Paano Makakasigurado na Hindi Peke ang iyong Nabiling Gamot? | RiteMED

Paano Makakasigurado na Hindi Peke ang iyong Nabiling Gamot?

April 28, 2022

Paano Makakasigurado na Hindi Peke ang iyong Nabiling Gamot?

Sa halip na magpagaling, may mga gamot na lalo pang nakakasama sa katawan. Ano pa man ang karamdaman, mahalaga na ang pinagkukunan ng medisina ay lehitimo at mapagkakatiwalaan.

 

Sa paglaganap ng COVID-19 virus, lumawak ang saklaw ng counterfeit o peke na mga gamot at medical products. May mga mapagsamantalang tao na naghangad kumita ng pera sa pagbebenta ng mababang kalidad o peke na personal protective equipment (PPE) at hygiene products tulad na lamang ng surgical masks, gloves at sanitizers. Naging laganap din ang pagbebenta ng gamot na may false claims tulad ng medisina na proteksyon daw o lunas sa COVID-19 virus. Sa panahong ito, kailangang maging mapanuri upang makaiwas sa pinsala at gastos dahil sa mga pekeng produkto.

 

Mga Panganib Dulot ng Pekeng Gamot

 

Ang hindi masyadong mapanganib na resulta ng paggamit ng pekeng gamot ay ang pagiging hindi epektibo nito. Ang pinakamasamang pinsala naman na maidudulot nito ay ang mga hindi inaasahang side effect, allergic reaction, o ang paglala ng karamdaman. Bukod dito, ang mga mababang kalidad at pekeng gamot ay maaaring magresulta sa mga impeksyon na hindi gumagaling sa antibiotic. Halimbawa, ang isang pasyenteng may malaria na umiinom ng gamot na may napakakaunting active ingredient ay maaaring makaranas ng pansamantalang lunas sa pag-alis ng parasito sa katawan, ngunit ang mga maiiwan sa katawan ay magiging masyadong malakas para mapatay ng gamot at lalong kakalat. Ito ang tinatawag na antibiotic resistance.

 

Gamot at iba pang Pekeng Produkto

 

May iba’t ibang klase ng pekeng gamot. Maaaring mali o dinoktor ang label ng produkto. Kadalasan, mali ang dami ng nilalaman na active ingredient (kakaunti, sobra, o wala). Ang ibang gamot ay may halong mercury, arsenic, lason sa daga, o semento. May mga kaso rin kung saan tunay ang gamot ngunit ninakaw, hindi maayos ang pag-iimbak o nag-expire na. Kahit lehitimo ang gamot, maaaring hindi na ito mabisa o kontaminado na.

 

Bukod sa mga gamot, maaari ring makapinsala ang mga huwad na medical devices. Ilan lamang ang listahan na ito sa mga produktong binebenta na peke:

-Produkto at gamot kaugnay ng COVID-19, tulad ng disposable surgical mask, hand sanitizer, gamot laban sa virus at malaria, bakuna at COVID-19 test kits

-Gamot na ‘nagliligtas ng buhay’, tulad ng gamot sa kanser, malaria, HIV at iba pang malalang karamdaman

-’Lifestyle’ medicine, tulad ng gamot sa erectile dysfunction at pampapayat

-Medical devices, tulad ng contact lens, condom, hiringgilya, instrumentong pang-opera, wheelchair at radiotherapy machines

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/rubber-stamping-that-says-fda-approved-422429341

Paano Malalaman kung Peke ang Gamot?

 

Ang mga pekeng medisina ay kadalasang nakabalot na katulad ng magandang kalidad na gamot ngunit naglalaman ng pekeng tableta na kamukhang kamukha rin ng tunay na gamot. Minsan, ang pag-aaral lamang sa laboratoryo ang tanging paraan upang masabi kung alin ang tunay at hindi.

 

Maging maingat sa pagbili ng gamot, lalo na kung bibili online.

