Nakalunok ng Nakalalasong Kemikal? Alamin ang First Aid at mga Paraan ng Pag-iwas
June 15, 2023
Batay sa World Health Organization (WHO) noong 2016, ang hindi sinasadyang pagkalason ay nagdulot ng 106,683 na pagkamatay.1 Sa Pilipinas, ito rin ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit ang mga tao ay dinadala sa mga Emergency Room. Tulad ng ibang sakit, ang pagkalason ay nangangailangan ng agarang aksyon. Sa pang-apat na linggo ng Hunyo, ipinagdiriwang ang National Poison Prevention Week,2 dahil mahalagang magkaroon ng sapat na kaalaman at kamalayan tungkol sa pagkalason at malaman ang mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ito.
Ang poisoning ay nangyayari kapag may nakapasok na materyal na nakakalason sa katawan. Ang ganitong uri ng aksidente ay maaaring mangyari sa pamamagitan ng pagkain o pag-inom ng mga kemikal, paglanghap ng nakalalasong usok o gas, at pwede rin pumasok sa katawan sa pamamagitan ng balat o injection.3 Ang paglunok ng nakalalasong kemikal ay maaaring magdulot ng malubhang pinsala sa katawan. Ang ilan sa mga kemikal na karaniwang sanhi ng pagkalason ay cosmetic products at mga kemikal na ginagamit sa paglilinis ng bahay. 4
Mga Sintomas o Palatandaan kung nakalunok ng nakalalasong kemikal:3
https://www.shutterstock.com/image-photo/medium-shot-portrait-fat-asian-woman-2241492107
- Pagkahilo
- Pagsusuka
- Pananakit ng tiyan
- Pagtatae
- Panay na pag-ubo
- Cyanosis (pangingitim ng balat, kuko o labi dahil sa kakulangan ng oxygen)
- Hirap sa paghinga
- Pagkawala ng malay
- Pagkombulsyon
- Pagkalito sa pag-iisip
Ano ang dapat gawin kung may nakalunok ng lason?
https://www.shutterstock.com/image-photo/hotline-service-man-making-emergency-call-1907739787
- Tumawag agad sa Emergency Hotline ng pinakamalapit ninyong health center
Kung may hinala na may naganap na poisoning, agad na tumawag sa lokal na emergency hotline o kumunsulta agad sa pinakamalapit na emergency room para sa agarang tulong. 5
- Ibigay ang tamang impormasyon
Sa pagtawag, ibigay ang mahalagang impormasyon ng pasyente at ipagbigay alam din kung mayroong ibang medical condition ang pasyente 6
- Agad na alamin ang uri ng kemikal o gamot na nalunok
Kung posible, alamin ang uri ng kemikal o gamot na nagdulot ng poisoning. Ito ay makatutulong sa mga doktor na masuri ang mga posibleng epekto at magbigay ng tamang gamot 6
- Sumunod sa mga tagubilin ng medical professional 7
Matapos tumawag sa lokal na hotline o kumunsulta sa mga medical professional, sundin ang kanilang mga tagubilin. Ito ay maaaring maglaman ng mga hakbang na gagawin sa pagtulong sa biktima ng poisoning, tulad ng paglagay ng charcoal o paghahanda ng ibang panggamot.
- Bantayan ang mga sintomas 7
Habang naghihintay ng tulong mula sa mga medical professional, mahalagang ma-monitor ang mga sintomas ng biktima ng poisoning. Ito ay upang magkaroon ng karagdagang impormasyon na maaaring makatulong sa mga medical professional sa pagbibigay ng tamang gamot.
- Iwasan ang pagbibigay ng anumang lunas o gamot kapag walang reseta 7
Sa mga kaso ng poisoning, mahalagang hindi magbigay ng anumang lunas o gamot kapag walang reseta mula sa mga doktor o medical professional. Ito ay upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon at pagkakaroon ng komplikasyon. Huwag sapilitang pasukahin ang pasyente.
