Bakit Delikado ang Paninigarilyo? | RiteMED

Bakit Delikado ang Paninigarilyo?

July 22, 2022

Bakit Delikado ang Paninigarilyo?

Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), ang paninigarilyo ay responsable sa anim na milyong maiiwasang pagkamatay sa buong mundo taun-taon, at karamihan sa mga ito ay mga maagang pagkamatay. May karagdagang 600,000 na katao ang tinantya na namamatay dahil sa secondhand smoke.

 

Walumpung porsyento(80%) ng isang bilyong taong naninigarilyo sa buong mundo ay nagmumula sa mga low- at middle-income na bansa tulad ng Pilipinas.

 

Ang Pilipinas ay isa sa labinlimang bansa sa buong mundo na may mabigat na problema dulot ng masamang epekto ng paninigarilyo sa kalusugan. Kada-taon, 87,600 na Pilipino ang namamatay dahil sa sakit na kaugnay ng paninigarilyo ng tabako.

 

Kaya naman, kinikilala ng bansa na ang pagkontrol sa paninigarilyo ng tabako ay hindi lamang isang prayoridad sa pampublikong kalusugan, kundi isa ring mahalagang salik sa pag-unlad na nakakaapekto sa pangkalahatang kalidad ng buhay at kagalingan ng mga mamamayan.

 

 

 

 

Mga Lason sa Sigarilyo

 

Ang tabako ay naglalaman ng mga nakakalason na sangkap na nakakaapekto sa kalusugan ng tao. Dalawa sa mga lason na ito ay ang:

-Carbon monoxide. Ang usok mula sa sasakyan ay gumagawa rin nito, at ito ay nakamamatay kapag maraming nalalanghap. Pinapalitan nito ang oxygen sa dugo at inuubos ang suplay nito sa mga internal organs, at pinipigilan ang maayos na pagtakbo ng mga proseso sa katawan.

-Tar. Isa itong kulay-kape at malagkit na likido na bumabalot sa baga at nakakaapekto sa paghinga.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-senior-man-1052037224

 

Epekto ng Sigarilyo sa Kalusugan

 

  1. Utak

 

Dahil sa paninigarilyo, tumataas ng dalawa hanggang apat na beses ang posebilidad ng pagkaroon ng stroke ng isang tao. Maaari itong magdulot ng pinsala sa utak at kamatayan.

 

Isa sa mga paraan kung paano nasisira ang tisyu ng utak ay sa pamamagitan ng aneurysm kung saan nagiging marupok ang lining ng daluyan ng dugo. Maaaring magkaroon ng umbok na sumasabog sa tisyu ng utak na nagiging dahilan ng stroke.

 

  1. Puso

 

Ang mga kemikal sa tabako ay maaaring maging dahilan ng mga problema sa puso at sa daluyan ng dugo. Ang paninigarilyo ay nagdudulot ng atherosclerosis, kung saan nagkakaroon ng pamumuo ng dugo na nagbabara sa mga ugat ng katawan. Sumisikip ang daluyan, nababawasan ang suplay ng dugo, at tumataas ang panganib ng pamumuo ng dugo.

 

Nakakasira rin ang paninigarilyo ng lining ng daluyan ng dugo, na nagreresulta sa makapal at makipot na ugat. Pinahihirapan nito ang pagdaloy ng dugo, at nagpapataas ng presyon at nagpapabilis ng tibok ng puso.

 

Konektado ang paninigarilyo sa coronary heart disease, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay, at sa atake sa puso. Dinodoble ng paninigarilyo ang panganib ng pagkakaroon ng atake sa puso.

 

Dahil sa carbon monoxide at nicotine, nangangailangan magtrabaho ng mas mabilis at mas mahirap ang puso. Mas mahirap na mag-ehersisyo kapag ang tao ay naninigarilyo. Ang kakulangan sa ehersisyo ay nagdudulot pa ng karagdagang problema sa kalusugan.

 

  1. Buto

 

Ayon sa pag-aaral ng National Institutes of Health (NIH), binabawasan ng paninigarilyo ang kapal ng buto, kaya naman nagiging mas mahina at mas marupok ang mga ito. Nagpapatagal rin ito sa paggaling ng buto pagkatapos mabalian.

 

Mahirap masigurado ng mga mananaliksik kung ang mga ito ay direktang resulta ng paninigarilyo, o dahil sa ibang salik na laganap sa mga taong naninigarilyo. Kabilang na rito ang pagiging kulang sa timbang at ehersisyo.

 

Maaring mas makaapekto ito sa mga babae kaysa sa lalaki dahil mas madaling magkaroon ng osteoporosis at pagkabali ng buto ang mga babae.

