Mga Dapat Malaman Tungkol sa Polycystic Ovary Syndrome | RiteMED

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Polycystic Ovary Syndrome

May 22, 2018

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Polycystic Ovary Syndrome

Isa ang Polycystic Ovary Syndrome, o PCOS para maikli, sa mga sakit na iniinda ng maraming babae ngayon. Ayon sa mga OB-GYN dito sa bansa, sakit talaga ito ng mga kababaihang nasa reproductive age. Sa katunayan, lima hanggang 10 porsyento ng mga babaeng nasa edad 20-40 ay may polycystic ovaries. 

Ano nga ba ang PCOS? Ito ay isang hormonal disorder kung saan nagkakaroon ang babae ng mga maliliit na cyst sa kanyang obaryo. Naglalaman ang mga cyst na ito ng mga immature egg cells na hindi kayang mag-trigger ng proseso ng obulasyon. Ibig sabihin, bababa ang lebel ng female hormones tulad ng estrogen at progesterone, at tataas ang lebel ng male hormones katulad ng androgen. Ang imbalance na ito ay magdadala ng iba’t ibang sintomas at epekto sa katawan.

Sanhi ng Polycystic Ovary Syndrome

Bago mapunta sa PCOS symptoms at effects, alamin muna natin kung saan ba nagmumula ang sakit na ito. Habang hindi pa natitiyak ng mga espesyalista kung saan nga ba talaga nanggagaling ang PCOS, may ilang factors na nakakabit sa pagkakaroon nito.

Isa sa mga causes ng polycystic ovaries ay ang genes. May mga pag-aaral kung saan sinasabi na ang PCOS ay tumatakbo sa lahi. Kung ang ina o kapatid na babae ay may PCOS, tataas ang tiyansa na magkaroon din tayo nito.

Maliban sa genes, ang isa pa sa mga posibleng PCOS causes ang insulin resistance. Ang insulin ay hormone na ginagawa sa pancreas, na pinaninigurado na nagagamit ng katawan ang sugar o asukal bilang enerhiya. Maaring mangyari na hindi tama ang paggamit ng katawan sa insulin, at dahil sa misuse na ito lalakas lalo ang demand para sa nasabing hormone. Ang masyadong maraming insulin ay magpapataas ng androgen production, kaya mahihirapan ang obaryo sa tamang ovulation process.

Mga Sintomas ng Polycystic Ovary Syndrome

Ang ilan sa mga karaniwang PCOS symptoms ay:

undefined

  • Irregular Periods: Dahil sa kakulangan ng tamang obulasyon, hindi regular ang regla ng mga babaeng may PCOS. Sa katotohanan, may mga babae na hindi man lamang nakakaabot sa walong menstrual cycle sa loob ng isang taon.
  • Malakas na Period: Kung sakali man na datnan ang babaeng mag PCOS, malamang ay napakalakas nito, gawa ng pag-build up ng uterine lining niya.
  • Acne: Epekto ng androgen ang pagmamantika ng balat, kaya maaring magka-tigyawat sa mukha, dibdib, o likod.
  • Labis na Pagtubo ng Buhok (Excessive Hair Growth): Dala rin ng androgen ang abnormal na pagtubo ng buhok, lalo na sa likod, tiyan, dibdib at puwit. Ang tawag sa kondisyon na ito ay hirsutism.
  • Pagtaas ng Timbang: May posibilidad na maging overweight o obese dahil sa PCOS. Madalas, sa tiyan at baywang mapupunta ang labis na timbang bago sa ibang parte ng katawan.
  • Sakit ng Ulo: Nagkakaroon ng headaches ang ilang babaeng may PCOS, dahil sa hormone changes.

Kung nararamdaman ang mga polycystic ovaries symptoms na ito, pumunta na sa isang espesyalista para masuri ng tama.

 

Paano Naapektuhan ng PCOS ang Katawan?

Pinakamalaki ang epekto ang PCOS sa fertility ng babae. Gawa ng hindi pagkakaroon ng regular na regla at obulasyon, hindi rin regular ang paglabas ng egg cells ng katawan. Rason ito kung bakit hirap o hindi pwedeng mabuntis ang mga babaeng may PCOS. Kapag naman nabuntis na, may tiyansa na makunan o kaya naman magkaroon ng premature birth.