- Magpatuloy sa pagsubaybay at pangangalaga
Pagkatapos ng emergency response mahalagang magpatuloy sa pagsubaybay at pangangalaga sa biktima ng poisoning. Sundin ang mga tagubilin ng mga medical professional at panatilihing nakasusunod sa mga ito.
Mga Hakbang Upang Maiwasan ang Poisoning 3
- I-secure ang mga kemikal at gamot: Siguraduhin na naka-lock o nasa ligtas na lugar ang mga kemikal at gamot, lalo na kung may mga bata sa bahay. Ilagay ang mga ito sa mga kabinet o lalagyan at pwedeng maglagay ng kandado o lock para sa karagdagang seguridad
- Alamin ang mga kemikal: Basahin at intindihin ang mga label ng mga kemikal at gamot bago gamitin. Alamin ang tamang paggamit, at mga babala o panganib na kaakibat nito.
- Gamitin ang mga kemikal sa tamang paraan at gumamit ng mga proteksiyon tulad ng gloves, face mask, goggles, at iba pang personal na proteksyon. Iwasan ang paglalagay ng kemikal sa hindi tamang mga lalagyan tulad ng mga bote ng softdrinks o kahit anong bote na madaling mabuksan ng mga bata.
- Iimbak ang mga kemikal sa tamang paraan: Sundin ang mga tamang tagubilin sa pag-iimbak ng mga kemikal. Ilagay ang mga ito sa kanilang orihinal na lalagyan at i-seal ng maayos ang mga ito.
- Pangaralan ang mga bata: Turuan ang mga bata tungkol sa mga panganib ng mga kemikal at gamot. Ipaliwanag sa kanila kung bakit hindi nila dapat kainin o inumin ang anumang kemikal o gamot na nasa bahay.
- Iwasan ang paglalagay ng mga kemikal sa mga bote ng pagkain o inumin: Ihiwalay ang mga kemikal mula sa mga bote ng pagkain o inumin. Ito ay upang maiwasan ang pagkakamali sa pag-inom ng mga ito.
- Kapag gumagamit ng kemikal, mahalagang tiyakin ang sapat na bentilasyon sa lugar
Mahalagang tandaan na ang mga hakbang na nabanggit ay pangkalahatang impormasyon lamang. Sa mga kaso ng poisoning, ang pinakamahalagang hakbang ay agad na kumuha ng tulong mula sa mga medical professional o lokal na emergency hotline upang mabigyan ng tamang pag-aaruga ang biktima base sa lasong nainom niya.
References:
(1) CDC. (2021, January 18). WHO Guidelines for establishing a poison centre. Www.who.int. https://www.who.int/news/item/18-01-2021-who-guidelines-for-establishing-a-poison-centre
(2) Inquirer, P. D. (2017, June 23). DID YOU KNOW: National Poison Prevention Week. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/908009/did-you-know-national-poison-prevention-week-2
(3) Poisoning first aid: MedlinePlus Medical Encyclopedia. (2021, February 12). Medlineplus.gov. https://medlineplus.gov/ency/article/007579.htm
(4) Poison Statistics National Data 2017. (2017). Poison.org. https://www.poison.org/poison-statistics-national
(5) Center for Disease Control and Prevention. (2020). CDC - NIOSH Pocket Guide to Chemical Hazards (NPG): First Aid Procedures. CDC. https://www.cdc.gov/niosh/npg/firstaid.html
(6) default - Stanford Children’s Health. (n.d.). Www.stanfordchildrens.org. Retrieved June 5, 2023, from https://www.stanfordchildrens.org/en/topic/default?id=first-aid-for-poisonings-90-P02815
(7) Government of Canada, C. C. for O. H. and S. (2021, February 19). First Aid for Chemical Exposures : OSH Answers. Www.ccohs.ca. https://www.ccohs.ca/oshanswers/chemicals/firstaid.html