 

  1. Resistensya

 

Ang immune system ang tagapagprotekta ng katawan laban sa impeksyon at sakit. Ayon sa mga pag-aaral, pinapahina ng paninigarilyo ang resistensya at nagdudulot ng implamasyon sa katawan. Maaari itong maging sanhi ng mga autoimmune diseases, at may koneksyon rin sa pagkakaroon ng type 2 diabetes.

 

  1. Baga

 

Marahil ang baga ang pinakamalinaw na naaapektuhan ng paninigarilyo. Kadalasan, umaabot ng ilang taon bago makapansin ng sintomas, kaya naman maaaring matuklasan lamang ang sakit kapag ito ay malala na.

 

 

 

Tatlo sa pinakakaraniwang sakit sa baga na nakukuha sa paninigarilyo ay ang sumusunod:

 

-Chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Nagdudulot ito ng pagsikip ng dibdib, paghuni, at hirap sa paghinga.

-Chronic bronchitis. Nangyayari ito kapag ang daluyan ng hangin ay gumagawa ng sobrang plema. Nagdudulot ito ng ubo at pamamaga ng baga. Habang tumatagal, ang peklat sa baga at plema ay tuluyang nagbabara sa daluyan ng hangin at nagiging dahilan ng impeksyon.

-Emphysema. Sa emphysema, nababawasan ang dami ng mga air sac o alveoli sa baga. Ito ang parte ng baga kung saan nagkakaroon ng palitan ng oxygen at carbon dioxide. Nakakaranas ang taong may emphysema ng hirap sa paghinga, kahit nagpapahinga, at habang tumatagal, maaaring kailanganing gumamit ng oxygen mask.

 

Ang iba pang sakit sa baga na maaaring idulot ng paninigarilyo ay pneumonia, hika at tuberculosis.

 

  1. Bibig

 

May ilang epekto ang paninigarilyo sa kalusugan ng bibig tulad ng mabahong hininga, maduming ngipin, tuyong bibig, at bawas na panlasa.

 

  1. Pag-aanak

 

Ang mga babae na naninigarilyo ay maaaring makaranas ng hirap sa pagbubuntis. Sa mga lalaki naman, maaaring magdulot ito ng pagkabaog dahil sa pinsala sa daluyan ng dugo sa ari. Nakakabawas din ito ng sperm count.

 

Ang paninigarilyo habang buntis ay may ilang panganib sa sanggol tulad ng pagsilang na kulang sa buwan, pagkalaglag ng sanggol, mababang timbang, biglaang pagkamatay, at ibang mga karamdaman ng bata.

 

  1. Balat

 

Binabawasan ng paninigarilyo ang oxygen na nakakarating sa balat. Pinapabilis nito ang pagtanda ng balat at nagdudulot ng hindi kaaya-ayang hitsura at kulay ng balat.

 

Mas mabagal din ang paggaling ng mga sugat sa balat ng mga taong naninigarilyo, at mas mataas ang tyansa na magkaroon sila ng impeksyon sa balat.

 

  1. Kanser

 

May 7,000 na kemikal sa tabako, at hindi bababa sa 69 ang nagdudulot ng kanser.

 

Kanser sa baga ang pinakanangungunang dahilan ng pagkamatay sa kanser sa babae at lalaki. Isa rin ito sa pinakamahirap na gamutin.

 

Ang iba pang kanser na iniuugnay sa paninigarilyo ay kanser sa:

-Baga

-Larynx, o voice box

-Pharynx, o lalaugan

-Esophagus, o ang tubo na nagkokonekta sa bibig at sikmura

-Bato

-Kwelyo ng matris

-Atay

-Pantog

-Lapay

-Tiyan

-Bituka

-Dugo

 

Mga Tips sa Pagtigil sa Paninigarilyo

 

Iba’t iba ang prosesong pinagdadaanan ng mga taong nais tumigil sa paninigarilyo. Maaaring subukan ang ilan sa mga tips na ito upang malaman kung ano ang pinakaepektibo:

-Gumawa ng listahan ng mga rason kung bakit magandang ideya ang pagtigil sa paninigarilyo. Basahin ito tuwing makaramdam ng tukso sa paninigarilyo.

-Gumamit ng mga app upang masubaybayan ang progreso. Gamitin itong motivation upang magpatuloy sa layunin.

-Subukang gumamit ng mga nicotine replacement products upang mabawasan ang pananabik sa sigarilyo.

 

Maraming mga tao ang nakatuklas na ang pagpapakonsulta sa doktor ay nakakatulong sa pagtigil nila sa paninigarilyo. Maaaring may mga gamot na ireseta at mga karagdagang payo ang ibigay upang maging tagumpay ang pagtigil sa paninigarilyo.

 

References:

 

https://doh.gov.ph/Tobacco-Control-Key-facts-and-Figures

 

https://www.medicalnewstoday.com/articles/10566#smoking-and-health



What do you think of this article?