Pag-aalaga ng Hayop: mga Benepisyo nito sa Stress at Mental Health | RiteMED

Pag-aalaga ng Hayop: mga Benepisyo nito sa Stress at Mental Health

April 28, 2022

Pag-aalaga ng Hayop: mga Benepisyo nito sa Stress at Mental Health

Ang mental health ang isa sa mga napabayaang aspeto ng kalusugan sa buong mundo. Bago pa magkaroon ng COVID-19 pandemic, napakaraming mental health issues na ang hindi nabibigyan ng pansin. Sa pagdating ng pandemya, mas lalo pang lumala ang kalagayan ng mental health ng mga tao sa buong mundo.

 

May ilang dahilan kung bakit hindi nabibigyan ng sapat na pansin ang mental health. Una, dahil sa nauugnay na stigma sa mga sakit sa pag-iisip. Pangalawa, ang pagtingin sa mga mental health disorders bilang isang kondisyon na pang-mayaman lamang at hindi totoong karamdaman.

 

Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), dahil sa COVID-19 pandemic, 93% ng mga bansa ang napatigil sa pagbibigay ng kritikal na mental health services, habang tumataas naman ang demand sa ganitong mga serbisyo. Inaasahan na sa susunod na sampung taon, ang depression ay magiging mas mabigat na problema ng mga bansa kumpara sa iba pang mga sakit. Kaya naman ngayon pa lang, mahalaga na mayroon tayong emotional o mental health support.

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/beautiful-asian-woman-practice-yoga-lotus-1745623493

 

Benepisyo ng Pag-aalaga ng Hayop sa Mental Health

 

Bukod sa mga kaibigan at kapamilya, ang emotional support ay maaari ring magmula sa mga alagang hayop tulad ng mga aso at pusa. Ito ay tinatawag na pet effect o human-animal bond, kung saan ang interaksyon ng tao at hayop ay nagdudulot ng benepisyo sa kalusugan ng tao at  sa alaga nito.
 

Batid ng bawat pet owner ang saya na naidudulot ng pagkakaroon ng alaga. Napatunayan na rin ng  ilang mga pag-aaral ang benepisyo ng mga alagang hayop sa mental health at kalusugan ng katawan ng mga tao. Sa isang pagsasaliksik kung saan inobserbahan ang katawan ng tao habang nakikipaglaro sa palakaibigan na aso, ito ang kanilang mga nakita:

 

-Bumaba ang presyon ng dugo

-Bumagal ang tibok ng puso

-Naging regular ang paghinga

-Nabawasan ang tensyon ng kalamnan

 

Lahat ng ito ay senyales ng pagbaba ng stress. Isa ito sa mga patunay na may pisikal na epekto sa mental health ang pagkakaroon ng alagang hayop.


Maraming benepisyo sa mental health ang pagkakaroon alagang hayop tulad ng:

 

-Pagiging mas aktibo. Ang mga pet owner ay mas madalas lumalabas upang ilakad o itakbo ang kanilang mga alaga. Isa rin itong masayang paraan upang maisingit ang ehersisyo sa pang-araw-araw na gawain.

-Pagkakaroon ng kasama. Ang mga alaga ay nakakapagbigay ng sense of security lalo na sa mga nakatatanda na namumuhay ng mag-isa.

-Nakakabawas ng pagkabalisa at nagpapalakas ng kumpiyansa sa sarili. Ang mga alaga ay maaaring maging mabuting tagapakinig, tagapagbigay ng walang kondisyong pagmamahal, at hindi sila marunong mamintas.

-Nakakatulong sa pakikipagkilala sa ibang tao. Ang mga pet owners na nagkakasalubong sa daan ay maaaring maging magkakaibigan.

-Pagkakaroon ng regular routine. Ang pagpapakain, pagpapaligo at pakikipaglaro sa alaga ay nakakatulong sa pagkakaroon ng consistent schedule. Nakakapagbigay ito ng sense of purpose at nakakatulong sa mood ng tao at ng kaniyang alaga.

 

Mga Dapat Alalahanin Bago Mag-alaga ng Hayop

 

Ngayong nakita at naipaliwanag na natin ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng alaga, panahon na ba para maging isang pet owner?

