedy at pagbabago sa lifestyle na maaaring makatulong maibsan ang constipation ngunit may mga pagkakataon na kinakailangan na rin ang konsulta at payo ng doctor. Ang gamutan para sa constipation ay nakabatay sa sanhi nito. Sa ilang mga kaso, walang nakikitang dahilan kung bakit nagkakaroon ng constipation ang isang tao.
Mga Sanhi ng Constipation
Ang mga sumusunod ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng constipation:
Pagkain na Kulang sa Fiber
Ang mga taong kumakain ng maraming fiber ay kadalasang hindi nakakaranas ng constipation. Ito ay dahil ang fiber ay nagdudulot ng regular na pagdumi, lalo na kung kasabay nito ang pag-inom ng sapat na dami ng tubig.
Ang mga pagkaing mataas ang fiber content ay ang mga sumusunod:
-Prutas
-Gulay
-Whole grains
-Mani
-Munggo
Ang mga pagkaing kulang sa fiber ay ang mga sumusunod:
-Mga pagkaing matataba, tulad ng keso, karne, at itlog
-Mga processed foods, tulad ng white bread
-Mga fast foods, junk foods, at iba pang mga ready-to-eat na pagkain
Kakulangan sa Ehersisyo
Ang kakulangan sa ehersisyo o pagkilos ay maaari ring magdulot ng constipation.
May ilang mga pag-aaral na nagsasabing ang taong regular na nag-e-ehersisyo ay may mas maliit na tyansang magkaroon ng constipation kumpara sa ibang tao, ngunit ang kadahilanan para dito ay hindi pa natitiyak.
Ang mga taong madalas na nakaupo o nakahiga sa kama ay may mas mataas na tyansang makaranas ng constipation.
Mga Gamot
May mga gamot na nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng constipation. Kabilang dito ang mga gamot para sa kirot, kombulsyon, altapresyon, sakit sa puso, antidepressants, antacids na may aluminum at calcium, mga pampaihi at mga iron supplements
Irritable Bowel Syndrome
Ang mga taong may mga problema sa bituka tulad ng irritable bowel syndrome ay may mas mataas na tyansang makaranas ng constipation. Ilan sa mga sintomas ng irritable bowel syndrome ay ang pagsakit ng tiyan, pagkakaroon ng kabag, paglaki ng tiyan, at pagbabago sa itsura o dalas ng pagdumi. Sa ibang mga kaso, sa halip na makaranas ng constipation, may iba na nagkakaroon naman ng diarrhea.
Pagtanda
Habang tumatanda ang isang tao, mas umiiral ang pagkakaroon ng constipation ngunit ang eksaktong dahilan nito ay hindi pa malinaw. Maaaring kaugnay ito sa pagbagal ng pagdaan ng pagkain sa bituka o ang hindi masyadong pagkilos habang tumatanda.
Ang ilang mga karamdaman, mga gamot, at ang kakulangan sa fiber o tubig ay ilan din sa mga salik o factor na nakakapagpalala ng constipation sa mga matatanda.
Pagbabago sa Pang-Araw-Araw na Gawain
Ang mga pagbabago sa pang-araw araw na gawain ay maaaring magdulot ng constipation. Isang halimbawa ay ang pagbabakasyon kung saan naiiba ang mga nakasanayang gawain at oras ng pagkain, pagtulog at paggamit ng banyo at ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng pagtitibi.
Sobrang Pag-inom ng mga Pampadumi
May mga taong nag-aalala dahil hindi madalas ang kanilang pagdumi kaya naman umiinom sila ng mga gamot upang makatulong sa pagdumi. Ang mga laxatives ay nakakatulong sa pagdumi ngunit ang regular na pag-inom nito ay maaaring makasanayan ng katawan. Pag ito ay nakasanayan, maaaring ituloy ng tao ang pag-inom nito kahit hindi na niya kailangan. Dahil dito, mas kakailanganin na niyang uminom ng mas mataas na dose para umepekto ng gamot. Mas mataas din ang tyansa na magkaroon ng constipation sa oras na itigil na ang pag-inom ng laxatives, lalo na kung matagal na itong iniinom.
Ilan pa sa mga negatibong epekto ng sobrang pag-inom ng laxatives ay ang dehydration, electrolyte imbalance, at pinsala sa internal organs ng katawan. Ang ilan sa mga komplikasyon na ito ay maaaring nakamamatay. Dahil dito, mainam na magpakonsulta muna sa doktor bago uminom ng mga pampadumi.
Pagpigil sa Pagdumi
Kapag nakaramdam ang isang tao na kailangan na niyang dumumi, dapat agad na pumunta sa banyo upang gawin ito. Kung ipagpapaliban ang pagdumi, ang pakiramdam ay mawawala hanggang mahirapan nang dumumi sa susunod.
Habang tumatagal ang pagpipigil sa pagdumi, mas nagiging tuyo at matigas ang dumi na maaaring maging sanhi ng kahirapan ilabas ito.
Kakulangan ss Pag-inom ng Sapat na Tubig
Ang regular na pag-inom ng tubig ay nakakatulong upang hindi makaranas ng constipation. Ang pag-inom ng iba pang inumin tulad ng mga fruit o vegetable juices at sopas ay nakakatulong rin sa pagdumi.
Mahalagang malaman na may mga inumin na nakakapagpalala ng constipation tulad ng softdrink, kape at alak.
Mga Problema sa Colon at Rectum
Ang colon at rectum ay bahagi ng digestive tract. Ang mga kondisyong nakakaapekto sa bituka ay maaaring makapigil sa paglabas ng dumi at magdulot ng constipation. Ilan sa mga kondisyong ito ang colorectal cancer, hernia o luslos, diverticulitis at inflammatory bowel disease.
https://www.shutterstock.com/image-photo/high-fiber-foods-on-wooden-background-521209120
Paano Maiiwasan ang Pagkakaroon ng Constipation?
Kung hindi gaanong malala ang constipation, ang mga simpleng lifestyle changes ay makakatulong upang maibsan ang sintomas nito. Narito ang ilan sa mga tips upang maiwasan ang constipation:
-Dagdagan ang fiber sa dyeta: Ang mga halimbawa ng pagkain na mataas ang fiber content ay prutas, gulay, at whole grains tulad ng brown rice.
-Dagdagan ang ehersisyo: Ang regular na ehersisyo ay nakakatulong sa pagbaba ng pagkain sa bituka.
-Pag-inom ng mas maraming tubig: Ugaliing uminom ng walong basong tubig araw-araw at umiwas sa kape dahil maaari itong magdulot ng dehydration.
-Agad na dumumi sa oras na makaramdam na kailangan nang dumumi: Huwag pigilan o ipagpaliban ang pagdumi.
Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?
Kung hindi nakatulong sa constipation ang mga tips na nabanggit sa itaas at tumatagal na ito ng ilang linggo, mainam nang magpakonsulta sa doktor upang malaman ang sanhi nito at mabigyan ng tamang payo tungkol sa gamutan. Lalong mahalaga ang pagpapatingin sa doktor kung may nararanasan pang ibang sintomas tulad ng pagbabawas sa timbang, pagdurugo o pagkirot habang dumudumi o maninipis at maliliit na dumi, na maaaring senyales ng mas mabigat na karamdaman.
References:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/constipation/symptoms-causes/syc-20354253
https://www.medicalnewstoday.com/articles/150322
https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/constipation-causes-and-prevention-tips