Tips Para sa Healthy Kidneys | RiteMED

Tips Para sa Healthy Kidneys

July 22, 2022

Tips Para sa Healthy Kidneys

Ang kidneys o mga bato ay mga organ na sinlaki ng kamao na matatagpuan sa ilalim ng tadyang, sa magkabilang gilid ng spine.

 

May ilang tungkulin silang ginagampanan. Pinakamahalaga ang pagsala nila ng tirang tinunaw na produkto sa katawan, labis na tubig at iba pang dumi mula sa dugo. Ang mga produktong ito ay nakaimbak sa pantog at dumadaan sa bato upang mailabas sa ihi.

 

Bukod dito, ang mga bato ang namamahala sa pagpapanatili ng tamang lebel ng acidity, asin at potassium sa katawan. Gumagawa rin sila ng mga hormones na nagsasaayos ng presyon  at gumagawa ng mga red blood cells sa dugo.

 

Ang mga bato ay responsable rin sa pag-activate sa vitamin D na tumutulong sa katawan upang sumipsip ng calcium na mahalaga para sa paggawa ng buto.

 

Mahalaga na panatilihing malusog ang mga bato upang mapangalagaan ang pangkalahatang kalusugan ng katawan. Ngayon, tatalakayin natin ang mga tips upang magkaroon at mapanatiling malusog ang mga kidneys.

 

Paano Panatilihing Malusog ang mga Kidney?

 

  1. Maging aktibo at magkaroon ng malakas na pangangatawan.

 

Ang regular na ehersisyo ay maganda hindi lamang sa pagkakaroon ng balingkinitang katawan. Pinabababa nito ang panganib na pagkakaroon ng sakit sa bato. Pinapababa rin nito ang presyon ng dugo at nagpapalakas sa puso, na kapwa mahalaga sa paghadlang sa pinsala sa bato.

 

Hindi kinakailangan ng matinding ehersisyo upang umani ng mga benepisyo nito. Ang paglalakad, pagtakbo, pagbibisikleta, at pagsasayaw ay mga magandang halimbawa ng mabuting gawain para sa kalusugan. Maghanap ng aktibidad na nakakaaliw habang pinapanatiling abala sa pagkilos ang katawan.

 

2. Kontrolin ang blood sugar.

 

Kung sobra-sobra ang asukal sa dugo, nanganganib ang ating mga bato. Dapat binabantayan rin natin ang mga kinakain at iniinom na pang araw-araw. Kapag puro maasukal ang kinakain, baka mapagod ang ating bato, at baka tuluyang masira. Kung kayang iwasan ang mga matatamis na juice o sobra-sobrang pagkain ng kanin at iba pa, unti-unti nating mababawasan ang posibilidad na magkasakit sa bato. 

 

Ang mga taong may dyabetis, isang kundisyon kung saan mataas ang lebel ng asukal sa dugo, ay  maaaring magkaroon ng sira sa bato. Kapag hindi nagagamit ng katawan ang labis na asukal sa dugo, ang mga bato ay napupwersa na magtrabaho nang mas mahirap upang salain ang dugo. Kapag tumagal ito ng ilang taon, maaari itong maging sanhi ng nakamamatay na pinsala.

 

Ngunit, kung ang asukal sa dugo ay kontrolado, nababawasan ang pinsala sa bato. Bukod dito, kung maagang nahuli ang pinsala sa bato, maaaring magpayo ang doktor ng mga hakbang upang maagapan o maiwasan ang pagkakaroon ng karagdagang pinsala sa bato.

 

3. Bantayan ang presyon ng dugo.

 

Ang altapresyon ay maaaring maging sanhi ng pinsala sa bato. Kung may kaakibat pa itong ibang sakit tulad ng dyabetis, sakit sa puso, o mataas na kolesterol, maaaring maging malaki ang epekto nito sa kalusugan.

 

Ang normal na presyon ng dugo ay 120/80. Kapag mas mataas dito ang resulta, maaaring makipag-ugnayan sa doktor para sa lifestyle at dietary changes, o para sa gamot na pampababa ng presyon.

