Paghahanda sa Pagkuha ng Bakuna

July 21, 2021

Habang pinagpapatuloy ang iba’t ibang uri ng covid 19 prevention sa ating pang-araw-araw na buhay, hindi tumitigil ang pag-asa sa mundo na tuluyang mapuksa ang nakakatakot na covid19. Isang malaking  hakbang papalapit sa pagsugpo ng covid virus ay ang pagkakaroon ng covid 19 vaccines. 

 

Handa ka na bang magpabakuna? Alamin ang mga dapat gawin para maghanda sa pagtanggap ng covid vaccine. Ang pagpapabakuna ay isang malaking kontribusyon patungo sa covid-free Philippines.

 

 

Mga Dapat Gawin Bago Magpabakuna

 

Bago pumunta sa iyong vaccination appointment, siguraduhing ikaw ay handa sa pagpapabakuna. Sundin ang mga sumusunod:

 

  • Siguraduhing nakapagpahinga at natulog nang sapat na hindi bababa sa 7 na oras bawat gabi.
  • Iwasan ang pag-inom ng gamot bago magpabakuna.
  • Hindi kailangang dumaan sa ano mang covid 19 test bago magpabakuna.
  • Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.
  • Magdala ng face mask, face shield, hand sanitizer, government ID, ballpen, at medical certificate o clearance na maglalahad kung mayroon kang comorbidities tulad ng autoimmune disease (tulad ng Guillain-Barre syndrome, lupus), Human Immunodeficiency Virus (HIV), cancer, pagsasailalim sa organ transplant, kasalukuyang paggamot ng steroids, may taning na ang buhay dahil sa karamdaman o nakaratay na lamang sa kama.
  • Kung masama ang pakiramdam sa araw ng pagbabakuna, maaaring ipagpaliban muna ito depende sa sintomas at kalagayan. Ngunit lahat naman ng vaccine protocols sa iba’t ibang site sa Philippines ay sinisiguradong masusuri muna maigi ang kalagayan ng babakunahan.
  • Kung ikaw ay Patient Under Investigation (PUI) o may sintomas ng Covid, ipagpaliban muna ang pagbabakuna at i-isolate muna ang sarili. Maaaring ireschedule ang bakuna.

 

undefined

Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/young-attractive-beautiful-asia-female-teenage-1958796745

 

Mga Dapat Malaman Pagkatapos Magpabakuna

 

Pagkatapos magpabakuna ay oobserbahan ka sa loob ng 15 minuto. Titingnan kung magkakaroon ng mga hindi pangkaraniwang sintomas o yung tinatawag na adverse effects. Maaaring tumagal ng 30 minuto ang observation kung mayroon kang asthma, anaphylaxis, allergy sa pagkain o sa anumang mga gamot at iba pang health condition.

 

Pagkatapos maobserbahan, sasabihin sa iyo ang mga facility, hotlines, at contact number kung saan maaari mong ireport kung magkaroon ka ng anumang adverse vaccine effects. 

 

Maaaring makaranas ka ng ilang mga side effects na normal para sa taong nabakunahan.  Ang mga  sumusunod ay mga common side effects ng Covid 19 vaccine:

  • Pananakit, pamamaga o redness sa braso kung saan mo natanggap ang injection
  • Tiredness o pagkapagod
  • Sakit ng ulo
  • Muscle pain
  • Lagnat
  • Pagkaginaw
  • Nausea o pakiramdam na nasusuka

 

Para mabawasan ang pananakit ng braso, maaaring lagyan ng basa o malamig na washcloth ang area ng braso mo kung saan itinurok ang bakuna. Para naman sa pananakit ng katawan at lagnat, kumunsulta sa iyong healthcare provider kung ano ang mainam na over-the-counter pain and discomfort relief medicine ang maaari mong inumin.

 

Ang mga common side effects ng Covid 19 vaccine ay kadalasang normal na senyales lamang na ang katawan ay nagrerespond sa bakuna. Ngunit kung ang pamumula o pamamaga sa injection site sa iyong braso ay lalong lumala matapos ang 24 oras o di kaya hindi nawawala ang mga side effects makalipas ang ilang mga araw, kumunsulta agad sa doktor para malaman kung ito nga ay side effect pa ng bakuna o maaring dulot ng ibang health condition.

 

Makakatanggap ka ng vaccination card kung saan nakasaad ang uri ng covid19 vaccine sa Philippines na iyong natanggap. Nakalagay din kung kailan ito natanggap at ang araw o schedule ng sunod mong dose. Itago mo itong mabuti at kuhanan ng litrato o photocopy sakaling kailanganin ito sa hinaharap.

 

Sa lahat ng ito, tandaan na ang vaccine ay kasangga, pero hindi kapalit, ng mga precautions na karaniwang ginagawa natin para sa prevention of covid19. Ipagpatuloy pa rin ang mga safety protocols laban sa Covid tulad ng pagsuot ng face mass, regular na paghuhugas ng kamay at social distancing.

 

Kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ng mga eksperto ang katagalan ng bisa ng vaccines at katagalan ng proteksyong dulot nito laban sa covid19. Hanggang sa malaman natin ito, manatiling maingat para sa ating sarili at sa kapwa.

 

 

Source:

https://doh.gov.ph/taxonomy/term/10063