Prostate Cancer sa Pilipinas | RiteMED

Prostate Cancer sa Pilipinas

July 22, 2022

Prostate Cancer sa Pilipinas

Ang prostate ay isang gland na makikita lamang sa mga lalaki. Ito ang gumagawa ng likido na nagpoprotekta at nagbibigay ng sustansiya sa tamud sa semilya. Nagsisimula ang pagtubo ng prostate bago pa isilang ang isang sanggol. Lumalaki ito nang mabilis habang nagbibinata, pagkatapos ay tumitigil o dahan dahang lumalaki sa mga matatanda, dahil sa epekto ng panglalaking hormone na testosterone.

 

Prostate Cancer sa Pilipinas

Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), noong taong 2020, ang prostate cancer ay panglima sa pinakamaraming bagong kaso ng kanser sa Pilipinas. Bawat araw, walong kaso ng prostate cancer ang nadedetect sa mga lalaking Pilipino. Pangsiyam naman ito sa bilang ng mga pinakamaraming namamatay sa kanser sa bansa. Isa sa 100 na lalaki ang maaaring mamatay dahil sa prostate cancer bago mag edad 75.

Kadalasan itong nakikita sa mga nakatatandang lalaki. Halos 6 sa 10 na kaso ay nakikita sa mga edad 65 pataas, at bibihira lamang sa mga edad 40 pababa. Karamihan sa nabibigyan ng diagnosis ng prostate cancer ay humigit kumulang nasa edad na 66.

 

 

Mga Sintomas ng Prostate Cancer

 

Ang benign prostatic hyperplasia (BPH) ay isang kondisyon kung saan lumalaki ang prostate ng lalaki. Maaaring magkatulad ang sintomas ng BPH at prostate cancer,  ngunit ang BPH ay hindi kanser at hindi pinagmumulan ng kanser.

 

Kung nakakaranas ng mga sumusunod na sintomas, lalo na kung edad 65 pataas, agad na magpatingin sa doktor para sa pagsusuri para sa prostate cancer:

 

-Problema sa pag-ihi, kabilang na ang mabagal o mahina na daloy ng ihi o madalas na pag-ihi, lalo na sa gabi

-Dugo sa ihi

-Hirap tigasan ng ari

-Sakit sa balakang, spine, tadyang, o sa iba pang parte kung saan kumalat ang kanser sa buto

-Panghihina o pamamanhid ng paa, o pagkawala ng kontrol sa pag-ihi at pagdumi

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/blood-tube-test-requisition-form-psa-2129806853

 

Paano Malalaman kung may Prostate Cancer?

 

Maaaring matuklasan ng maaga ang prostate cancer sa pamamagitan ng pagsusuri ng dugo ng lalaki para sa dami ng prostate-specific antigen (PSA). Ang isa pang paraan ay sa pamamagitan ng digital rectal exam (DRE), kung saan pinapasok ng doktor ang daliri sa butas ng puwet upang kapain kung malaki at matigas ba ang prostate.

 

Kung ang resulta ng isa sa mga pagsusuri na ito ay abnormal, kailangang sumailim sa ultrasound at biopsy ng prostate upang malaman kung may kanser. Kung ay prostate cancer ay natuklasan sa pamamagitan ng screening test na PSA at nakumpirma sa ultrasound at biopsy, malamang na nasa maagang stage pa ito ng sakit at mas madaling magagamot, kaysa kung walang screening na ginawa.

 

Ngunit, dapat pag-usapan ng doktor at ng pasyente kung kailan dapat sumailalim sa screening test para sa prostate cancer. Madaming mga salik na dapat bigyan ng pansin, tulad ng edad at antas ng kalusugan ng lalaki. Kung ang pasyente ay bata pa at nagkaroon ng prostate cancer, kung hindi agad na maagapan ang kundisyon, maaaring maging dahilan ito ng maagang pagkamatay.

 

Ang screening naman para sa prostate cancer sa mga lalaking mas nakatatanda na hindi maganda ang lagay ng kalusugan ay walang gaanong maitutulong sa paghaba ng kanilang buhay. Ito ay dahil halos lahat ng prostate cancer ay mabagal ang paglaki, at ang mga sakitin at mas nakatatanda ay mas malamang na mamamatay sa ibang sakit, bago pa lumalala ang kundisyon ng prostate at magdulot ng mga problema sa katawan.

 

Ang diskusyon tungkol sa screening ay dapat simulan sa edad na 50 para sa mga lalaki na may average risk na magkaroon ng prostate cancer at inaasahanang mabubuhay ng sampu o higit pang taon. Mas maaga naman dapat ang screening para sa mga taong high risk.  Pero, ang pangkalahatang kalusugan, at hindi lamang ang edad, ang dapat basehan ng desisyon tungkol sa prostate cancer screening.

 

Prostate Cancer Awareness Month

 

Upang maipalaganap ang kaalaman at pag-unawa ng publiko sa prostate cancer, inilunsad ng Department of Health (DOH) ang Prostate Cancer Awareness Month (PCAM). Ipinagdiriwang ito tuwing Hunyo.

 

Bilang parte ng PCAM, nakikipag-ugnayan ang DOH sa iba’t ibang sektor at ahensya para sa mga aktibidad na ginaganap buong buwan kabilang na ang mga webinar series at pag-post ng mga educational materials sa mga digital platform. Layunin nitong iparating sa mga tao ang kahalagahan ng maagang pagtuklas sa prostate cancer pati na rin ang mga paraan kung paano ito maiiwasan.

 

Ang maagang diagnosis ang susi upang matalo ang prostate cancer, ngunit ang eksaktong sanhi nito ay hindi pa alam, kaya sa kasalukuyan, hindi pa posible na mapigilan ang karamihan na magkaroon ng sakit. Marami sa mga risk factor tulad ng edad, lahi, at pagmana sa pamilya ay hindi makokontrol. Ipinaliwanag ng DOH na ang prostate cancer ay kadalasang maagang natutulaksan sa pagsusuri ng prostate-specific antigen  o sa pamamagitan ng digital rectal exam.

 

Ayon sa DOH, ang pagkakaroon ng tamang impormasyon ang pinakamahalagang sandata ng publiko laban sa prostate cancer at iba pang mga sakit. Ang maagang pagkilala sa mga sintomas at ang kaalaman kung kailan nararapat sumailalim sa screening ang mga paraan upang maagang matuklasan at maagapan ang prostate cancer.

 

References:

 

http://www.philcancer.org.ph/wp-content/uploads/2014/06/Si-Mang-Jun-Ay-Nailigtas-sa-Prostate-Cancer2.pdf

 

https://gco.iarc.fr/today/data/factsheets/populations/608-philippines-fact-sheets.pdf

 

https://doh.gov.ph/press-release/DOH-LEADS-OBSERVANCE-OF-THE-PROSTATE-CANCER-AWARENESS-MONTH



What do you think of this article?