 

Suriin ang “six Ps”:

 

-Place (Lugar) - Huwag bibili ng gamot mula sa mga hindi kilalang website o tindahan. Bumili lamang sa mga lisensyadong supplier na may nakadisplay na sertipikasyon. Kung hindi sigurado sa pinagbibilhan, maaaring hanapin sa listahan ng mga nakarehistro sa Food and Drug Administration (FDA) na makikita sa website na ito: http://verification.fda.gov.ph.

 

-Prescriptions (Reseta) - Bumili lamang ng gamot na nireseta ng doktor. Kung bibili online, siguraduhing ang website ay nangangailangang magpakita ng reseta. Iwasang bumili sa mga website na nag-aalok ng reseta base sa pagsagot ng mga survey o kaya naman walang makausap na pharmacist.

 

-Promises (Pangako) - Mag-ingat sa mga parmasya na nag-aalok ng mga produktong may hindi kapani-paniwalang pangako. Ilan dito ang mga gamot sa lahat ng klase ng malubhang sakit, may “money-back guarantee”, walang side effect, o limitado ang suplay kaya kinakailangang bumili nang maaga.

 

-Price (Presyo) - Suriin ang presyo at ikumpara sa ibang produkto na kadalasang nabibili sa mga lehitimong tindahan. Kung malaki ang pagkakaiba ng presyo at sobrang mas mura ang gamot, malamang peke ito.

 

-Privacy - Huwag magbigay ng financial information sa mga website, maliban kung siguradong ligtas ang online payment system nito. Kadalasan, kasama ng pagbebenta ng pekeng gamot ang credit card scam at identity theft. Huwag magbigay ng personal na impormasyon bukod sa impormasyong medikal.

 

-Product (Produkto) - Ihambing ang gamot sa iyong karaniwang reseta. Peke ang gamot kung:

                -Madami, kakaunti o may kakaibang sangkap

                -May ibang katangian o side effect

                -Iba ang hugis, laki, lasa o kulay

                -Luma na o walang expiration date

                -Walang impormasyon kung paano dapat itago ang gamot

                -Hindi maganda ang pagkabalot o mukhang nabuksan na

                -Mali ang spelling o may grammatical error sa balot

 

Babala ng Food and Drug Administration sa Pekeng Gamot

 

Nito lamang huling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa noong Enero (2022), nagkaubusan ng binebentang Paracetamol sa mga parmasya. Ayon sa FDA, kabilang ang Paracetamol sa mga produktong nabebenta ng peke. Ang ilan pa sa mga gamot na may counterfeit version ay ang mga sumusunod: Phenylpropanolamine HCl/Chlorphenamine Maleate/Paracetamol, Carbocisteine, Dextromethorpan HBr/Phenylpropanolamine HCl/Paracetamol, Phenylephrine HCl/Chlorphenamine Maleate/Paracetamol, Ibuprofen/Paracetamol, Ibuprofen, Paracetamol, at Mefenamic Acid.

 

Dahil sa pandemya, dumami ang mga bumibili ng mga produkto online, kasama na rito ang mga gamot. Maaaring dumami ang magbenta at makabili ng mga pekeng gamot dahil sa mas maluwag na regulasyon sa mga online store. Pinaalalahan ng FDA ang publiko na maging alerto sa pagbili ng mga gamot. Kung sa iyong palagay ay nabentahan ka ng pekeng gamot, agad na ipaalam ito sa parmasya kung saan ito nabili at sa iyong doktor. Maaari ring mag-report sa lokal na pulis o sa FDA kung may kahinahinalang binebenta online o sa mga tindahan.

 

References:

 

https://www.interpol.int/en/Crimes/Illicit-goods/Shop-safely/Fake-medicines

https://newsinfo.inquirer.net/1538677/fda-warns-public-vs-fake-drugs

https://fifarma.org/en/how-to-identify-a-counterfeit-medicine/



What do you think of this article?