Mga Sintomas ng Sinusitis | RiteMED

Mga Sintomas ng Sinusitis

May 6, 2022

Mga Sintomas ng Sinusitis

Ang mga sinus ay mga butas na naglalaman ng hangin na makikita sa makapal na bahagi ng bungo. Binabawasan nito ang timbang ng bungo. Nababalot ang mga sinus ng tisyu na gumagawa ng mucus o uhog. Dumadaloy ang hangin at uhog sa mga sinus sa pamamagitan ng maliit na butas sa buto.

 

Mayroong apat na magkakapares na sinus sa kanan at kaliwang bahagi ng ulo ng tao na konektado ng maliliit na daluyan. Ang mga ito ay matatagpuan malapit sa ilong at mata. Ang pinakamalaking sinus at ang pinakamadalas na nagkakaimpeksyon ay iyong nasa ilalim ng mga mata.

 

Bakit Nagkakaroon ng Sinusitis?

 

Kapag nagbara ang butas na ito, hindi makakadaan ang hangin, at ang uhog sa loob ng sinus ay hindi makakalabas. Ito ang nagiging sanhi ng sinusitus, o ang implamasyon o pamamaga ng mga tisyu na bumabalot sa mga sinus ng ulo. Ang pagdaloy ng uhog sa mga sinus ay mahalaga sa pagpapanatili ng malinis na ilong na walang bakterya. Ang mga sinus ay karaniwang naglalaman ng hangin, ngunit kung magbara at maipon ang uhog, maaaring tubuan ng mga mikrobyo at magkaroon ng impeksyon.

 

Ilan sa mga maaaring pagmulan ng mga ito ay ang mga sumusunod:

 

-Karaniwang sipon

-Allergic rhinitis o sipon na mula sa allergy

-Polyp o bukol sa loob ng ilong

-Deviated septum o nakalihis na cartilage na naghahati sa butas ng ilong

-Mahinang resistensya mula sa sakit o gamot

 

Para sa mga sanggol o maliliit na bata, maaaring tumaas ang tyansa ng pagkakaroon ng sinusutis dahil sa pananatili sa day care, paggamit ng mga pacifier o pag-inom sa bote habang nakahiga. Sa mga matatanda, ang paninigarilyo ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng impeksyon ng sinus.

 

Mga Sintomas ng Sinusitis

 

Kabilang sa mga pangkaraniwang senyales at sintomas ng sinusitis ay ang mga sumusunod:

 

-Post nasal drip o ang pagtulo ng sipon sa likod ng lalamunan

-Nasal discharge o ang paglabas ng makapal na madilaw o berdeng uhog mula sa ilong

-Baradong ilong

-Pakiramdam na may pressure sa ulo, lalo na sa paligid ng ilong, mata o noo, sakit ng ulo o sakit ng ngipin o tainga

-Mabahong hininga

-Ubo

-Masakit na lalamunan

-Pagkapagod

-Lagnat

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/little-asian-girl-saline-nasal-wash-1819646090

Ano ang Gamot sa Sinusitis?

 

May ilang mga maaaring gawin sa bahay upang mabawasan ang sintomas ng sinusitis:

 

-Maglagay ng warm compress sa ilong at noo upang mabawasan ang pressure na nararamdaman

-Gumamit ng decongestant o saline nasal spray

-Uminom ng madaming tubig

 

Kung nakakaranas ng baradong ilong, ang pagpupuwersa na mailabas ang sipon ay mas nakakapagpalala ng sintomas ng sinusitis. Ang pinakamainam na gawin ay dahan-dahang suminga sa magkabilang butas ng ilong. Bago suminga, maaaring banlawan muna ang ilong upang paluwagin ang mga nakabara sa loob. Siguraduhing itapon nang maayos ang tisiyu at maglinis ng kamay gamit ang sabon at tubig o antimicrobial sanitizer.

 

Maaaring uminom ng mga over-the-counter medications upang mabawasan ang sintomas ng sinusitis, ngunit maging maingat sa pagbibigay nito sa mga bata. Hindi lahat ng gamot ay maaaring ibigay sa mga bata. Ang ilan sa mga over-the-counter medications na maaaring inumin ay gamot para sa sakit ng ulo, sipon at ubo.

 

Huwag bibili ng antibiotic kung hindi ayon sa rekomendasyon ng doktor. Kadalasan, hindi nangangailangan uminom ng antibiotic para sa impeksyon ng sinus. Madami sa mga ito ang gumagaling nang kusa kahit walang inumin na gamot. Sa mga kaso na hindi nangangailangan ng antibiotic, tulad ng sinusitis dulot ng pangkaraniwang sipon, wala itong maitutulong sa sintomas ng sinusitis at maaaring magdulot pa ng pinsala kaysa magpagaling. Sa ilang pagkakataon na kinakailangan ng antibiotic, makipag-usap sa doktor upang malaman ang pinakamainam na gamot para sa karamdaman.

 

Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?

 

Magpatingin sa doktor kung nakakaranas ng mga sintomas tulad ng:

 

-Matinding sakit ng ulo

-Sintomas na mababawan sa umpisa ngunit lumalala ulit

-Sintomas na hindi bumubuti at tumatagal ng higit sampung araw

-Lagnat na tumatagal ng higit sa tatlo o apat na araw

-Nakakaranas ng paulit ulit ng impeksyon ng sinus sa isang taon

 

Ilan lamang ito sa mga maaaring senyales ng komplikadong sinusitis. Kapag malala o nakakabahala ang nararamdaman, agad na magpatingin sa doktor upang mabigyan ng tamang payo at gamot.

 

Bagaman hindi kadalasang nangyayari, ang sinus infection na hindi agad naagapan ay maaaring maging nakamamatay kapag lumala at naging meningitis, o ang impeksyon ng soft tissue na nakabalot sa utak at spinal cord.

 

Tips Upang Maiwasan Magkaroon ng Sinus Infection

 

Ang pinakamainam na paaran upang maiwasang magkaimpeksyon ang sinus ay ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan. Ang ilan sa mga tips sa pag-iwas sa sakit ay ang mga sumusunod:

 

-Ugaliing maghugas ng kamay

-Tumanggap ng regular na bakuna laban sa flu at pneumococcal infection

-Iwasang magkaroon ng close contact sa mga taong may sipon o impeksyon sa baga

-Kung may allergy, umiwas sa mga maaaring trigger nito tulad ng alikabok, pollen at buhok ng hayop

-Huwag manigarilyo at umiwas sa mga taong naninigarilyo

 

 

References:

 

https://www.rxlist.com/sinus/definition.htm

https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/17701-sinusitis

https://www.enthealth.org/conditions/sinusitis/



What do you think of this article?