Maliban sa fertility, may kinalaman rin ang PCOS sa high blood pressure at mataas na cholesterol. Alam natin na ang pagtaas ng mga ito ay pwedeng magdulot ng sakit sa puso, diabetes, at stroke, kaya importante ang tamang diet para maiwasan ito.

Ang pangatlong epekto ng PCOS ay ang sleep apnea, o ang pamamadaliang pagtigil ng paghinga habang natutulog. Karamihan ng mayroong sleep apnea ang mga taong overweight, pero lumalala ito kung may PCOS rin siya. Dahil ang mga may PCOS ay madaling maging overweight, nagsasabay ang dalawa kaya nagiging problema ang sleep apnea.

Kung mental health naman ang pag-uusapan, ang hormonal changes na dala ng PCOS ay maaring maging sanhi ng depression, anxiety at mga eating disorders.

Ang huli naman, at pinakamalubha na posibleng epekto ng PCOS ay ang endometrial cancer. Nangyayari ang sakit na ito sa endometrium, o ang lining ng matris. Tumataas ang risk ng mga may polycystic ovaries dito dahil sa nararanasan niyang problema sa obulasyon at insulin resistance.

Para sa tamang pag-manage ng sakit na ito, baka kailanganin ng mga gamot at lifestyle changes.

 

Tamang Alaga para sa may PCOS

Pwedeng magrekomenda ang doktor ng mga lifestyle changes bilang PCOS treatment. Kasama dito ang pag-ehersisyo, para sa kahit maliit na pagbawas sa timbang. Ang kawalan ng kahit limang porsyento ng ating timbang ay makakatulong na sa pagbuti ng ating kondisyon. Bilang ehersisyo, tingnan ang pagtakbo, pagbisikleta, paglangoy, o ang mga simpleng routine na kinabibilangan ng mga push-up, crunches, stretching exercises, at iba pa.

Kasabay ng pag-ehersisyo, kumain din ng wastong pagkain. Isama sa PCOS diet ang mga sumusunod:

undefined

  • High-fiber food tulad ng cauliflower, broccoli, bell pepper, berries, kamote, at kalabasa
  • Pagkain na nakakabawas ng pamamaga, kabilang ang kamatis, spinach, mani, olive oil, mga prutas, at mga isda na mataas sa omega-3 fatty acids (salmon at sardinas)

Bawasan naman ang mga maasukal na pagkain at inumin, at ang mga processed meats.

Sundin ang polycystic ovaries diet at exercise na ito para gumanda ang kondisyon at maibsan ang mga sintomas at epekto ng sakit.

Kung gusto naman uminom ng gamot kasabay ang PCOS natural treatment na nabanggit, mayroon ring pwedeng ireseta ang doktor. Malamang, magbibigay siya ng contraceptives o birth control pills. Ang gamot na ito ay may lamang estrogen at progestin, kaya dadami ang female hormones sa katawan habang kakaunti ang male hormones. Makakatulong ang birth control pills hindi lamang sa pagiging regular ng dalas at dami ng pagregla, kung hindi pati na rin sa pagbabawas ng excessive bleeding, ng labis na hair growth, at ng acne.

Siyempre, kumonsulta muna sa doktor bago umpisahan ang mga polycystic ovaries treatment na ito, para sigurado na ang mga gagawing pagbabago ay tugma sa kondisyon.

 

Sa ngayon, wala pang siguradong PCOS cure na nahahanap. Pero sa regular na pagpunta sa espesyalista, at sa pagsunod sa payo nila tungkol sa lifestyle at paggamot, mababawasan ang problema sa sakit na ito.

 

References:

  • https://businessmirror.com.ph/polycystic-ovary-syndrome-what-women-should-know/
  • https://www.healthline.com/health/pcos-diet#takeaway
  • https://www.healthline.com/health/polycystic-ovary-disease#health-effects
  • https://www.healthline.com/health/polycystic-ovary-disease#symptoms
  • http://www.healthywomen.org/condition/polycystic-ovary-syndrome
  • https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pcos/diagnosis-treatment/drc-20353443
  • https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pcos/symptoms-causes/syc-20353439
  • https://www.womenshealth.gov/a-z-topics/polycystic-ovary-syndrome

What do you think of this article?