Mga Senyales ng Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) at Kailan Dapat Lumapit sa Doktor | RiteMED

Mga Senyales ng Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) at Kailan Dapat Lumapit sa Doktor

April 28, 2022

Mga Senyales ng Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) at Kailan Dapat Lumapit sa Doktor

Kada March 8 ay ipinagdiwang ang International Women's Day. Idinaraos ang araw na ito bilang pagdiriwang ng mga tagumpay ng mga babae sa iba’t ibang larangan. Binibigyang pugay sa araw na ito ang pagsisikap ng bawa’t babae at naglalayong iangat pa lalo ang mga kababaihan. Kabilang sa pagpapahalaga sa mga babae ang pagpapahalaga sa kalusugan nila, partikular na ang kanilang reproductive health. Tatalakayin natin ngayon ang reproductive health ng babae at ang mga senyales na dapat bantayan sa isang babaeng may hormonal imbalance.

 

May dalawang importanteng tungkulin ang mga obaryo ng mga babae. Una ay ang paggawa ng sex hormones tulad ng estrogen at progesterone; pangalawa ay ang paggawa ng mga egg cells na bumubuo sa isang fetus, kasama ng sperm cells ng mga lalaki. Ang mga obaryo ang nagdidikta sa katawan ng mga babae kung kailan magkakaroon ng regla at kung kailan mabubuntis. Kada-buwan, nagrerelease ang obaryo ng mature egg cells sa proseso na tinatawag na ovulation.

 

Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ay isang kondisyon kung saan ang mga obaryo ng babae ay gumagawa ng labis na dami ng androgen, isang panlalaking hormone. Dahil sa imbalance ng pambabae at panlalaki na hormones, hindi nagiging matagumpay ang pagrelease ng obaryo ng egg cells. Ito ang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng madami at maliliit na cyst sa obaryo ng mga babaeng may PCOS.

 

Ano ang Sanhi ng PCOS?

 

Hindi klaro kung ano ang eksaktong dahilan ng pagkakaroon ng PCOS. Ngunit, maraming mga babae na may PCOS ay mayroong insulin resistance. Ang insulin ay ang hormone na nagpapababa ng lebel ng glucose sa katawan. Sa mga taong may insulin resistance, walang masyadong epekto ang insulin kaya maaaring tumaas ang glucose sa dugo. Ang insulin resistance ay kadalasang pinagmumulan ng dyabetis. Ang pagtaas ng insulin sa dugo ay isa sa maaaring dahilan kung bakit dumadami ang androgen levels sa PCOS.

 

Maaari rin na namamana ang PCOS. Karaniwan sa mga babaeng may PCOS ang magkaroon ng nanay o kapatid na may katulad na kondisyon.

 

Ano ang mga Karaniwang Nararamdaman ng Babaeng may PCOS?

 

Karaniwang napapansin ang mga sintomas ng PCOS sa mga late teens o early 20’s na mga babae. Ilan sa mga sintomas ng PCOS ay ang mga sumusunod:

-Hindi regular na regla – hindi pagkakaroon ng regla, masyadong madalas o matagal na pagitan ng regla, malakas na regla

-Pagdami ng buhok sa katawan, tulad ng sa mukha, dibdib, tiyan, likod at hita

-Pagbigat ng timbang, lalo na sa tiyan

-Pagkakaroon ng malalang pimples o pagiging oily ng balat na hindi gumagaling sa pangkaraniwang gamutan

-Hirap mabuntis o pagkakaroon ng mga komplikasyon sa pagbubuntis

-Maitim at makapal na balat sa batok, kili-kili at ilalim ng suso

-Pagnipis at pagkapanot ng buhok sa ulo

-Pagsakit ng ulo

-Maraming maliliit na cysts sa obaryo na makikita sa ultrasound

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/gynecology-clinic-room-medical-instruments-interior-1066517525
 

Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor? May mga Gamot ba para sa PCOS?

 

Kapag nakakaranas ng mga sintomas ng PCOS, pumunta sa inyong doktor para masuri ang inyong kalagayan. Bukod sa medical history at physical examination, maaari ring magsagawa ng mga laboratory tests tulad ng ultrasound at eksaminasyon ng dugo.

 

Dahil hormonal imbalance ang naidudulot ng sakit na PCOS, maaaring maapektuhan ang buong katawan ng babae, hindi lamang ang kanyang reproductive system. Ilan sa mga sakit na maaaring idulot ng PCOS ay ang dyabetis, sakit sa puso, altapresyon, metabolic syndrome, endometrial cancer, depression at mga sleep disorder.

 

Ang gamot sa PCOS ay depende sa edad, kagustuhang mabuntis, at kung gaano kalubha ang mga sintomas ng pasyente.  Para sa pasyenteng nais mabuntis, maaaring magbigay ng gamot para sa ovulation upang matulungan ang obaryo na magrelease ng mga egg cells para sa pagbubuntis. Kung hindi naman nais mabuntis ng pasyente, birth control pills ang isa sa mga long-term treatment na pwedeng ibigay. Ang birth control pills ay nakakatulong na gawing regular ang menstrual cycle. Nababawasan din nito ang pimples at ang pagdami ng buhok. Maaari rin nitong mapababa ang tsansa na magkaroon ng endometrial cancer ng babaeng may PCOS. Maaari rin na uminom ang pasyente ng gamot laban sa dyabetis kung sakaling sila ay may insulin resistance. Para sa mga pasyente na overweight o obese, importante ang healthy diet at exercise upang mabawasan ang mga sintomas ng PCOS. Kahit ang kaunting pagbabawas ng timbang ay makakatulong upang maging regular ang regla at mabawasan ang pimples at ang pagiging mabalahibo.

 

Ang gamot para sa PCOS ay iba’t iba, at nababatay sa mga kaakibat nitong sintomas. Importante ang regular na pagpapatingin sa doktor at iwasan mag self-medicate. Ugaliing kumain ng masustansyang pagkain at umiwas sa mga maaasukal na pagkain at mga processed meat, tulad ng hotdog. Samahan ang healthy diet ng regular na ehersisyo upang mapangalagaan nang husto ang kalusugan.

 

PCOS Awareness

 

Isa sa sampung babae ang may PCOS, ngunit marami sa kanila ay hindi nagagamot. Karamihan sa mga babaeng may PCOS ay hindi nababatid na mayroon silang ganitong kundisyon. Importanteng mabigyan ng kaalaman ang mga babae tungkol sa sakit na ito, at ang mga kaakibat nitong sintomas upang maagang makapagpatingin sa doktor. Habang walang lunas ang sakit na PCOS, may mga gamot na maaaring ibigay upang mabawasan ang sintomas at maiwasan ang pagkakaroon ng komplikasyon sa kalusugan.

 

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa PCOS at sa reproductive health ng mga babae, maaaring makipag-ugnayan sa mga doktor ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society (POGS) Foundation Inc. Maaari silang i-contact sa kanilang Facebook page o sa mga numerong ito: (632) 89212479; 89219420; 73415341; 89220195.

 

References:

 

https://www.yourhormones.info/glands/ovaries/

https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/polycystic-ovary-syndrome-pcos

https://www.acog.org/womens-health/faqs/polycystic-ovary-syndrome-pcos

https://www.yourhormones.info/glands/ovaries/

https://www.corephilippines.com/you-dont-have-to-suffer-from-pcos-in-silence/

https://www.pcosaa.org

https://pogsinc.org/?fbclid=IwAR1UnggWrPP1wUdy6LmfP0eziy1YenUKC_dN3saMuoCz8c-BQCrgmNWFGCA#



What do you think of this article?