 

4. Bantayan ang timbang at kumain ng masustansyang pagkain.

 

Ang mga taong mabigat ang timbang ay nanganganib na magkaroon ng mga kundisyon na maaaring magdulot ng pinsala sa mga bato.

 

Ang masustansyang diyeta ay binubuo ng mga pagkain na mababa sa sodium at mga naprosesong karne. Kumain ng mga sariwang pagkain na natural na mababa sa sodium tulad ng cauliflower, saging, isda at whole grains.

5. Uminom ng maraming tubig.

 

Ang regular na pag-inom ng maraming tubig ay maganda para sa kalusugan ng bato.

 

Ang tubig ay nakakatulong na maalis ang sodium at ibang basura sa mga bato. Pinapababa nito ang tyansa na magkaroon ng chronic kidney disease.

 

Gawing layunin ang pag-inom ng hindi bababa sa isa’t kalahati hanggang dalawang litro ng tubig kada-araw. Ang dami ng tubig na kailangan ng katawan ay batay sa kalusugan at pamumuhay ng isang tao. Ang mga salik tulad ng klima, pag-eehersisyo, kasarian, pangkalahatang kalusugan, at pagbubuntis o pagpapadede ng sanggol ay mahalaga na isaalang-alang sa pagpaplano kung gaano karaming tubig ang dapat inumin araw-araw.

 

Ang mga tao na nagkaroon na ng bato sa bato ay dapat uminom ng mas maraming tubig upang maiwasan magkaroon ng panibagong bato sa hinaharap.

 

6. Huwag manigarilyo.

 

Ang paninigarilyo ay nakakapinsala sa daluyan ng dugo. Nagdudulot ito ng pagbagal sa pag-agos ng dugo sa katawan, kabilang na sa mga bato. Tumataas din ang tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa bato dahil sa paninigarilyo.

 

7. Mag-ingat sa dami ng over-the-counter na gamot na iniinom.

 

Ang mga taong madalas umiinom ng over-the-counter na gamot para sa kirot ay maaaring magkaroon ng pinsala sa bato. Kabilang sa mga gamot na dapat bantayan ay ang ibuprofen at naproxen na kadalasang iniinom ng mga taong nakakaranas ng sakit ng ulo, kasukasuan, at katawan.

 

Ang mga taong walang problema sa bato na umiinom ng mga gamot na ito paminsan-minsan ay kadalasang hindi nagkakaroon ng pinsala sa bato. Ngunit, kung araw-araw ang pag-inom, maaaring mailagay sa peligro ang kalusugan ng mga bato. Makipag-usap sa doktor para sa mga gamot na ligtas para sa bato.

 

8. Magpakuha ng kidney function test kung mataas ang panganib magkaroon ng pinsala sa bato.

 

Kung ang isang tao ay high risk sa pagkakaroon ng sira sa bato, mainam na regular na magpakuha ng kidney function tests. Maaaring makinabang ang mga sumusunod sa regular na screening test:

-Mga edad 60 pataas

-Mga pinanganak na kulang sa timbang

-Mga may sakit sa puso o may sakit ng puso sa pamilya

-Mga sobrang bigat ang timbang

-Mga naghihinala na mayroon silang problema sa bato

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/kidney-ultrasound-doctor-analyzing-patient-health-1987734245

Ang sakit sa bato ay kadalasang hindi nagagamot, ngunit sa kabutihang-palad ay maaaring maagapan. Mahalaga ang maagang pagtuklas sa sakit upang mapigilan ang kidney failure.  Para sa tamang tulong para rito, mabuti paring lumapit sa doctor, maaari rin natin silang tanungin tungkol sa mga programa na nagbibigay ng access sa mga tamang gamutan para sa mga Pilipinong may sakit sa bato.
 

References:

 

https://www.healthline.com/health/kidney-health

 

https://nkti.gov.ph/index.php/news/announcements/499-june-is-national-kidney-month-mlink

 

https://caro.doh.gov.ph/june-is-national-kidney-month/



What do you think of this article?