 

Isang malaking commitment ang pag-aalaga ng hayop. Ang mga nais maging pet owner ay dapat maluwag sa kalooban na maglaan ng oras, pera, at enerhiya para sa magiging alaga nila. Dapat tandaan na hindi ito magbibigay ng miracle cure sa mga mental health issues. Makakatulong lamang ito sa mga taong mahilig sa mga hayop o pet lovers. Kung hindi ka “animal person”, maaaring walang maidulot na benepisyo ang pagkakaroon ng alaga.

 

Para sa mga taong handa na magkaroon ng alaga, ito ang ilan sa mga dapat isaalang-alang:

 

-Gaano kalaki ang espasyo na maaaring ilaan sa alaga. Kailangan i-plano kung magkakasya ba sa bahay ang mga pet supplies tulad ng kulungan, at dapat mayroong sapat na espasyo para sa paglalaro ng alaga.

-Perang magagastos para sa pagkain at pagpapatingin sa beterinaryo. May mga alaga na mas madalas nangangailangan ng grooming, na maaaring maging dagdag sa gastusin.

-Edad ng alaga. Nakakatuwang magkaroon ng mga kuting at tuta, ngunit matrabaho rin ang pag-aalaga sa mga ito. Kapag tumanda ang mga alaga, maaaring magkaroon din sila ng mga isyu sa kalusugan na kailangang bigyan ng pansin.

-Pag-eehersisyo ng alaga. May mga hayop na mas aktibo at mas nangangailangan ng physical activity.

 

Ang pagkakaroon ng alaga ang isa sa mga pinaka-rewarding na relasyon sa buhay ng isang tao. Ang mga pet owner ay kadalasang mas masaya, mas malaya, at mas matatag kaysa sa mga taong walang alaga. Para sa mga taong walang oras, pera at abilidad na magkaroon ng alaga ngunit nais maging malapit sa mga hayop, maaaring mag-alok sa kaibigan na bantayan ang kaniyang alaga o magvolunteer sa mga animal shelter. Kahit hindi man maging full-time pet owner, maaari pa ring maranasan ang benepisyo ng pagkakaroon ng alaga sa mental health.

 

Ano ang Iba pang Paraan Para Mapapangalagaan ang Mental Health?

 

Importante na pangalagaan ang sarili pagdating sa mental health, at kahit wala tayong alagang hayop, ay marami pa rin tayong maaaring gawin. Kasama sa self-care ang pagbibigay ng oras para magawa ang mga bagay na nakakatulong sa malusog na pamumuhay.

 

Ito ang ilang karagdagang tips para masimulan ang pag-aalaga sa sarili:

 

-Mag-ehersisyo araw-araw. Kahit 30 minuto lamang na paglalakad araw-araw ay nakakapag pagaan ng mood at nakabubuti sa kalusugan.

-Kumain ng masustansyang pagkain at uminom ng maraming tubig. Iwasan ang pag-inom ng caffeinated drinks tulad ng kape at soft drinks.

-Siguraduhin na may sapat na tulog at pahinga. Ang blue light mula sa screens ng mga devices ay maaaring magdulot ng problema sa pagtulog. Iwasan ang paggamit ng cellphone o computer bago matulog.

-Subukan ang mga relaxation o wellness programs tulad ng meditation, breathing exercises at pagsusulat sa journal.

-Maging mapagpasalamat. Maglista ng mga bagay na dapat pasalamatan araw-araw. Ipaalala sa sarili kung bakit ka mapalad.

-Magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Umiwas sa negatibo at hindi nakakatulong na pag-iisip.

-Maging konektado. Makipag-usap sa mga kapamilya at kaibigan na maaaring makapagbigay ng emotional support.

 

References:

 

https://blogs.worldbank.org/health/mental-health-lessons-learned-2020-2021-and-forward

https://www.mentalhealth.org.uk/publications/how-to-mental-health

https://www.nimh.nih.gov/health/topics/caring-for-your-mental-health

https://mhanational.org/blog/better-mental-health-experience-pet-effect

https://www.newportacademy.com/resources/well-being/pets-and-mental-health/

https://www.mentalhealth.org.uk/a-to-z/p/pets-and-mental-health



What do you think of this article?