Epekto ng Vape sa ating Katawan | RiteMED

Epekto ng Vape sa ating Katawan

May 6, 2022

Epekto ng Vape sa ating Katawan

Pito sa sampung taong naninigarilyo ang nagnanais na tumigil. Ang pagtigil sa paninigarilyo ang isa sa pinakamagandang maaaring gawin para sa kalusugan ng tao. Ang paninigarilyo ay nakakasama sa halos lahat ng parte ng katawan, kabilang na ang puso. Halos isang-katlo (â…“) ng mga pagkamatay mula sa sakit sa puso ay dulot ng paninigarilyo o exposure sa secondhand smoke.

 

Ang isang alternatibong isinusulong ng iba ay ang paggamit ng electronic cigarette o vape. Napapadali raw nito ang unti-unting paglipat mula sa sigarilyo hanggang sa tuluyang pagtigil sa paninigarilyo.

 

Mas mabuti nga ba sa kalusugan ang paggamit ng vape kaysa sa sigarilyo na may tabako? Nakakatulong nga ba ito upang tuluyan nang tumigil sa paninigarilyo?

 

Ano ang mas mapanganib: sigarilyo o vape?

 

Laganap ang paggamit ng e-cigarette sa mga kabataan. Ayon sa 2021 National Youth Tobacco survey, higit 2 milyong middle at high school students sa United States ang gumagamit ng e-cigarette, at 8 sa sampung mga estudyanteng ito ay gumagamit ng flavored e-cigarette. Ayon sa pag-aaral, may tatlong dahilan kung bakit nakakaakit ang vape, lalo na sa kabataan. Una, naniniwala sila na ang paggamit ng vape ay mas ligtas kaysa sa paninigarilyo. Pangalawa, mas matipid ang paggamit ng e-cigarette kaysa sa tradisyonal na sigarilyo. Panghuli, gusto ng kabataan at mga nakakatanda ang kawalan ng usok ng e-cigarette. Dahil hindi nangangamoy usok kapag gumagamit ng vape, nababawasan ang stigma na kaakibat ng paninigarilyo.

 

Ang mga regular na sigarilyong may tabako ay mayroong 7,000 na kemikal, at marami dito ay nakakapinsala sa katawan. Ang mga e-cigarette ay mayroong nikotina (kinukuha mula sa tabako), pampalasa at ibang kemikal na pinaiinitan upang makagawa ng singaw na nilalanghap. Kahit mas kakaunti ang mga nakakalason na kemikal sa e-cigarette, hindi pa rin ito ligtas gamitin.

 

Noong Pebrero 2020, kinumpirma ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na nagkaroon ng outbreak ng mga sakit sa baga at pagkamatay na iniugnay sa vape. Karamihan sa mga kasong ito ay nakita sa mga taong gumawa ng ilang pagbabago sa kanilang vaping devices o gumamit ng mga likido mula sa black market.

 

Ayon sa CDC, huwag gumamit ng mga sangkap sa vaping device na hindi ayon sa rekomendasyon ng manufacturer. Huwag dumaan sa mga impormal na bilihan, tulad ng kaibigan, kapamilya, o online seller sa pagkuha ng vaping device.

 

Ano ang epekto ng vape sa katawan?

 

Ayon sa mga pagsasaliksik, ang paggamit ng vape ay nakakapinsala sa puso at baga.

 

Ang nikotina ang pangunahing sangkap ng sigarilyo at e-cigarette, at ito ay labis na nakakahumaling. Nagdudulot ito ng pananabik sa sigarilyo at vape at maaaring makaranas ng withdrawal symptoms kung susubukang tumigil.  Sa mga gumagamit ng e-cigarette, maaaring mas madami pang nikotina ang kanilang nalalanghap dahil mayroong mga produktong “extra-strength” kung saan mas mataas ang konsentrasyon ng nikotina.

 

Ang nikotina ay nagdudulot ng pagtaas ng presyon at adrenaline, na nagpapabilis ng tibok ng puso na maaaring maging dahilan ng atake sa puso.

 

May mga bagong pag-aaral na nag-uugnay sa e-cigarette sa sakit sa baga at hika. Ayon sa isang pag-aaral noong 2019, ang mga taong gumagamit ng e-cigarette ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng sakit sa baga kumpara sa mga taong hindi naninigarilyo.  May mga nilalamang kemikal ang e-cigarette na hindi pa masyadong naiintindihan ang epekto sa baga, ngunit hinihinalang masama sa kalusugan lalo na kung matagal na gagamitin.

 

Bukod sa epekto sa puso at baga, ang ilang komplikasyon ng vaping ay ang mga sumusunod:

 

-Pagdami ng free radicals sa katawan na maaaring magdulot ng kanser

-Paghina ng resistensya

-Pagkaantala ng development ng utak ng mga fetus, bata, at teenager

 

May ilang ulat din tungkol sa mga taong nagtamo ng mga sugat dahil sa pagsabog ng mga defective na baterya ng e-cigarette.

 

Vape bilang paraan upang tumigil sa paninigarilyo?

 

May mga health services sa United Kingdom na inirerekomenda ang vaping bilang epektibong instrumento upang tumigil sa paninigarilyo. Bukod dito, noong 2021, pinahintulutan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbebenta ng tatlong e-cigarette dahil sa kanilang potensyal na benepisyo upang matulungan ang mga taong tumigil sa paninigarilyo.

 

Gayunpaman, ayon sa CDC, hindi sapat ang ebidensya na nagsasabi na nakakatulong ang vaping sa pagtigil sa paninigarilyo. Sa katunuyan, may isang bagong pag-aaral na nagsasabing ang mga taong gumamit ng e-cigarette ay itinuloy pa rin ang paninigarilyo kasabay ng paggamit ng e-cigarette.

 

Ang mas nakakabahalang problema ay ang pagdami ng mga taong gumagamit ng vape na hindi kailanman nanigarilyo. Ibang usapan ang paggamit ng e-cigarette para tumigil sa paninigarilyo sa paggamit ng vape dahil sa pagkahumaling sa nikotina. May mga pagkakataon na ang paggamit ng e-cigarette ang siya pang nagiging dahilan ng paninigarilyo.

 

Ang paninigarilyo at vaping ay may mga side effect at panganib. Sa ngayon, hindi pa lubos ang kaalaman ng mga eksperto sa pangmatagalang epekto ng e-cigarette sa kalusugan, ngunit ipinapakita ng siyensya na hindi ito ligtas na alternatibo sa paninigarilyo.

 

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/male-hand-crushing-cigarette-concept-quitting-408091702

World No Tobacco Day

 

Ang May 31 ay World No Tobacco Day. Ito ay idinaraos upang ipaalam sa publiko ang panganib ng tabako, kung paano nilalabanan ng World Health Organization (WHO) ang epidemya ng paninigarilyo, at kung ano ang maaaring gawin ng mga tao sa buong mundo upang angkinin ang kanilang karapatan sa malusog na pamumuhay at maprotektahan ang susunod na henerasyon.

 

May matibay na koneksyon ang paninigarilyo sa sakit sa puso, sakit sa baga at kanser. Sa mas maagang pagtigil sa paninigarilyo, mas mabilis na makakarecover ang katawan. Makipag-usap sa doktor tungkol sa pinakamainam na paraan upang tumigil sa paninigarilyo.

 

References:

 

https://www.hopkinsmedicine.org/health/wellness-and-prevention/5-truths-you-need-to-know-about-vaping

https://www.medicalnewstoday.com/articles/vaping-vs-smoking

https://www.who.int/campaigns/world-no-tobacco-day



What do you think of this article?